Chapter 16

216K 10K 3.6K
                                    

Chapter 16: Pabor

Gulat ang gumuhit sa mukha naming dalawa ni Dominus habang nakatingin kay Inueh na hanggang ngayon ay nakaluhod pa rin.

"P-Paano mo nalaman?" tanong ni Dominus.

Huminga si Inueh nang malalim bago muling tumayo. Pinagpagan nito ang kanyang sarili. "Nung bumisita rito si Prinsipe Arcus," panimula nito. Nilingon nito si Dominus. "Nakita ko ang palihim niyong pagkikita sa likod ng library. Narinig kong tinawag ka ng Black Emperor na Prinsipe Dominus."

Napaisip naman si Dominus. "Ah! Nung tumakas ako at humabol sa kanya!" Kumamot ito sa kanyang batok. "H-Hindi niya kasi ako sinama sa pagbisita rito kaya patago akong humabol. Napagalitan nga ako eh."

Napailing na lang ako... Pasaway talaga ang lalaking ito.

"Maaari mo bang ilihim ito?" pakiusap ko kay Inueh. Napatingin naman siya sa akin, kumunot ang kanyang noo. "Para ito sa kaligtasan ng prinsipe, pakiusap."

"P-Pero ang alam naming lahat ay iisa lang ang anak ng Haring Maximo at Reyna Aurora." Hindi nawala ang pagkalito sa kanyang mga mata. "B-Bakit ka nila itinatago?"

"Huwag ka ng maraming tanong," pagsusungit ko sa kanya. "Tandaan mong prinsipe ang nasa harapan mo."

Namilog ang kanyang mga mata bago ngumiti. "Another mystery..." bulong nito. "Pero hindi tamang kayo lang ang humingi ng pabor sa akin." Tumaas ang dalawa niyang kilay.

Napatingin ako kay Dominus. "Kahit ano," maagap na sagot nito, desperadong mapagtakpan ang lihim na ito.

"Simple lang naman, hindi gaanong mabigat katulad ng sa inyo," panuniya pa nito.

Tumikhim ako. "Sabihin mo na lang kung ano..."

"Alis na ako, ah?" Kumaway ito sa amin at naglakad na palayo. "Magkita na lang tayong muli na parang walang nangyari," pahabol pa nito.

Napanganga ako pero hindi namin siya hinabol. Pinagmasdan lang namin siya hanggang sa mawala siya sa paningin namin. Napabuntong-hininga na lang ako.

"Hindi naman siya mukhang matsing pero tuso," natatawa kong bulong. Minataan ko si Dominus na hanggang ngayon ay malalim pa rin ang iniisip. "Ayos ka lang?" tanong ko sa kanya.

Napatingin naman siya sa akin. "A-Ayoko nang bumalik sa dating ako," bigla niyang saad, malalim ang kahulugan. "Ayoko nang maging isang lihim. Maaari na lang ba akong manatiling ganito? Isang hamak na bampira na may pamilyang ipagmamalaki ako?"

Muling nanumbalik ang prinsipeng malumbay. Isang bampira na ang nais lang ay pagtanggap galing sa pamilyang kanyang pinanggalingan.

Masayang tumango ako bago lumapit sa kanya. "Pamilya ka namin, Dominus. Maaari mo itong isigaw sa buong Arcus University o maging sa buong mundo. Totoo ito. Ipaparamdam namin sa 'yo ang totoong kahulugan ng pamilya."

Ang kaninang malumbay na labi niya at bumatak para sa isang nakakasilaw na ngiti.

Umakbay siya sa akin. "Sino ang mas matanda sa ating dalawa?" tanong niya.

Napaisip naman ako. "Ako?"

Kung pagbabasehan ay ang pag-iisip naming dalawa, masasabi kong mas hinog ang aking isipan sa kanya. Minsan kasi ay sinasapian siya ng ispirito ng bata.

"Hays. Parang mas gusto ko atang hindi na lang ako natutong bumasa ng isipan kaysa sa marinig lahat ng panlalait mo sa akin," natatawa niyang sabi.

Natahimik ako. Gumuhit sa aking mukha ang pagkapahiya. "Pero sino ba dapat?" pag-iiba ko.

"Ako na lang. Ipagtatanggol kita!" aniya.

"Talaga ba? Ba't parang ipinahamak mo ata ako ngayong araw?" biro ko sa kanya. "Pero, sige! Tara na... Kuya?" aya ko sa kanya.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon