Chapter 32

172K 8.2K 2.2K
                                    

Chapter 32: Portal

Napangiti ako nang yakapin ni Lazaro si Dominus. Kung hindi ko lang sila kilala ay malamang na iisipin kong mag-ama ang dalawa. Ang pagmamahal na ipinapakita ni Lazaro ay tulad ng sa isang ama. Ramdam ko rin ang unti-unting paglapit ni Dominus sa kanya.

"Mag-iingat kayo roon," muli niyang paalala nang kumawala sa pagkakayakap. "Hindi dahil wala ako sa tabi niyo ay wala na talaga ako. Nasa paligid lang ako, nagmamasid. May mga kawal din na aaligid sa inyo."

"H-Hindi ka ba talaga maaaring sumama?" tanong ni Dominus.

Malungkot na umiling si Lazaro. "Parte ito ng pagsasanay niyo. Basta magsaya lang kayo. Ito naman talaga ang layunin ng gagawin niyo, ang maging malaya sa lahat ng tanikala na nakapaligid sa inyo."

Bahagyang tumalikod sa amin si Dominus.

Kumunot ang noo ko.

"Umiiyak ka ba?" tanong ko sa kanya.

"Hindi ah! Gusto ko lang tumalikod," sagot nito nang hindi tumitingin sa amin.

Sinubukan kong sulyapan ang mukha niya ngunit mabilis na naiwas niya ito.

"Hezira." Natigilan ako nang tawagin ako ni Lazaro

Tumingin ako sa kanya. "Alam ko ang gagawin ko, Lazaro. Hindi ako aalis sa tabi ni Dominus, sisiguraduhin ko ang kaligtasan niya. Makakaasa ka."

Natatawang umiling ito bago bahagyang lumapit sa akin.

"Hindi iyan ang sasabihin ko." Nakangiting tumitig ito sa mga mata ko. "Huwag kang aalis sa tabi ni Dominus. Protektahan niyo ang isa't-isa. Magsaya kayo at huwag isipin ang ibang bagay. Pamilya..."

Natigilan ako.

"Pamilya," dinig kong sabi ni Dominus.

Lumapit sa amin si Dominus. Napatingin ako sa kanya. Bahagyang namumula ang kanyang ilong at ramdam ko rin ang pagpigil niya sa kanyang emosyon.

"Kahit na ano'ng mangyari ay isa tayong pamilya," saad ni Lazaro sa isang dalisay na pananalita.

Wala sa sariling napangiti ako.

"Pamilya..." bulong ko.

Niyakap din ako ni Lazaro. Naramdaman ko rin ang kaninang nararamdaman ni Dominus. Napakasarap ng pakiramdam ng yakap mula sa isang nilalang na tunay na nagmamalasakit sa 'yo. Hindi ko kailanman pinangarap magkaroon ng ama at kung magkakaroon man ako... Gusto ko ay si Lazaro.

"S-Sige na..." Bahagyang bumaba ang boses ni Lazaro. "Baka mainip na ang lalaking maghahatid sa inyo."

"H-Hindi mo ba kami ihahatid sa labas?" tanong ko nang mapansin na papasok na siya sa kanyang silid.

Malungkot na umiling ito. "Ayokong makita ang mga mahal kong lumalayo sa akin. Magkikita pa tayo... Mula sa malayo ay ako ang gagabay sa inyo."

Tuluyan na itong pumasok sa kanyang silid.

Bumuntong-hininga ako bago tumingin kay Dominus. Nahuli ko ang kanyang titig.

"Tara na?" aya ko sa kanya.

Tumango ito.

Kukunin ko na sana ang bagahe ko nang maunahan niya ako, binuhat niya ang bagahe ko at ang kanya. Sabay kaming lumabas kung saan naghihintay ang isang karwahe.

Inunang ipinasok ni Dominus ang mga bagahe namin bago niya ako pinauna, tumabi siya sa akin. Nagsimula nang umandar ang karwahe.

Sabay kaming napalingon ni Dominus sa bahay namin. Naramdaman ko ang pagsikip ng dibdib ko, hindi dahil sa gawa ng kwintas kung hindi dahil sa emosyon. Inaamin kong napalapit na ako kay Lazaro, ang umalis nang hindi siya kasama ay mabigat sa kalooban ko, alam kong gano'n din kay Dominus.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon