Chapter 18

1.3K 42 6
                                    

UMUNGOL bilang protesta si Tazmania nang may maramdaman siyang mabigat at malikot na bagay sa tiyan niya. Nang imulat niya ang mga mata, sumalubong sa kanya ang nakatawang si Jerry. Nawala bigla ang init ng ulo niya at sa halip ay napangiti siya. Hinawakan niya sa baywang ang bata, para maalalayan ito sa pagbangon niya.

Ang totoo niyan, masakit ang katawan niya, lalo na ang kanyang ulo paggising pa lang niya kanina. Pero ngayong nakikita niya ang matataba at mapupulang pisngi ni Jerry, gumaan na ang kanyang pakiramdam.

"Good morning, Jerry. Ano'ng kailangan ng baby kay Toto?" masiglang tanong ni Tazmania. Ang ganda ng gising niya kapag ganito ka-cute na bata ang sasalubong sa kanya.

"Tadie! Shower!" Hinawakan ni Jerry ang basang buhok na para bang ipinapakita sa kanya, pagkatapos ay bumungisngis.

Nakuha naman ni Tazmania ang gustong mangyari ni Jerry, kaya yumuko siya at inamoy ang buhok nito. "Hmm. Ang bango naman ng baby, ha? Ang aga ka yatang pinaliguan ng Tadie n'yo? Nag-pupu ka ba?"

"Taz!"

Lumuwang ang ngiti ni Tazmania nang makita naman si Tom na tumatakbo na diaper lang ang suot papunta sa kanya. Gamit ang isang braso, hinapit niya sa baywang si Tom at kinandong ito. Inamoy niya ang buhok ng bata. "Hmm. Mabango ka na rin, ha?" Kiniliti niya ang matabang tiyan ni Tom. "Pero bakit naka-diaper ka lang?"

"Tadie!" sagot ni Tom.

"Kids, bakit n'yo ba 'ko tinatakbuhan?"

Napunit na ang mga pisngi ni Tazmania sa pagngiti nang si Odie naman ang lumabas mula sa kuwarto. Napansin niyang naka-pajama pa rin ito, pero ang ganda-ganda pa rin. "Good morning, Odie."

Ngumiti si Odie. "Good morning, Tazmania. Mabuti naman gising ka na. Bantayan mo muna ang kambal, ha? Maliligo lang ako."

"Ang aga n'yo yatang mag-ayos. Mamamasyal ba kayo?"

Kumunot ang noo ni Odie at namaywang. "Wait, Tazmania. Nakalimutan mo bang ngayon ang araw na isasauli natin ang kambal kina Garfield?"

Biglang natigilan si Tazmania, kasabay ng tila pagbuhos ng malamig na tubig. How could he have forgotten? Tumawag nga pala kagabi si Garfield at sinabing miss na miss na ni Snoopy ang mga anak. Kaya nagdesisyon ang mag-asawa na maghanap na talaga ng mga yaya para sa kambal, at sisiguruhin na lang na mapagkakatiwalaan talaga ang makukuha.

Nawala iyon sa isip niya dahil masyado siyang masaya sa mga lumipas na araw, lalo na pagkatapos ng pag-uusap nila ni Odie at sabihin nitong gusto nang mabuhay ng dalaga.

Tiningnan ni Tazmania si Tom, pagkatapos ay si Jerry. Parehong nakatingin at nakatawa sa kanya ang kambal na magkamukhang-magkamukha. Bigla-bigla ay parang may sumuntok sa kanyang dibdib. Iyon na pala ang huling araw na may maiingay at nag-iiyakang bata ang gigising sa kanya sa umaga, at sa kalaliman ng gabi.

"Malungkot ka," puna ni Odie.

"Hindi, ah," kaila ni Tazmania. "Okay nga 'yon, eh. Wala nang mang-iistorbo sa tulog ko. Wala na ring magdo-drawing sa pader nitong unit ko."

Dumako ang tingin ni Tazmania sa pader na punong-puno ng mga guhit ng krayola. Na gawa nina Tom at Jerry. Naalala niya ang gabing umuwi siya na tahimik ang kambal, ganoon din si Odie na mukhang guilty na guilty.

Pagkatapos, nakita niya ang puting dingding niya na biglang naging makulay. Ang sabi ni Odie, tinitimplahan lang niya ng gatas ang kambal at pagbalik niya, ang pader na ang kinukulayan ng mga ito at hindi ang coloring book.

Sorry nang sorry si Odie, pero dahil hindi naman siya nagalit, tinawanan lang niya iyon. Para mabawasan ang guilt ni Odie, sinamahan pa niya ang kambal sa pagdo-drawing sa dingding. Dahil wala naman siyang dugong artist, lalo lang dumumi ang dingding.

Dumb Ways To LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon