Kabanata 4

1.6K 52 0
                                    

Tanging kulog at ulan lamang ang nagsisilbing ingay noon sa loob ng unit ni Felicity. Ngunit hindi maipaliwanag ni Angela kung bakit napakabilis ng tibok ng puso niya at kinakapos siya ng hininga. Magkatabi silang dalawa ni Felicity sa single size bed, at talaga namang damang-dama na niya ang nanlalamig na katawan ni Felicity.

“Magkumot ka kaya, mukhang giniginaw kana.” Pagbasag ni Angela sa katahimikan.

“Hindi, okay lang ako.”

“Sigurado ka ba?” Concern na tanong ni Angela. Madilim man ay tila ba naaninang niya ang ngiti ni Felicity bilang tugon.

Ilang oras pa ang nakalipas, napabalikwas si Angela at napaharap siya sa pwesto ni Felicity. Alas-dos na ng umaga ngunit hindi pa rin siya makatulog. Ilang malalim na paghinga na ang ginawa niya ngunit parang ang bigat-bigat ng pakiramdam niya at inuubos ang lakas niya.

“Fel…” Nanghihina niyang saad.

“Hmm. Bakit?” Boses ni Felicity na parang nagising dahil sa tawag ni Angela.

“Pwede bang makahingi ng tubig? Hindi lang ako makabangon, para bang nanlalambot ang mga tuhod ko na hindi ko alam ang dahilan.”

“Sige, saglit lang.” Naramdaman naman niya ang pagbangon ng dalaga sa tabi niya. Ano bang nangyayari kay Angela at bigla na lang parang hinigop ag lakas niya.

Ilang segundo pa ay narinig niya ang pagtigil ng ulan. Nabalot naman ng katahimikan ang buong unit. Muli na naman siyang kinabahan at kinapa kung saan niya ipinatong ang cellphone niya. Sa kaniyang pagkapa-kapa sa lamesa at sa may kama ay nakaramdam siya ng malamig na pagsimoy ng hangin at amoy malansa. Pinilit niyang makaupo upang puntahan ang kinaroroonan ni Felicity. At sa kaniyang pag-upo ay isang mistulang babae ang bumungad sa harapan niya. Kitang-kita niyang nakalutang ito dahil sa pwestong nasisinagaan ito ng liwanag mula sa labas. Natatakpan ng mahahaba nitong buhok ang kaniyang mukha, ngunit kita-kita niya ang nanlilisik at namumula nitong mga matang nakatitig sa kaniya. Mistulang tambol sa bilis ang tibok ng puso niya ng mapansin niyang unti-unti itong lumalapit sa kaniya, hanggang sa tuluyan nitong hawakan ang leeg niya. Hindi siya makahinga at kahit anong pagpupumiglas ay sadyang walang laban ang lakas niya sa kung ano mang elementong nakahawak sa leeg niya ngayon. Gustong-gusto niyang sumigaw ng malakas, pero walang boses na lumalabas sa kaniya. Nahihirapan na siyang huminga dahil sa mas humihigpit na pagkakahsawak nito sa leeg niya.

“Angela! Angela!” Naramdaman ni Angela ang ilang malakas na pagyugyog ni Felicity sa kaniya dahilan upang mapamulat siya. Panaginip. Nananaginip lang pala siya.

“Ano bang nangyayari sa’yo?  Sinasakal mo ang sarili mo.” Pagtatakang-tanong ni Felicity.

“Ha? Kasi ano… Ang akala ko.” Nauutal niyang saad. Napatingin naman siya sa kabahayan at may kuryente na pala.

“Ayos ka lang ba?” Tanong ni Felicity

“Oo. Balik na ako sa unit ko.” Sabay tayo niya habang nakahawak pa rin sa leeg niya. Ramdam niyang parang totoong-totoo siyang sinakal dahil sa sakit ng leeg niya. Naghahabol pa rin siya ng hininga at nanlalambot ang mga tuhod habang lumalabas ng unit na iyon. Tulala niyang narating ang unit niya at hindi niya pa rin maipaliwanag ang nangyari sa kaniya.

Nagulat naman siya ng biglang mag-ring ang telepono niya. Hinayaan lang niya mag-ring iyon at nagkunwaring walang naririnig. Napatingin siya sa orasan sa harapan niya at malapit na rin palang mag-alas kwatro. Bukod sa ayaw na niya matulog ay hindi talaga siya makatulog. Sanay naman siya sa puyatan kaya nakaupo lamang siya sa kama niya habang nakatulokbong ng kumot. Wala siyang pakialam kung mainitan man siya, ang mahalaga ay wala siyang iba pang makita. Makailang beses na nag-ring muli ang telepono niya. Ano ba naman itong nararanasan niya? Hindi na niya maipaliwanag kung bakit bigla na lang para bang may nagpaparamdam sa kaniya.

Nagising siya dahil sa sinag ng araw na tumatama sa may mata niya. Umaga na pala, at nakaidlip din siya ng hindi niya namalayan. Ilang sandali pa ay bumangon na rin siya at nagpuntang banyo. Wala na namang tubig kaya naman sa malaking banyo siya magliligo. Nagulat siya ng pagbukas niya ay may isang binata ang nakaupo doon sa labas ng unit niya. Tulog na tulog ito at mistulang nilalamig na sa pwesto niya.  Tinapik-tapik naman niya ito dahilan upang magkamalay ito.

“Anong ginagawa dyan, babe?”

“Ilang oras na kitang kinakatok, tulog-mantika ka naman masyado kaya naghintay na lang ako dito.” Sabay tayo nito at pinagpagan pa ang pwetan niyang nadumihan.

“Dapat nilakasan mo pa, ang lamig-lamig dito sa labas lalo na at umuulan.” Sabay lapit ni Angela sa nobyo

“Nagising nga si Manang Celia dahil sa lakas ng pagtawag ko sa’yo.”

Napatingin naman si Angela sa katabing unit na may pagtataka. Kung si Manang Celia nga na ilang layo pa mula sa unit niya ay nagising, ngunit bakit hindi si Felicity na mismong katabi lamang niya? Pero baka naman, nahiya lang itong sitahin si Leonard sa pag-iingay.

Pinapasok muna ni Angela si Leonard sa unit niya saka siya dumiretso sa banyo upang makapagligo. Matapos nga noon, ay lumabas sila dahil sa isang buwan na naman makakabisita ang kasintahan.

Narating nila ang floor B ng makasalubong nila si Dominique, tenant doon, na may akbay na babae. Hitsurang bayarang babae iyon dahil sa postura.

Tiningnan naman siya ng masama ni Leonard, at sa isip ay para bang sinasabing “Lumipat ka na nga ng apartment.” Alam niya ang ugali ng mga tenant sa floor B, kung hindi manyak ay mga adik o patapon ang buhay.

Ngumiti na lang si Angela saka sinabing “Safe sa floor E.”

“Ewan ko sa’yo.”

Narating naman nila ang ground floor at pasakay na sila ng sasakyan ng napalingon naman si Angela dahil parang nakita niya si Felicity na naglalakad. Nilingon naman niya iyon at tila ba siya ay namalik mata lamang.

“Let’s go, ano pa bang tinitingnan mo dyan?”

Umalis na nga sila, at nagpunta sa isang restaurant na kanilang madalas kainan. Usapan pa rin nila ang apartment na iyon ni Angela. Ano mang pangungumbinsi ng nobyo na palipatin ito ay walang epekto sa dalaga. Bukod nga kasi sa mura ito ay malapit lamang sa trabaho niya. Mahiluhin kasi si Angela sa byahe kaya naman.

“Babe, natatandaan mo ba si Faith?” Natigilan naman sa pagkain si Leonard at bahagyang napatingin sa dalaga.

“Hindi ko alam, pero hetong ilang araw na lumipas, napapanaginipan ko siya.” Dagdag pa ni Angela

“Huwag na natin siya pag-usapan.” Saka ipinagpatuloy ng binata ang pagkain niya.

Hanggang sa matapos nila ang pagkain ay hindi na nga muli pa nabuksan ang usapin na iyon tungkol kay Faith. Taon na nga ang lumipas at sa tuwing napapahapyawan ni Angela ang usapin na iyon ay hanggang ngayo’y iwas pa rin si Leonard.

Sino nga ba si Faith sa buhay nina Angela at Leonard?

Apartment 500-E-5I50Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon