Chapter 48

176K 8.8K 2K
                                    

Chapter 48: Hiling

Nagising ako sa gitna ng kagubatan, nakagapos ang katawan sa isang puno. Hindi ko na maramdaman ang ibabang parte ng katawan ko dahil sa pamamanhid dulot ng sobrang lamig. Kung bumubuhos pa rin siguro ang mabigat na niyebe ay tuluyan na akong nanigas dito.

"D-Dom...." Bulong ko. Hindi siya maaaring sumunod dito dahil may balak silang masama sa kanya. Tama na... Tama na ang mga sakripisyong nagawa niya para sa akin. Hindi ko na matatanggap kapag napahamak na naman siya.

Hindi ganito ang pamilya... Hindi ganito ang nararapat na pamilya para sa kanya. Gusto kong iparamdam sa kanya ang totoong pagmamahal ng isang pamilya. Nagawa ko ba? O sakit lang ang idinulot nito sa kanya?

Pakiramdam ko ay umiiyak na ako pero walang luha. Tila nagyelo na lahat ng tubig sa katawan ko. Suminghap ako nang kapusin sa hininga. Hindi ko na rin maramdaman ang buo kong katawan.

Natawa ako sa isipan ko. Sa dinami-rami ng naisip kong maaaring maging katapusan ay hindi kailanman sumagi sa isipan ko ang niyebe. Hindi... Hindi rito nagtatapos ang lahat.

Naramdaman ko ang unti-unting pagbagsak ng mga talukap ng mata ko. Ipinilig ko ang ulo para gisingin ang diwang lumulubog.

"Huwag kang matulog, Hezira. Hindi ka na magigising pa, bahala ka," salita ko para sa sarili.

Napayuko ako. Pinagmasdan ko ang lupang binabalutan ng niyebe. Kumurap-kurap ako para buhayin ang mga inaantok na mata. Hanggang sa hindi ko na napigilan.

Dumilim... Hindi pa ako tuluyang nawalan ng malay pero nakapikit ako. Wala akong ibang marinig. Nasa huwisyo ako pero pakiramdam ko ay nasa isa akong panaginip. Gising ang diwa habang natutulog ang katawan.

"Hezira!" dinig kong may sumigaw.

Nakatulog na ba ako? Naririnig ko ang tinig ni Dominus.

"Tulungan mo akong kalagin ang lubid, Lazaro!" Ramdam ko ang alala sa tinig ni Dominus. "Humihinga pa siya. Kailangan niyang mainitan!"

Naramdaman kong may bumuhat sa akin. Kung sino man 'yon ay hindi ko na mapagtanto. Ilang minuto pa ang lumipas bago ako tuluyang sinakop ng kadiliman.

Nagising ako sa kanlungan ni Lazaro. Napangiti ito nang makitang namulat ang aking mga mata.

"Magandang gabi, Binibini," pabiro niyang bati.

Tinulungan niya akong makaupo. Saka ko lang napansin na nasa isa kaming kuweba. May siga sa harapan namin na nagpapainit sa malamig na gabi. May nakabalot na rin sa aking makapal na kasuotan.

"Kumain ka muna." Inabutan ako ni Lazaro ng tinapay at tubig. Tinanggap ko 'yon at kinain habang nakatitig sa mga maliliit na kahoy na tinutupok ng apoy. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Uminom ako ng tubig bago humarap sa kanya. "S-Salamat..." pabulong kong sabi. Kung hindi siya dumating ay malamang na naging yelo na ako ngayon.

Mahina itong tumawa bago ako binigyan ng saglit na yakap. "Walang anuman, Hezira."

Napalunok ako nang may maalala. Mabilis na iginala ko ang tingin sa madilim na kuweba. Wala akong ibang makita kung hindi kaming dalawa ni Lazaro. Napabuga na lang ako ng hangin.

"Nasa bungad iyon ng kuweba," biglang saad ni Lazaro na parang nabasa ang nasa isipan ko.

"A-Andito siya?" tanong ko.

Nakangiting tumango ito. "Nang mapagtantong nawawala ka ay agad na pinahalughog niya ang buong palasyo. Hanggang sa may nagsabing dinala ka raw ng tatlong kawal." Napailing ito. "Malamang na wala nang buhay ang mga kawal na iyon ngayon."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon