Kabanata 6

1.6K 55 0
                                    

Nang magkamalay si Fel ay mabilis naman na napaupo ito sa pagkakahiga niya at napahawak sa ulo niya.

“Anong ginagawa ko dito?” Matamlay na boses ng dalaga, doon ay napalingon naman si Angela na abala sa pagluluto ng lugaw.

“Kamusta pakiramdam mo? Inaapoy ka kasi ng lagnat kanina hanggang sa nawalan ka na lamang ng malay.” Saad ni Angela. Nagdadalawang-isip siyang sabihin kay Fel na sinapian siya ni Faith kanina, dahil baka matakot ito.

“Masakit lang ang ulo ko at parang ang hirap huminga.” Tugon ni Fel, at mabilis naman siyang inabutan ni Angela ng isang basong tubig.

“Uminom ka muna, matapos ay kainin mo ang niluto kong lugaw para sa’yo.”

“Salamat.” Mariing ngiti ni Felicity.

Matapos kumain ni Felicity ng lutong lugaw ni Angela ay nagpaalam na ito upang makabalik naman sa mismong unit niya. Kailangan niya pa bumawi ng lakas at doon na lamang daw siya magpapahinga. Nais sana siyang samahan ni Angela sa unit na iyon dahil sadyang binabalot iyon ng kababalaghan ngunit kailangan niyang pumasok sa trabaho. Alas-dos ng tanghali ang pasok niya sa trabaho at alas-onse naman ang uwi niya. Nilalakad lamang niya iyon kaya wala siyang rason upang mahuli at tamarin pumasok.

Papasok na siya sa malaking banyo upang maligo nang napansin niyang sarado ang pinto. Sinubukan niya itong buksan ngunit tila ba nakasara ito sa loob. Malimit niyang isinasara ang pinto ng banyo dahil sa sira ang pintong iyon. Nagloloko ang saraduhan niyon at ilang beses na siyang nasasarhan, kaya naman kung hindi siya nag-iiwan ng bato bilang pangharang ay makukulong siya sa loob.

Idinikit niya ang kaniyang tainga malapit sa pintuang iyon at narinig ang paglagaslas ng tubig. Tila ba may naliligo sa loob ng banyo. Sinubukan niya naman na tanungin kung sino ang naroon na sa loob ngunit walang sumasagot. Isang katok muli ang kaniyang ginawa at halos mapasigaw siya ng unti-unting bumukas ang pinto. Dahan-dahan siyang pumasok sa loob at napansin niya na wala naman naliligo roon at walang tubig na tumutulo. Madilim sa banyong iyon kaya kahit na umaga pa ay kailangan nakabukas ang ilaw na siyang magsisilbing liwanag. Sinilip niya ang ilang bukas na cubicle roon at wala namang tao. Ibinaba na niya ang kaniyang gamit ng masigurong walang ibang tao roon bukod sa kaniya. Kumanta-kanta pa siya para maalis ang kaniyang kaba.

Ilang sandali pa, habang siya ay nagsasabon kasabay ang pagkanta ay naririnig niyang tila ba may kumakanta rin at sumasabay sa kaniya. Napatigil siya ngunit wala naman, kaya inisip niyang namali lang siya ng  dinig noon. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang paliligo at pagkanta, nang muli na naman parang may isang boses ng babae siyang naririnig na sinasabayan siya. Sa mga oras na iyon, ay naramdaman niya ang panlalaki ng ulo niya at pagtaas na naman ng balahibo niya. Nag-umpisa na naman bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa kaba. Sandali niyang inilibot ang mga mata niya habang tinatalasan ang pandinig niya. Hanggang sa ilang yabag ng hakbang ang narinig niya na mistulang papalapit sa kaniya ang tunog. Mabilis niyang kinuha ang tuwalya saka ibinalot iyon sa katawan niya.

“Felicity?” Tanong pa niya, ngunit walang sumasagot.

Dahan-dahan niyang binuksan ang kurtina ng shower room at saka sinilip ang kalooban ng banyo. Tanging isang malaking salamin lamang at repleksyon niya ang nakita niya roon. Nakailang lingon pa siya saka nagdesisyong ipagpatuloy ang pagbabanlaw ng katawan.

“Hindi ako natatakot kung ano mang elemento ka, please lang may pasok pa ako at hindi ako pwedeng malate.” Malakas niyang saad na tila ba kinakausap niya ang sarili at pinapalakas mismo ang loob niya.

Muli ay ilang yabag na naman ang kaniyang narinig, ngayon ay tila ba tumigil ang tunog na iyon sa mismong tapat ng cubicle niya. Minadali na niya ang pagbabanlaw saka ng matapos ay itinapis na ang tuwalya sa katawan. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman sa mga oras na iyon, para bang may nagmamasid sa kaniyang maligo. Sa kaniyang paglingon upang buksan muli ang shower curtain at makalabas na ay isang anino ng babae ang nakita niyang nakatayo sa harap noon. Gusto niyang sumigaw sa mga oras na iyon dahil sa pagkabigla pero walang boses ang lumalabas sa kaniya. Napatingin siya sa ibabang bahagi ng kurtina kung saan dapat ay makikita niya ang paa ng taong nakatayo doon sa labas niya, ngunit walang paa roon na tila ba ang nandoong babae ay nakalutang sa ere.

Apartment 500-E-5I50Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon