Kabanata 8

1.5K 49 2
                                    

Ala-una na ng madaling araw nakauwi galing trabaho si Angela, kaarawan kasi ng isa sa mga katrabaho niya kaya nagkaroon ng konting salo-salo sa opisina nila. Pagod na pagod na siya ngunit kailangan niya pa rin baybayin ang hagdan patungo sa floor E. Napapapikit na siya sa pagod at nakahawak na sa gilid ng hagdan habang umaakyat. Namamatay-matay pa ang ilaw sa gusali, at mabibingi ka na sa katahimikan. Dis-oras na nga naman kasi ng gabi kaya mahimbing na ang tulog ng lahat. Tanging yabag lamang niya ang maririnig sa mga oras na iyon. Nabasa na niya ang floor E kaya ilang hakbang na lamang paliko ay mararating na niya ang unit niya, ngunit sa kaniyang pagliko sa hagdan na iyon ay tila ba panibagong hagdan paakyat pa ang kailangan niyang baybayin. Pagod man ay muli na naman niya iyong inakyat at nabasa na naman niya ang floor E. Pagdating niya sa dulo ay parang bumalik na naman siya sa una. Walang katapusang pag-akyat ang ginawa niya doon na tila ba pinaglalaruan siya ng kung ano mang elemento sa mga oras na iyon. Hapong-hapo siyang napahawak sa magkabila niyang tuhod habang pinagmamasdan ang nakasulat na Floor E sa pader.

“Pagod na pagod ako. Tama na! Hindi na ako natutuwa!” Malakas niyang sigaw.

Ilang minuto pa siyang nagpahinga at nang makabawi ng lakas ay muli niyang itinuloy ang pag-akyat, at sa wakas nga ay nakarating din siya sa Floor E. Nilingon niya ang patay na hagdan na iyon kung saan kanina pa siya pabalik-balik at nagtuloy-tuloy na patungo sa unit niya. Nadaanan niya ang katabi niyang unit na 5l50, ang unit ni Fel. Napansin niya ang kulay pula na liwanag na nanggagaling sa loob ng unit ni Fel. Napansin na niya iyon noong nakaraan at ngayon na naman, tila ba nilalamon ng kulay pulang liwanag ang unit ni Fel at nakarinig pa siya ng malakas na pag-iyak sa loob. Kinatok naman niya kaagad ang dalaga dahil sa pag-aalala. Laking gulat niya ng dahang-dahang bumukas ang pinto. Natatakot man ay pilit niyang pinalakas ang loob dahil sa iniisip niya ang kalagayan ni Fel.

Ilang malalim na paghinga muna ang kaniyang ginawa saka tuluyang pumasok sa unit na iyon. Madilim sa loob at ang pulang liwanag na nakita niya mula sa labas ay para bang naglaho. Nabalot ang buong unit ng kadiliman. Kinapa naman niya sa bulsa niya ang kaniyang cellphone upang magsilbing liwanag.

“Fel? Nandito ka ba?” Nanginginig na tanong ni Angela.

Isang malakas na paghikbi naman ang kaniyang narinig. Hinanap niya ang ingay na iyon gamit ang talas ng kaniyang pandinig.

“Fel, nasaan ka ba?”

Ang kaninang paghikbi ay napalitan ng mahinang pagtawa. Isang tawa na para bang nang-aasar.

“Fel, itigil mo na ito. Huwag ka ngang makipaglaro. Hindi na tayo bata.” Patuloy pa rin siya sa pag-flashlight sa buong kabahayan.

Ilang sandali pa ay nagpatay-sindi ang ilaw mula sa loob. Isang malamig na hangin pa ang sumimoy dahil sa napansin niyang bukas ang lahat ng bintana ni Fel. Muli na naman bumilis ang tibok ng puso niya. Kinabahan na naman siya at nakadama ng takot.

“Fel, aalis na ako kapag hindi ka pa rin nagpakita.” Tumalikod na siya at anomang oras ay tatakbo na palabas.

“Angela!” Narinig niya ang mahinhing boses na iyon ni Felicity dahilan upang mapalingon siya. Doon ay halos bumagsak siya dahil sa nakita niyang nakalutang ang kama ni Fel at nakahiga doon ang kaibigan. Nagpupumiglas ito na tila ba sinasapian na naman. Patay-sindi pa rin ang ilaw sa loob ngunit kitang-kita niya ang itim na usok na nakapalibot sa katawan ni Fel.

Naiiyak na siya dahil sa takot. Isa pa ay hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Pinilit niyang abutin ang kaibigang nakalutang ngunit para bang pinaglalaruan siya at nagtataas-baba ito.

“Faith, utang na loob tigilan mo na ito. Huwag mong idamay ang inosenteng tao.” Naiiyak na sambit ni Angela.

“Inosente?” Boses lalaking sambit ni Fel habang tumatawa pa ito na para bang nang-aasar.

Apartment 500-E-5I50Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon