Chapter 37

171K 7.9K 2.7K
                                    

Chapter 37: Nagugustuhan

Napatitig ako kay Inueh. Hindi niya naitago ang pagkasabik sa nabalitaan niya at sa hinuha niyang isa itong tao. Batid ko kung gaano siya kasabik na mapatunayan sa lahat ang mga nilalang na 'yon. Buong buhay niya ay inilaan niya sa pag-aaral tungkol sa mga ito, ngayon na abot kamay na niya ang lahat, alam kong wala nang makakapigil pa sa kanya.

Lumunok ako. "T-Talaga? Kanino mo naman iyan nabalitaan?"

Napatingin ako sa kamay niyang umangat. "Punasan mo muna 'yang kamay mo, hindi magandang tignan ang dugo sa 'yong mga kamay."

Tinanggap ko ang panyong alok niya.

"Kagabi raw ay nagkagulo ang mga mangangaso rito, lahat sila ay natigilan sa pag-inom ng dugo ng usa dahil mas naakit sila sa natatanging amoy dala ng hangin. Lahat ngayon ay naging handa..."

Nabitawan ko ang panyong hawak ko pero mabilis naman akong yumuko para pulutin 'yon. Nanginginig ang mga kamay ko habang nagpupunas sa panyo. Mukhang hindi 'yon pansin ni Inueh, parang wala atang makakasira sa kasiyahan niya ngayon.

"Teka. Ikaw lang ba mag-isa rito?" tanong niya. "Nasa'n si Dominus?"

Huminga ako nang malalim bago tinignan ang kulay asul na panyo niya, halos maging pula na ito dahil sa dugo.

"Nasa bahay," bulong ko bago inangat ang aking tingin. "Lalabahan ko muna ito bago ko ibalik sa 'yo," tukoy ko sa kanyang panyo.

Mabilis na umiling siya. "Dahil masyado akong masaya ngayon, ayos lang kahit na hindi muna ibalik. Itapon mo na lang." Kinuha niya sa akin ang panyo at itinapon.

"S-Salamat..." Lumunok ako at nangapa ng sasabihin pa. Napakurap ako nang may maalala. "Gusto mo bang pumunta muna sa bahay? Para na rin maibalik ko 'yong uniform na pinahiram mo sa akin. Matagal na 'yon eh."

Tumango siya. Tinignan niya ang walang buhay na usa sa tabi ko. "Ganito ka pala kasabik sa dugo," mahina itong natawa. "Mas lalakas ka niyan kasi mabilis kang mauhaw. Maganda 'yan."

"Tara na?" aya ko sa kanya.

Hanggang sa pag-uwi ay nagkukwento si Inueh. Gusto niyang sumama kami sa kanya ni Dominus mamayang gabi para sa Human Hunting na pakay niya. Gusto niyang maunahan ang iba sa paghuli... Sa akin.

Ipinakilala ko si Inueh kina Hegel at Hera. Habang nag-uusap sila sa sala ay pumunta ako sa kusina para kumuha ng prutas na maipapakain sa kanila. Hindi maalis sa isipan ko ang gustong mangyari ni Inueh.

Mayamaya rin ay alam kong mag-uumpisa na naman akong maapektuhan ng kwintas na suot ko. Hindi ako maaaring magpaabot pa rito ng takip-silim. Bago pa magdilim ay aalis na rin ako.

"Ang lalim ata ng iniisip mo." Ginulat ako ni Dominus, nasa tabi ko na pala siya, hindi ko napansin. "Maaari ko bang malaman ang mga gumugulo sa 'yo, Binibini?"

Tinago ko ang lahat ng bumabagabag sa akin sa pamamagitan ng isang ngiti.

"Iniisip ko lang... H-Hindi na ako magpapaabot ng gabi rito," nakaramdam ako nang pagkailang. Hindi pa rin ako sanay na magbukas ng usapin tungkol sa pagkatao ko.

Kinuha ni Dominus ang bandeha na may prutas. "Huwag mo munang isipin 'yan. Hahatid naman kita mamaya... Saka alam kong hindi ka rin pababayaan ni Lazaro."

Pagkarating namin sa sala ay nag-uusap sina Hegel at Inueh, habang si Hera ay nakatingin lang sa kanilang dalawa. Inilapag ni Dominus ang bandeha sa kaharap na lamesa.

"Ate..." tawag sa akin ni Hera. Nakita ko ang pasimpleng pagsiko sa kanya ni Hegel. "Nagpapatulong si Hegel kay Kuya Inueh para ligawan ka."

"Wala akong sinabi!" Namula ang mukha ni Hegel. "Ang ingay-ingay mo! Isa pa, hindi na kita bati."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon