Chapter 13: Pamilihan
Mabilis na hinawi ko ang kamay ni Dominus na nakaalalay sa akin, tumakbo ako papasok sa loob ng isang kwarto at isinara ang pinto. Napasandal ako sa likod ng pinto dahil sa panghihina at lakas ng kabog sa dibdib ko.
May nalaman kaya siya? Mariin akong napapikit.
Wala sa sariling napahawak ako sa kwintas na nasa aking leeg. Bumuntong-hininga ako bago tinignan ang kwarto.
May malawak na bintana sa gilid na binabalutan ng kulay puting kurtina, may kamang sapat para sa akin at mga sisidlan ng mga gamit. Sinilip ko ang isang pinto bago napagtanto na palikuran ito. Bahagya akong nagulat na ang mga gamit nila ay katulad din sa mundo.
Isinara ko ang pinto at umupo na lang sa kama. Napasapo ako sa aking noo nang maalala na naman ang nangyari kanina.
Hindi ko dapat siya hinayaang hawakan ang kwintas ko. Mahina kong sinampal ang sarili ko. Ako lang talaga ang nagpapamahak sa sarili ko.
"Hezira?" dinig kong tawag ni Lazaro sa labas. Tatlong beses na kumatok siya pero hindi pa rin ako kumikibo. "G-Gusto ko sanang humingi ng paumanhin..."
Umiling ako bago huminga nang malalim at binuksan ang pinto. Sumalubong sa akin ang malungkot na mukha ni Lazaro, sa likod niya ay si Dominus na nakahalukipkip lang.
"Nakakabawas sa pagkalalaki ang masyadong pakikialam sa mga babae, Lazaro," pangaral ni Dominus na animo ay mas matanda sa kanilang dalawa.
"Paumanhin... Sisiguraduhin kong hindi na ito mauulit," nakangiting wika ni Lazaro.
Bahagya akong nakaramdam ng pagkailang.
"A-Ah... Wala po 'yon, pasensya na rin sa nangyari..." Ngumiwi ang mga labi ko. "N-Nabigla lang din po ako..."
"Ang mga gamit ko," nilingon ko ang nagsalitang si Dominus. Nakatingin siya sa akin. "Maaari mo bang ayusin? H-Hindi ko alam kung papaano," nahihiya pa niyang sabi.
Mahinang tumango ako. Nilagpasan ko si Lazaro at sumunod kay Dominus. Walang pinagkaiba ang kwarto ko sa kanya. Ang kanyang mga bagahe ay nakakalat sa sahig.
Pinanuod ko kung paano ibagsak ni Dominus ang kanyang katawan sa kama. Inumpisahan ko nang alisin ang mga gamit sa loob ng kanyang bagahe at ilipat ang mga iyon sa sisidlan ng mga gamit.
"Pasensya na sa nangyari kanina," dinig kong sabi ni Dominus. Hindi ko siya nilingon. Itininuon ko ang aking atensyon sa pagliligpit. "H-Hindi mo ako pinapansin. May galit ka sa akin?"
Tamad na tumingin ako sa kanya. "Hindi naman sa gano'n..."
Wala pa kasi akong gamit. Paano ako magpapalit? Nahihiya na rin akong magsabi sa kanya dahil sinabi na rin naman niya kanina na sasamahan niya ako sa pamilihan.
"Ang totoong lalaki ay tapat sa kanyang mga salita. Pagkatapos mong ayusin ang mga gamit ko ay sasamahan ka namin sa pamilihan."
Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya. Ngumiti siya sa akin kaya hindi ko maiwasang suklian iyon ng mas malawak na ngiti. Bumilis ang mga kamay ko sa pag-aayos.
Pumasok sa loob ng palikuran si Dominus. Nasa huling gamit na ako nang bigla siyang lumabas. Napakurap ang mga mata ko nang makita ko ang tumutulong tubig sa kanyang leeg at buhok.
"Maaari mo ba akong bigyan ng pampatuyo?" tanong niya. Inilahad ko sa kanya ang hawak ko nang hindi tinitinag ang aking titig. Kumunot ang noo niya bago ko napansin na bagahe pala ang inaabot ko.
Mabilis na kinuha ko ang kulay puting tuwalya. Tumawa ito bago tinanggap iyon at tumalikod na sa akin.
Mayamaya rin ay lumabas na kami ng bahay. Nakasimpleng kulay puting damit na lang si Dominus na tinernohan ng maong na shorts. Habang ako? Namamawis na at amoy luma.
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...