Chapter 34: Paglubog
Nanatili akong nakaupo, nakayakap sa mga binti. Nakatulala sa kawalan. Hindi ko inakalang mapapamahal ako sa lugar na dati ay kinasusuklaman ko. Siguro ay dahil tanggap ko na... Natanggap ko na wala na si Ina at kahit na anong gawin ko ay hindi na siya babalik pa.Wala na akong babalikan sa mundo namin... Tanging ang sarili ko na lang ang kasama ko.
"Hezira?" Umangat ang tingin ko. Napatitig ako kay Dominus, bakas ang pagkalito mula sa kanyang mga asul na mata. "Kanina pa kita hinahanap. Bakit narito ka pa sa labas?"
Nanuyo ang lalamunan ko at sa unang pagkakataon ay gusto ko siyang yakapin... Gusto kong yakapin ang isang bampira na tumanggap sa akin. Gusto ko siyang yakapin dahil sa pagmamahal na ipinapakita niya.
Bumuntong-hininga ito at umupo sa tabi ko. Pareho na kami nakaupo sa lupa, habang nakasandal sa puno. Hindi ako lumingon, bumagsak ang tingin ko sa ibang direksyon.
"Nakatulog na ang magkapatid," aniya. "Hindi sila karapat-dapat sa sakit na nararanasan nila. Mga walang puso ang pumaslang sa kanilang ina."
Tumingin ako sa kanya. Nakangiti ito habang nakatingala. Masasabi kong mapait ang ngiti na iyon. May iba't-ibang klase ng ngiti... Hindi dahil nakangiti ka ay masaya ka. Minsan ay tanging pagngiti na lang ang nagagawa natin kahit na bagsak na ang puso natin dahil mas nakakapagod ang umiyak kaysa sa ngumiti.
"Teka..." Bigla siyang tumingin sa akin, nahuli niya ang titig ko. "Bakit ba andito ka? May bumabagabag ba sa iyong isipan?"
Napatitig akong muli sa kanya. Tila nawalan ako ng boses... Walang lumalabas sa bibig ko.
"H-Hezira..."
"Salamat sa lahat, Dominus." Binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti. "Hinding-hindi kita makakalimutan... Ipinapangako kong dadalhin ko lahat ng alaala natin kahit saan ako pumunta. Walang sino man ang makakaagaw no'n sa akin." Hinawakan ko ang kanyang kamay.
Kumunot ang kanyang noo. "Bakit tila namamaalam ka na? May pupuntahan ka ba?"
Natawa ako bago inalis ang pagkakahawak ko sa kanya. Napansin ko na palubog na ang araw. Ang bilis naman matapos ng araw. Mukhang mas mapapabilis din ang paglisan ko.
"Huwag mo akong iiwan, nakikiusap ako," dinig kong sabi niya.
Pinanatili ko ang tingin ko sa malawak na himpapawid. Ayokong makita niyang malungkot ako. Gusto kong kapag nakita niya ang mukha ko ay wala siyang ibang matatanaw kung hindi ang galak... Galak na nakilala ko siya.
"Uy, iiwan mo rin ba ako? Isa akong prinsipe, hindi ka makakatakas sa akin. Ipapahanap kita kahit na nasaang lupalop ka ng mundo," aniya na ikinatawa ko.
Kahit na ipahanap niya ako sa buong mundo ay imposibleng magtagpo pa ang landas namin... Malamang na nasa ibang mundo na no'n ako.
"Uy palubog na ang araw!" sabi ko nang may mapagtanto. "May alam akong lugar na mas makikita natin ang paglubog nito."
Tumayo na ako at pinagpagan ang sarili habang nanatiling nakaupo lang si Dominus, nakatingala at nagtatakang nakatingin sa akin.
"Tara na, Dom!"
"Ano ang maganda sa paglubog ng araw?" naguguluhang tanong niya.
"Ang pagpapakita ng buwan," maikli kong tugon.
Kahit na naguguluhan ay tumayo na ito. Sinigurado muna namin na natutulog pa ang dalawa bago kami umalis. Paalis na sana kami nang matanaw ang isang lalaking naglalakad palapit sa amin.
Kumabog ang dibdib ko nang makita si Inueh.
"Inueh!" Masiglang bati ni Dominus sa kanya. Nagkamayan ang dalawa. "Saan ka nakatira?"
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...