Chapter 46

166K 8K 2.9K
                                    

Chapter 46: Hawak

Isang nakakabinging katahimikan ang sumunod matapos sabihin ni Inueh na may nalaman siya tungkol sa mga magulang ko. Sumabog ang napakaraming tanong sa isipan ko kasunod no'n.

"S-Sandali. Huwag tayo ritong mag-usap," pagbasag ni Dominus sa katahimikan. "Baka biglang dumating si Prinsipe Arcus at maabutan niya tayo rito sa silid niya. Malalagot ako."

Hindi ko inalis ang tingin kay Inueh, gano'n din siya. Ilang sandali pa ang lumipas bago kami lumabas. Si Dominus ang nauuna sa aming maglakad, nakasunod lang kami sa kanya kung saan niya kami dadalhin.

Nang makahanap ng tahimik na lugar sa kastilyo ay hinarap ko agad si Inueh. Bahagya pa itong napaatras sa bigla.

"Nagsaliksik ka sa pagkatao ni Hezira?" Si Dominus ang unang nagtanong.

Tumango si Inueh. "D-Dati pa ako palihim na nagsasaliksik," aniya kay Diminus bago tumingin sa akin. "Hindi ba sinabi ko sa 'yo na tutulungan kita? Hindi iyon isang panlilinlang."

Lumunok ako bago nahanap ang aking tinig. "Huwag ka nang magpaligoy-ligoy pa, Inueh. Isiwalat mo na ngayon kung ano ang nalaman mo tungkol sa mga magulang ko."

Nagpakawala ito ng isang mabigat na hininga bago tumango.

"Una sa lahat, gusto kong maintindihan mo, Hezira... Hindi mag-aaksaya ang mga bampira ng panahon para paslangin ang isang taong nasa ibang mundo. At kung mangyayari man iyon ay sigurado akong hindi lang isa ang papaslangin nila... Ngunit sa nangyari sa inyo, ang iyong ina lang ang pinuntirya nila."

Sumikip ang dibdib ko. Naisip ko na rin iyon pero dahil sa kakulangan ko ng impormasyon ay nakuntento na lang ako sa nalalaman kong bampira ang pumatay sa kanya at kailangan ko siyang ipaghiganti. Pero ngayon... Gusto ko pang hukayin ang mga detalye.

"Teka. Hindi basta-basta nakapapasok ng lagusan ang mga bampira. Nasa pangangalaga ito ng mga nakatataas...." Natigilan si Dominus sa pagsasalita na tila may naunawaan. "I-Isa rito sa palasyo ang may pakana."

Nanuyo ang lalamunan ko. Hindi ko pa lubusang kilala ang mga nasa mataas na posisyon kaya hindi ko matulungan ang sariling suriin ang mga posibleng nasa likod nito.

"Hezira..." Isang seryosong tingin ang ipinukol sa akin ni Inueh. "May isang bahagi ng nakaraan ang iyong ina na itinago niya. Alam kong ginawa niya iyon para protektahan ka at mamuhay kayo nang maayos."

"A-Ano ang nakaraan na iyon?"

Kinuha niya sa kanyang likod ang isang bag at binuksan iyon. Nang makuha ang isang libro ay ibinaba niya ang kanyang bag. Inabot niya sa akin ang libro. Lumapit sa akin si Dominus na nakisilip din.

"Every Blood in History," basa ko sa pamagat.

"Ang librong iyan ay naglalaman ng lahat ng mga bampirang naging parte ng kasaysayan," dinig kong pagpapaliwanag ni Inueh. "Mga maalamat na nilalang na dahilan kung bakit ganito kalabong ang kakayahan ng mga bampira."

Tumingin ako kay Inueh. "A-Ano ang ibig sabihin nito? Para lamang ito sa inyong mga bampira," paglilinaw ko.

Tumango si Inueh habang nakatingin sa aking mga mata.

Sinamaan ko siya ng tingin. Pabagsak na ibinalik ko sa kanya ang librong ipinahawak niya sa akin. "Kung isa itong panlilinlang ay binabalaan kita, Inueh. Wala akong panahon ngayon para sa ganyan."

Makakabalik na ako. Ayoko na ng manggugulo pa sa akin. At pakiramdam ko ay pasasabugin ako ng nilalaman ng librong iyon. Payapa na ako... Tanggap ko na lahat.

"Ano ang sinasabi mo, Inueh?" tanong ni Dominus. "Saan mo galing ang librong iyan? Saka bakit mo ipinapakita kay Hezira ang kasaysayan nating mga bampira. Hindi siya..."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon