"I WANT to a start a family collection for the Tee House," pagsisimula ni Odie habang ipinapakita kay Monique ang mga picture ng mga T-shirt na siya mismo ang nag-design. "Na-inspire kasi ako nang makita ko kayong mga kaibigan kong may kanya-kanya ng pamilya at mga anak, kaya naisip kong bakit hindi ako gumawa ng line na para sa isang family?"
"That's nice," sinserong sabi ni Monique habang tumatango-tango, na para bang inaaprubahan ang mga design niya.
"Meron din akong designs na ginawa para sa mga single parent na gaya mo," nakangiting sabi ni Odie, saka pinakita sa kanya ang mga statement shirt para sa mga tulad ni Monique. "Nagustuhan mo ba?"
Binasa ni Monique ang nakasulat sa mga statement shirt, at napabungisngis ito. "Ang cute ng mga 'to, Odie. I'm sure papatok 'to sa market."
Lumuwang ang ngiti ni Odie, masaya na nagustuhan ni Monique ang kanyang mga design.
Nagpunta siya sa bahay ng kanyang best friend dahil inimbitahan siya nito. Hindi kasi sila nakapag-bonding noong birthday ni Moria, kaya gusto nitong bumawi ngayon. Kanina ay nakalaro na rin niya si Baby Moria, pero nang napagod ay nakatulog ang bata.
Kaya ngayon, nakapag-usap na sila ni Monique tungkol sa plano niyang gawin sa Tee House, at para na rin hingin ang tulong ng kaibigan.
"Monique, ang totoo niyan, kailangan ko ng tulong mo," seryoso nang sabi ni Odie. Naka-business mode na siya.
"Sure. Anything at all," mabilis na pagpayag naman ni Monique.
"To promote the new collection, gusto ko sanang mag-organize ng fashion show. At gusto ko sanang kayong mga kaibigan ko ang magmodelo ng mga design ko dahil kayo ang inspirasyon ko sa mga 'to," paliwanag ni Odie.
Matagal na pinag-isipan ni Odie ang plano niya. Kadalasan kasi, ang mga damit na inirarampa sa mga fashion show ay iyong mga elegante at kakaiba ang disenyo. Pero siya, T-shirt collection ang linya ng negosyo niya. Gayunman, gusto pa rin niyang makilala ng mas maraming consumer ang kanyang mga design.
Naisip niyang mag-organize ng fashion show para ipakilala sa fashion industry ang mga design niya. Bukod doon, gusto rin niyang makagawa ng mabuti dahil nalalapit na ang thirtieth birthday niya. Ang kalahati ng proceeds ng ilulunsad niyang fashion show ay balak niyang i-donate sa isang private organization na kumakalinga sa mga kabataang dumadaan sa matinding depresyon, at iyong mga tulad niyang nagtangka noon na kitilin ang sariling buhay.
Nitong nakaraan lang nalaman ni Odie ang tungkol sa organisasyong iyon. Alam niya ang pakiramdam na dumaan sa matinding kalungkutan na muntik na ring magtulak sa kanya para magpakamatay, kaya napalapit agad siya sa organisasyon.
Pero dahil kapos pa siya sa savings ngayon para makatulong, naisip niyang gamitin na rin ang fashion show para makapag-sponsor sa mga kabataan mula sa organisasyon na gusto niyang ibalik sa pag-aaral.
"I'd be more than happy to model your designs, Odie," excited na sabi ni Monique. "I'm in!"
Hinawakan ni Odie ang kamay ni Monique at pinisil iyon. "Thank you, Mon-mon."
"Wala 'yon. Gusto ko talagang makatulong sa 'yo." Hinaplos ni Monique ang pisngi ni Odie. "I've missed you so much, Odie."
Nakaramdam ng lungkot si Odie. Ang laki talaga ng pagkukulang niya kay Monique dahil wala siya sa tabi nito nang ipagbuntis at iluwal si Moria. Wala rin siya habang pinapalaki nitong mag-isa ang anak dahil naging makasarili siya at basta na lang nagdesisyong mamalagi sa ibang bansa. Nag-uusap naman sila ni Monique sa Skype madalas, pero iba pa rin sana kung nasa tabi siya nito at nadadamayan niya sa pagiging ina sa anak.
"Siguro nahirapan kang palakihin mag-isa si Moria. I'm sorry kung wala ako sa tabi mo para tulungan ka. Naturingan pa man din akong best friend mo," nalulungkot na sabi ni Odie.
Nakangiting umiling si Monique. "Alam ko naman na kahit malayo ka sa amin ni Moria, parati mo kaming inaalala. Saka hindi naman ako nahirapang palakihin ang anak ko dahil mabait na bata 'yan. Hindi masyadong pasaway."
Nakaramdam ng galit si Odie nang maalala ang ama ni Moria—si Ashton. Hindi siya makapaniwalang iniwan ng walanghiyang lalaki si Monique matapos buntisin ang kaibigan niya. "Wala pa rin bang balita kay Ashton?"
Bumuga ng hangin si Monique na parang biglang na-stress. "I haven't heard a word from him ever since I told him I was pregnant. Bigla na lang siyang nawalang parang bula."
Hindi makapaniwala si Odie hanggang ngayon. Dating matabang geek ang Ashton na iyon at kung hindi dahil kay Monique, hindi nito matututuhang tumuntong sa gym kung saan nito nakuha ang magandang katawan. Pero nang ma-realize ni Ashton na guwapo pala ito, biglang naging jerk. "Ang kapal talaga ng mukha ng Ashton na 'yan."
Tinawanan lang iyon ni Monique. Mukhang natutuhan na talaga nito ang maging malakas nang wala ang ama ng anak nito. "Hayaan mo na. Ang sabi nga ni Taz, hindi ko kailangan si Ashton sa pagpapalaki ng anak ko."
Biglang natigilan si Odie nang banggitin ni Monique si Tazmania. Maging ang kaibigan niya ay tila biglang nailang.
Hindi rin alam ni Odie kung bakit siya naasiwa. Wala naman talagang kaso sa kanya kung nagkakaigihan na sina Monique at Tazmania dahil wala namang namagitan sa kanila ni Tazmania na masasabi niyang seryoso. What Tazmania and she had was probably a simple attraction that had led to confusion and heartbreak.
Sa parte niya, mali ang dahilan niya para magustuhan si Tazmania noon. Ginamit niya ito para mapunan ang malaking butas sa puso niya. Pero mali iyon kaya nga umalis na lang siya.
Dapat nga ay maging masaya siya dahil mukhang masaya naman sa isa't isa sina Tazmania at Monique. Mukha ring si Tazmania ang tumatayong ama ni Moria. Pipilitin niya.
"Odie, I'm sorry," nakayuko at tila nahihiyang sabi ni Monique. "Alam kong naging malapit kayo ni Taz noon. Pero hindi ko mapigilang mapalapit sa kanya dahil naging mabuti siya sa amin ni Moria. I don't know... I feel guilty. I feel like I'm betraying you. But I really feel comfortable with Taz. And my daughter likes him a lot."
May pumiga sa puso ni Odie, pero hindi niya iyon pinansin. Sa nakalipas na mga taon, walang ibang ginawa ang mga tao sa paligid niya kundi ang intindihin at pagbigyan siya dahil naaawa ang mga ito sa kanya.
Naging napakabuti sa kanya ng mga kaibigan niya noon, kaya dapat lang na siya naman ang bumawi at magsakripisyo sa pagkakataong iyon.
Lalo na kay Monique na matalik niyang kaibigan.
"Wala namang namagitan sa amin noon ni Tazmania. Tsismis lang ang lahat," paglilinaw ni Odie. "Kaya wala kang dapat ika-guilty."
Nag-angat ng tingin si Monique sa kanya, umaliwalas ang mukha sa pag-asa. "Hindi ka galit sa 'kin dahil sa pagiging malapit namin ni Tazmania ngayon?"
Ngumiti si Odie at umiling-iling. "Siyempre, hindi. Saka dalawang taon na kaming hindi nagkakausap ni Tazmania. Hindi ko naman inaasahan na magiging close uli kami gaya noon. Naging mabuting kaibigan siya sa 'kin noon. Pero kung may something na kayo ngayon, wala namang problema 'yon."
Namula ang mga pisngi ni Monique. "Wala pa naman kaming 'something' ni Taz."
"Wala pa," pag-uulit ni Odie sa nanunuksong boses. Natawa siya nang lalong namula ang mga pisngi ni Monique. "Gusto mo si Tazmania?"
Tinakpan ni Monique ng mga kamay ang mukha. "Odie, do you think magugustuhan niya ang single mom na gaya ko?"
Inalis ni Odie ang mga kamay sa mukha ni Monique. Hindi niya gusto ang tono ng kaibigan na para bang nanliliit sa sarili dahil lang sa pagiging single mother nito. "Of course, he'll still like you. Bakit naman hindi? Mon-mon, maganda ka, mabait, matalino. Walang dahilan para hindi ka magustuhan ni Tazmania dahil lang may anak ka na. Hindi siya gano'ng klase ng lalaki. He's a good man."
Napangiti si Monique, at tumango-tango. "Tama ka, Odie. Tazmania is a good man."
Gusto sanang isa-isahin ni Odie ang magagandang katangian ni Tazmania, pero kinagat niya ang ibabang labi dahil ayaw niyang mag-usap ng kung ano si Monique. "Besides, Moria is a very adorable girl. Mahirap siyang hindi mahalin."
Niyakap ni Monique si Odie. "Thank you, Odie."
Ngumiti lang si Odie. Gusto nga talaga ni Monique si Tazmania.
BINABASA MO ANG
Dumb Ways To Love
RomanceFor Tazmania, loving Odie was like playing Dumb Ways To Die. One wrong move, and the character will die. Movie producer si Tazmania na ang trabaho lang sana ay gawing pelikula ang love story ni Odie at ng pumanaw nitong fiancé na si Pluto. Naging hi...