Chapter 30: Pagsasanay
Isang malakas na ulan, pagtamlay ng araw, ang limang magkakasunod na kabilugan ng buwag... Taglamig. Paulit-ulit na umiikot ang mga senyales na 'yon sa isipan ko habang nakatitig sa malalakas na patak ng ulan sa labas.
"Hezira... Hindi kita pipilitin na pagkatiwalaan ako."
Nilingon ko si Inueh. Parang nakikisabay sa malumbay na kalangitan ang kanyang malungkot na mukha.
Tinangka niya akong lapitan kaya napaatras ako. Natigilan ito at hindi na rin nagpumilit pang lumapit.
"Patawad, Inueh." Umiling ako. "Natatakot lang akong mapalapit sa kahit na sino rito. Iba kayo sa akin... Mga may kapangyarihan kayo habang ako ay 'di hamak na dukha lamang."
"Sila lang ang may kapangyarihan, isa lang din akong katulad mo." Napayuko ito. "Magkatulad tayo. Wala ka ng magulang, at ako?" Tumingin siya sa akin. "Hindi ko maramdaman na mayroon ako."
Umihip ang malamig na hangin kaya nakaramdam ako ng pagkalamig. Napansin ata 'yon ni Inueh kaya napatingin siya sa binti kong hindi nababalutan ng tela.
Bumuntong-hininga ito bago tumingin sa labas ng kubo. "Hindi talaga natin matantiya ang pahanon. Parang kanina lang ay ang sigla pa ng araw."
Kumunot ang noo ko nang umpisahan na niyang alisin ang pagkakabutones ng kanyang uniform.
"Maupo ka," utos niya.
Kahit na naguguluhan ay umupo ako. Parang may mahika ang kanyang salita na agad akong napapasunod nito.
Nang matapos na niya ang pagtanggal sa pagkakabutones ay hinubad niya ang kanyang uniform. Ipinatong niya 'yon sa hita ko kaya nabalutan no'n hanggang ang binti ko.
"P-Paano ka?" tanong ko.
Naka puting damit lang siya, mas lalamigin siya kaysa sa akin.
Tanging iling lang ang isinagot nito bago umupo sa katapat kong upuan. Pagod na isinandal niya ang kanyang likod sa sandalan. Ang kanyang dalawang braso ay nakapatong sa magkabilang panig ng sandalan kaya mas humigpit ang kapit ng damit sa kanyang katawan.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" bigla niyang tanong.
Napatingin ako sa kanyang mga mata bago tumango. "S-Salamat..."
"Huwag kang magpasalamat dahil panlilinlang lang lahat ng ginawa ko sa 'yo." Ngumisi ito sa akin na animo'y nang-aasar. "Mas makikinabang ako sa kabaitan na ipinapakita ko sa 'yo."
"Ginugulo mo ako," bulong ko.
"Huwag kang maguluhan, Hezira. Mas masasaktan ka kapag mali ang pagkakakilala mo sa akin kaya ngayon pa lang ay itinatama ko na."
"Baliw," natatawa kong sabi sa kanya.
Yumuko ako para ayusin ang pagkakabalot ng mga binti ko. Napangiwi ako nang makitang narumihan ko na 'yon. Namantsahan na ang kulay puti niyang uniform.
"Lalabhan ko na lang muna ito bago ibalik sa 'yo," sabi ko.
Hindi siya sumagot kaya napaangat ako ng tingin. Tumambad sa akin ang payapa niyang mukha. Nakapikit ang kanyang mga mata. Napatitig ako sa kanyang matangos na ilong pababa sa kanyang mapulang labi. Kung sa mundo lang naming ay siguradong habulin ito ng mga babae.
"I-Inueh?" mahina kong tawag sa kanya. "Tulog ka ba?"
Wala akong nakuhang sagot sa kanya kaya hindi na rin ako kumibo pa. Ipinahinga ko na lang ang likod ko at tumingin sa labas. Kahit papaano ay tumatahan na rin ang pagbuhos ng malakas na ulan.
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...