Nagising si Angela dahil sa malakas na pagkulog. Tila uulan na naman ata dahil sa sama ng panahon. Makulimlim at para bang may kung anong magnet ang kama at tinatamad siyang bumangon. Kinapa-kapa niya pa ang cellphone niya sa tabi ng kama niya upang tingnan ang eksatong oras, at alas-nwebe na pala ng umaga. Napilitan na siyang bumangon upang mag-intindi dahil maglalaba pa siya ng sangkatutak niyang damit. Sabado, kaya off niya sa work.
Kinuha muna niya ang kaniyang gamit pangligo bilang pagsisimula ng araw niya. Isang simpleng sando at shorts ang inilagay niya sa bag. Napapapikit-pikit pa siyang naglalakad palabas ng unit niya. Isang malaking banyo para sa lahat ng Floor E ang mayroon sa building. Kada floor naman ay may malaking banyo na may dalawapong cubicles at shower area. Mayroon naman sa unit niyang banyo kaya lamang sira ang tubo nito kaya walang tubig.
“Tanghali na pero ang dilim ng kalangitan. Nakakaantok.” Saad niya sa sarili.
“Oo nga eh. Pero mas gusto ko ang ganyang panahon.” Nagulat naman si Gela sa biglang pagsasalita ng boses na nagmula sa likuran niya.
Nilingon niya ito, at si Felicity pala. Nakapantulog pa ito at may dala rin na panligo.
“Sira ang banyo ko. Sa kwarto mo na lang sana ako makikiligo.” Maiyhinhin na wika ni Felicity.
“Ay sira rin iyon. Doon na lang tayo sa malaking banyo.”
Ngumiti naman ng bahagya si Felicity saka sumunod sa paglalakad kay Angela. Tahimik lang nilang nilakad ang corridor. Wala pa rin kasi sa katinuan si Angela upang makipag-daldalan sa kasamang dalaga. Ilang sandali pa ay narating nila ang malaking banyo, at malinis naman ito dahil sa siya lang halos ang madalas na gumagamit sa floor na iyon. Sa unit kasi ni Manang Celia ay maayos ang banyo kaya maswerte itong hindi na naglalakad sa hallway kapag naiihi sa madaling araw.
“Mamili ka na lang kung saan mo gusto mag-shower, ayos pa naman lahat ‘yan.” Pagpapaliwanag ni Gela sabay pasok sa isa sa mga cubicle doon. Narinig niya ang lagaslas ng tubig sa katabi niyang cubicle at naisip na iyon ang pinili ng kasamang dalaga. Nagsimula na siyang magbuhos at pakanta-kanta pang nagsasabon.
“Ilang taon ka na nga pala, Felicity?” Pag-uumpisa ni Gela ng usapan. Iilan na nga lang sila sa apartment na ito, hindi pa ba siya makikipagkaibigan sa ibang tenant?
Hindi naman sumagot si Felicity. Binalewala iyon ni Gela dahil baka kapag usapang edad ay nakaka-offend ito. Siya nga ay 24 na, ngunit maraming nagsasabing 26 na siya. Mukha lang siguro siyang matured kaya naman hindi siya aalis ng apartment na hindi nakaayos upang magmukha sa wastong edad niya. Naisip niyang baka si Felicity ay mga kasing-edad lang niya, bukod sa mukhang bata ito. Maaring pala-ayos din ito tulad niya, at sa kutis pa lang ni Felicity ay halatang maalaga ito sa katawan.
“ Nag-wo-work ka Felicity or nag-aaral pa?” Pag-uusisa pa ni Angela.
Ilang segudo pa ay hindi pa rin ito sumasagot. Naririnig niya pa ang biglang pagtigil ng lagaslas ng tubig sa katabing cubicle.
“Hello. May kausap ba ako? Felicity, yuhoo. Nandyan ka ba?”
Maya-maya pa’y biglang narinig naman niya ang malakas na pagsara ng pinto ng mismong banyo. Doon ay napahinto siya sa pagsasabon at tila ba nag-umpisang tumayo ang balahibo niya. Mabilis niyang kinuha ang towel niya at ibinalot iyon sa katawan saka madaling lumabas ng cubicle. Umaga ngunit inaatake siya ng takot sa banyong iyon.
Palakas ng palakas ang kabog ng puso niya ng makita niyang gumagalaw ang door knob na tila ba may pilit na nagbubukas nito sa labas.
Hindi ito ang unang beses na nakaranas siya ng kababalaghan sa apartment na iyon, ngunit sadyang hindi pa rin talaga siya nasasanay at lubhang hindi maialis ang takot sa sarili.
Inipon niya ang kaniyang lakas ng hawakan niya ang doorknob upang buksan iyon at makalabas na banyo. Huminga siya ng malalim saka biglang malakas na hinila ang pinto.
“Aray ko.” Napamulat naman si Angela sa boses na narinig niya at nakita si Felicity na napadapa hawak-hawak ang door knob.
“Felicity? Anong ginagawa mo diyan?”
“Ayaw kasi mabuksan ng pinto, akala ko inilock mo sa loob.” Saad ni Felicity habang kasalukuyang tinutulungan ni Gela na makatayo.
“Akala ko, nandoon ka sa katabing cubicle ko.” Pagtataka ni Gela
“Bumalik ako dahil nalimutan ko iyong conditioner ko. Tapos ka na bangmag-shower? May shampoo ka pa kasi sa buhok.” Mahinhin na wika ni Felicity.
Napahawak naman si Gela sa buhok niya. Naalala niyang dahil sa takot niya kanina ay hindi na pala siya nakapagbanlaw.
Bumalik na lang siya sa cubicle at pinagpatuloy ang paliligo roon. Ngayon ay kampante na siya na si totoong si Felicity na nga kasama niya sa loob. Natapos nga ay nakapagbihis na si Angela. Sabay silang lumabas ng kasamang dalaga at naglakad pabalik sa kanilang unit.
Tanghali na, kaya naman lumabas si Angela upang bumili ng makakain. Kakatukin niya sana si Felicity upang yayain itong kumain kasabay niya kaya lamang ay inabot siya ng hiya.
Nagpatuloy na lang siyang maglakad palabas ng apartment. Tahimik ang buong building, aakalain mong abandonado na ito sa labas kung titingnan mo, pero maayos pa rin naman at napapagtyagaan ng katulad ng kapos sa perang si Angela. Marami siyang sinusustentuhan. Siya na ang bread-winner ng pamilya, simula noong na-stroke ang tatay niya. Matagal ng patay ang kaniyang inay at tanging tatlong kapatid niya ay siya ang nagpapa-aral.
Dalawang putahe ng gulay ang binili niya sa karenderya. Ang isa ay para kay Manang Celia. May katandaan na iyon at hindi niya maisip kung bakit ba ninais nitong sa ikalimang palapag pa manirahan.
Pasipol-sipol pa siyang umaakyat ng hagdan pabalik sa unit niya. Dahil sa sanay na siya ay hindi na niya namamalayan minsan ang pagod na inaabot niya sa paghahagdan.
Dumiretso na siya sa room 5l56, kung nasaan si Manang Celia. Tatlong katok ang ginawa niya bago siya nito pinagbuksan.
Luminga-linga pa ang matanda na para bang may hinahanap ito sa likod ni Angela.
“Bakit, Manang?” Pagtatakang tanong ng dalaga.
“Sinong kausap mo kanina pagkatapos mong manggaling sa banyo?” Nauutal na tanong ni Manang.
“Po? Ah bagong tenant po, Manang. Pakbet pala ang binili kong ulam niyo.” Nakangiti pang saad ni Gela habang inaabot kay Manang ang pagkain.
“Mag-iingat ka, bata ka! Hindi ko alam kung sino ang nakasunod sa’yo.”
Napatigil naman si Angela sa pagngiti at napalitan iyon ng pangamba. Ano bang ibig sabihin ni Manang ukol dito? Anong hindi niya alam kung sino ang nakasunod kay Angela?
BINABASA MO ANG
Apartment 500-E-5I50
Mystery / ThrillerHumandang tuklasin ang kababalaghan sa hitsurang abandonadong gusaling tinitirhan ng dalagang si Angela. COMPLETED ©mixhaelle2017