Kabanata 9

1.4K 40 1
                                    

Matapos kumain nina Angela sa madalas nilang kainan na restaurant ay hindi niya alam ang susunod na destinasyon nila ni Leonard. Nakakaramdam siya ng antok sa mga oras na iyon dala na rin siguro ng busog at puyat.

“Babe, saan tayo pupunta? Hindi ito ang daan pauwi sa’min.” Nanghihinang tanong ni Angela.

“Sige lang babe, idlip ka muna. Gigisingin na lang kita kapag nandoon na tayo.” Nakangiting saad naman ni Leonard.

Gustuhin man ni Angela antabayanan ang kanilang byahe ngunit sadyang nilalamon na siya ng antok. Napapapikit na siya at tuluyan na ngang nakatulog.

Nagkamalay si Angela dahil sa isang langaw na bumubulong-bulong sa kaniyang tainga. Inilibot naman niya ng tingin ang buong paligid at doon niya napansin nasa ibang bahay siya. Napabangon siya mula sa pagkakahiga at hinanap si Leonard.

Hitsurang condo iyon na hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya naroon. Nilibot niya ang buong kabahayan ngunit hindi niya makita si Leonard, kaya naman ang kaniyang cellphone na lamang ang kaniyang hinanap upang matawagan ang binata. Kinapa niya iyon sa kaniyang bulsa ngunit wala roon. Binalikan din niya ang kamang kanina niyang pinaghigaan ngunit wala rin. Kinakabahan na siya kaya naman naisipan niyang lumabas ng unit, at doon niya nalaman na sarado iyon. Isang swipe card lamang ang makakabukas noon, at hindi niya alam kung saan na naman niya hahanapin.

“Leonard!” Pagsisigaw niya. Madami na naman ang pumasok sa isipan niya. Hindi niya alam kung tama ba iyon o hindi.

Napaupo na lamang siya sa sofa roon at wala siyang ibang magawa kung hindi maghintay. Ilang minuto pa ang nakalipas at namalayan niyang bumukas ang pinto at nakita niya si Leonard. May dala-dala itong pagkain na tila ba lutong fast food at napansin niyang hawak din niya ang kaniyang cellphone.

“Oh Babe, ayos na ba pakiramdam mo?”

“Saan ka ba galing?” Naiinis na tanong ni Angela.

“Bumili lang ako ng pagkain.” Sabay abot ng cellphone ng dalaga. “Naiwan mo pala sa loob ng sasakyan.”

Inumpisahan naman ni Leonard ihain ang pagkain na kaniyang binili. Tanghali na pala, kaya naman nakaramdam na naman si Angela ng pagkagutom. Lumapit na rin si Angela sa hapag at sabay na umupo.

“Kaninong bahay ito?”

“Binili ko last week lang, para kapag may trabaho ako dito ay hindi na ako naghohotel pa. Lumipat ka na dito ah.”

“Nandiyan na naman tayo sa usapan na iyan.”

“Kailan mo pa ba balak lumipat, kapag may nangyari na sa’yong masama sa gusaling ‘yon?”

“Ayos lang ako.” Pagsisinungaling niya.

“Babe naman, pinag-aalala mo ako. Malayo ako at hindi kita kayang protektahan doon.”

“Si Faith, ano ba talaga ang totoong nangyari?” Napansin naman niya na bigla na lang nagbago ang mukha ni Leonard.

“Matagal nang wala si Faith, huwag na natin siya pag-usapan.”

“Paano kung sabihin ko sa’yo na nagapapakita siya sa’kin. Sabihin mo sa’kin ang lahat ng hindi ko maalala.”

“Ang alam ko lang nagpakamatay si Faith, ‘yon lang.”

“Bakit naman siya nagpakamatay?”

“Hindi ko alam. Matagal na kaming wala noon, dahil para na siyang baliw simula noong lumipat siya sa apartment niyang iyon.”

“Parang baliw?” Pagtatakang tanong ni Faith.

“Ang alam ko may lahi silang baliw. Lagi niyang sinasabi na may lalaki raw na laging nakasunod sa kaniya at parang inaalam lahat ng kilos niya. Noon ay ayos pa ang CCTV ng gusali, kaya naman ipina-check ko iyon at nalaman ko na wala naman. Napansin ko rin doon na lagi siyang parang may kausap sa hallway kahit wala naman siyang kasama. Hanggang sa nabalitaan ko na lang na nagpakamatay na siya.”

Hindi niya alam kung maniniwala ba siya sa sinabing iyon ni Leonard.

“Ngunit noong araw na namatay si Faith ay doon din ako nagka-amnesia.”

“Kumain ka na, sasakit lamang ang ulo mo sa pag-iisip.” Sabay subo sa kay Angela ng pagkain.

“Bakit pakiramdam ko may alam ako sa pagkamatay niya? Babe, sino ba siya sa buhay ko?”

Bigla naman nag-ring ang telepono ng binata dahilan upang mag-paalam itong kakausapin muna dahil tungkol ito sa trabaho.

“Babe dito ka muna. Hiramin mo na lang muna mga damit ko dyan kung gusto mo mag-shower. May pupuntahan lang ako.”

“Iiwan mo ako dito?” Naiinis na tanong ni Angela.

“Kaysa naman iwan kita sa apartment mo! Dito ka na lang muna.”

“Hindi! Iuwi mo muna ako bago ka pumunta sa trabaho mo. Sinundo mo ako kaya ibalik mo ako kung saan ako galing.”

Tila nasindak naman si Leonard sa tonong iyon ni Angela kaya naman wala itong nagawa kung hindi ihatid ang dalaga sa makababalaghang apartment na iyon.

“Hindi na kita maihahatid pa sa unit mo, sorry babe. Babawi na lang ako next time.” Nais man magreklamo ni Angela ay isinantabi na lamang niya ang inis at saka bumaba ng sasakyan ni Leonard. Nagpaalam ang binata saka naiwan si Angelang nakatayo sa tapat ng gusaling iyon. Marami pa rin tao roon at nag-iimbestiga ukol sa naganap na krimen kagabi. Binagbabawalan umakyat ang hindi tenant upang maiwasan ang kung ano mang aberya. Napapalibutan man ng pulis ang buong gusali ngayon ay hindi pa rin kampante si Angela. Para bang hindi pa rin siya ligtas sa lugar na ‘yon, ngunit paninindigan niyang hindi siya lilipat hanggat hindi niya nalalaman ang misteryo ng pagkamatay ni Faith.

Sa kaniyang pagdaan sa patay na hagdan, pilit niyang inaalala ang nangyari at doon nga unti-unting bumabalik ang ala-ala niya.

[“Lumayo ka sa’kin. Hindi kita kailangan.”]

[“Tama nga siya, niloloko mo lang ako.”]

Napapahawak si Angela sa ulo niya dahil sa pagsakit nito, marahil ay dala ng pagpipilit niyang alalahanin ang nakaraang nalimot niya.

[“Gelay, tulungan mo ako. Hindi niya ako nilulubayan.”]

[“Noong sinabi kong tigilan na niya ako, nagalit siya at ngayon ay idadamay ka pa niya kapag nagpumilit daw akong iwan siya.”]

[“Ingat ka lagi, Gelay ko. Love, your bestfriend na maganda.”]

Unti-unting naalala ni Angela ang mga panahong magkasama pa sila ni Faith. Mabait at mapagmahal si Faith na kaibigan. Maganda rin ito kaya naman maraming nagtatangkang manligaw. Pero noon ay naalala niyang sinabi ng kaibigan na may nag-mamay-ari na nga raw ng puso niya. Leo nga raw ang pangalan nito. Hindi pa man sa kaniya pinapakilala ng personal ay alam niyang mahal na mahal ni Faith ang lalaking iyon. Siya ang bukang-bibig ng dalaga, bukod sa kapatid niyang naiwan sa probinsya. Magkatrabaho ang dalawa at sa tuwing may libreng oras ay sinusulit nila itong magkasama.

[“Gelay, naniniwala ka ba sa sapi?”] Napalingon naman si Angela sa kaibigan

[“Sapi? May sa demonyo iyon hindi ba?”]

[“Gusto niya raw akong maging reyna. Kaya pinaghiwalay niya kami ni Leo dahil gusto niya ay siya ang piliin ko.”]

[“Ano bang sinasabi mo? Sinong siya? May iba ka pa bang lalaki bukod kay Leo?”]

[“Nararamdaman kong mayroon ng bago si Leo. Ilang buwan na ang nakakalipas noong maghiwalay kami. Akala ko kapag wala na kami ay titigilan na rin ako ng demonyong iyon.”]

[“Demonyo? Sinong demonyo? Si Leo ba dahil iniwan ka niya?”]

[“Hindi. Nakipaghiwalay ako kay Leo, dahil madadamay siya. Ngayon, sinabi kong ayaw ko na at tigilan na niya ako ay ikaw naman daw ang babalingan niya. Natatakot ako, Gelay.”]

[“Hindi kita maintindihan. Maari bang pakilinaw.”]

[“Demonyo. May sumusunod sa’kin na demonyo.”]

Apartment 500-E-5I50Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon