ISANG linggo ang matuling lumipas na hindi na muling nagtagpo sina Lacey at Rigo. Kinalimutan na rin ng dalagita ang pag-asam na muli siyang lalapitan nito. Siguro ay hindi ang tulad niyang bata ang pinapansin ni Rigo.
Malapit na ang alas-sais ay nasa gate pa rin ng escuela ang dalagita kasama ang best friend at classmate na si Yda.
"Bakit ba wala pa ang driver ninyo? Baka hindi ka sunduin, ah. Mabuti pa kaya ay mag-tricycle na lang tayo," suhestiyon ng kaibigan.
"Hindi. Darating iyon. Isisesante siya ng Daddy 'pag hindi ako sinundo. Baka naatraso lang si Mang Vener. At saka wala nang tricycle na pumapasok dito sa school. Umpisa na ng panggabing klase. Malayo ang lalakarin natin."
"O, di lakarin natin hanggang kanto."
"Sige na nga, baka masalubong natin ang driver namin. Baka nag-aalala na rin sa inyo dahil wala ka pa," aniya na nagsimulang lumakad.
"Alam naman ng mga magulang kong lagi kitang kasabay at idinadaan mo na ako sa bahay." Isang tricycle ang pinara nito subalit may sakay naman.
Hindi pa sila gaanong nakalalayo ng isang owner-jeep ang malingunan ng magkaibigan na sumusunod sa kanila. Huminto ito sa tapat mismo ng dalawa.
"Tiyempo," wika ng isang sakay ng owner. Apat na kalalakihan ang nasa loob nito at sabay-sabay na nagsibaba. Marahil ay mga college boys. "Si Miss SIC ang natiyempuhan mo, Abet. At may kasama pa," anang isa sa pinakamalaki sa mga ito.
"Nasa sa iyo iyon, Abet, kung sasayangin mo ang pagkakataong ito. Kaya lang ay baka kung ano ang mangyari 'pag nakarating kay Mr. Bernardino ang gagawin natin..." wika ng isa pang estudyante.
Nagkatinginan ang magkaibigan. Pagkatapos ay hinawakan ni Lacey ang kamay ni Yda. "Huwag mo silang pansinin, Yda, tara na."
Hinawakan ng tinatawag na Abet ang braso ni Lacey. "Sandali lang, Miss Lacey. Mabubugbog ako pag hindi kita nahalikan ngayon, eh..."
Nanlaki ang mga mata ni Lacey. "Ano ang ibig mong sabihing mabubugbog ka?"
"Initiation ng fraternity sa akin ito. Halikan ang unang estudyanteng makita namin paglabas ng gate," sagot ni Abet. "At natutuwa na nga akong hindi lalaki ang unang nakita namin, eh. Kaya pumayag ka na, please, masarap naman akong humalik. At saka sa pisngi lang naman, malibang gusto mo sa lips." Nagtawanan ang tatlong kasama nito.
"Bitiwan mo nga ako!" Pagalit na bawi ni Lacey sa kamay niya. "Ano ang pakialam ko diyan sa initiation ninyo? At bakit ka sumasali diyan sa fraternity na iyan tapos peperhuwisyuhin ninyo ang ibang estudyante?"
Nagkibit ng balikat ang pinakalider. "A simple kiss won't harm, Miss. Hindi nga lang namin natitiyak kung kaya nitong si Abet."
"Kaya ko, Sir," baling nito sa mga kasamahan. Ano ba naman ang isang halik, eh, magandang lalaki naman ito? Kahit dito sa probinsiya, bale-wala na ang halik.
Muling hinatak ni Abet ang braso ni Lacey subalit umiwas ang dalagita.
"Puwede ba, umalis na kayo!" Si Yda na hinila ang kaibigan.
Arangkada ng motorsiklo ang nagpalingon sa lahat sa may tagiliran ng owner-jeep.
Si Rigo. Bumaba ito ng motorbike.
Tinanguan nito at tinapik sa balikat ang pinakalider. "Arbor, pare. Akin na lang iyan."
"Sure," sagot ng estudyante. "Ano ang gusto mong ihaliling ipagawa rito kay Abet?"
"Dalawang oras sa talyer, Abet, bukas. Wala ka pang sabit," sagot ng binata.
"Yes, my lord..." tango ni Abet na humakbang pabalik sa jeep. Isa si Rigo sa mga lord ng fraternity na sinasalihan nito.
Ilang sandali pa'y sakay na uli ng jeep ang apat at lumayo sa lugar na iyon. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng dalawang dalagita. Si Lacey ay hindi malaman kung papaano pipigilin ang puso sa pagpintig nang mabilis.
Si Rigo, in his tight and old faded blue jeans and leather jacket took her breath away.
"Nasa oras ba ang dating ko?" tanong ni Rigo na hinagod ng tingin ang dalagita.
Tumango si Lacey. "S-salamat..."
"Nasaan ang Porsche mo?" buska nito na inikot ang mga mata sa paligid. "Bakit ka naglalakad?"
Si Yda ang sumagot. "Kanina pa nga hinihintay ni Lacey ang driver nila, eh."
Isang tricycle ang natanawan ng binata at kinawayan ito kahit na may sakay na isang matandang babae.
"Sumakay ka na, Miss," wika nito kay Yda. "Akong bahalang maghatid kay Lacey..."
Muling nagkatinginan ang dalawang dalagita. Si Yda ay alanganing iwan ang kaibigan. Alam nitong hindi naman kakilala o kaibigan ni Lacey si Rigo. Samantalang si Lacey ay hindi makaapuhap ng sasabihin sa pagkabigla.
Ayaw niyang iwan siya ng kaibigan na mag-isa kasama si Rigo hindi dahil natatakot siya kundi hindi niya alam ang sasabihin at gagawin. Pero lalong ayaw niyang masayang ang pagkakataong ito. Inasam-asam niyang magkita silang muli at lapitan ng binata.
Bago pa siya nakapagdesisyon ay hinawakan ng binata si Yda sa braso at inakay patungo sa tricycle na ang driver ay kinakitaan na ng pagkainip.
"L-Lacey..." ani Yda na alanganin ang ginawang pagsakay.
"S-sige na..." Tumango ang dalagita.
Tumakbo na ang tricycle at malayo na ito'y nakalingon pa rin sa kanila si Yda. Nag-aalala ang anyo.
BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 2
Romance"My old faded blue jeans would be out of place. It'll never fit into your world of lavander lace." The infamous Rigo dela Serna ng Engineering Department. Super-guwapo, ex-scholar, star-player at playboy numero uno. Pero para kay Lacey, Rigo is a...