PAGKARATING nila sa private beach ng Daddy niya ay walang sabi-sabing mabilis na bumaba ng bike si Lacey sabay bulong ng 'thank you' at nagtatakbo patungo sa mansion.
"Bye!" Pahabol na sigaw ng nakangising si Rigo na iiling-iling. Ni hindi ito nilingon ng dalagita.
Hindi umalis sa tabing-dagat si Rigo hangga't hindi nakakapanhik ang dalagita sa hagdang-bato patungo sa mansion ng mga Bernardino.
Si Lacey ay abot-abot ang pag-iisip kung ano ang sasabihin sa ama. Hindi niya gustong magsinungaling. Hindi pa siya nagsisinungaling sa Daddy niya.
Pagbukas niya ng gate sa likod-bahay galing sa dagat ay natanaw naman niya ang sasakyang sundo niya papasok ng malaking gate. Nakahinga siya nang maluwag. Tinakbo niya pasalubong ang L300.
Bumaba ang driver nang makita siya. "Na-flat ang gulong, Lacey," wika nito. "Pinuntahan kita sa escuela pero wala nang tao roon. Pasensiya ka na, hija. Saan ka ba nagdaan?" Humihingi ng paumanhin ang tono ni Mang Vener.
"Hindi bale na ho, Mang Vener. Basta sabihin ninyo sa Daddy na kaya tayo natagalan ay dahil na-flat ang gulong," hindi siya magsisinungaling. Totoong na-flat ang van. Pagkatapos ay mabilis na siyang pumasok ng bahay at patakbong pumanhik sa silid niya.
Ibinagsak ni Lacey ang sarili sa kama. Hindi alam kung papaano kakalmahin ang sarili. Binalik-balikan niya sa isip ang naging pag-uusap nila ni Rigo.
Hindi pa siya natatagalan nang sabihin ng maid na nasa ibaba si Yda. Pinapanhik niya ang kaibigan.
"Hello, mukhang nangangarap ka, ah," bungad ni Yda pagkakita sa kanyang ngumingiti mag-isa. "At saka ang sabi ng maid ninyo ay kararating mo lang. Akala ko ba ay inihatid ka ni Rigo? Bakit ngayon ka lang?"
"Sshh, ang ingay mo. Baka may nakikinig sa atin. Isara mo nga iyang pinto," utos niya sa kaibigan.
Pagkatapos isara ni Yda ang pinto ay umupo ito sa gilid ng kama. "Ano ba ang nangyari?"
"Inihatid niya ako talaga pero sa dagat kami dumaan kaya natagalan ako sa pag-uwi at saka nag-usap pa kami sandali," patuloy niyang kuwento.
"Lacey, hindi sana kita iiwan pero nalito ako sa lalaking iyon. Hindi ka ba ginawan ng masama?" nag-aalalang tanong ni Yda.
Nagsalubong ang mga kilay ng dalagita. Napasulyap sa malaking poster ni Elvis Presley na katabi naman ng poster ni Antonio Banderas. Rigo is a cross between the two personalities. Nasa binata ang ayos at kakisigang pang-sixties na a la-Presley and toughness a la-Banderas.
"Bakit niya ako gagawan ng masama, Yda?" Nangingiting tanong niya sa kaibigan.
"Kilala sa kalokohan si Rigo, Lacey. I mean, pagdating sa mga babae sa campus. And it's so hard to resist the likes of him. At inaamin kong kahit ako ay may crush sa kanya."
"C'mon, Yda, iniligtas tayo ng lalaking iyon mula sa fraternity gang tapos sasabihin mo iyan? Where's your gratitude, friend?"
"Oh, well, I'm just worried about you. Nakita ko kasi ang mga titig ni Rigo sa iyo, eh. At saka alam mo ba na minsan nang nasabi sa akin ng kuya ko na matindi ang gusto sa iyo ng lalaking iyon. Mukhang alam ng buong Engineering ang damdamin ni Rigo sa iyo. Isipin mo, Lacey, mula sa mga girls sa college department ay hindi ko malubos-maisip kung paano ka niya napagtuunan ng pansin. Oh, well, I know you're pretty pero hindi ko maintindihan gayong hindi naman kayo magkakilala, 'di ba?" patuloy ni Yda na halos magdikit na ang mga kilay.
Gustong mag-umalpas ng puso niya sa galak sa narinig. Paano niya sasabihin kay Yda na totoong hindi nga sila magkakilala ni Rigo but they have been watching each other from afar. Bawat isa ay conscious sa presensiya ng isa't isa. Na si Rigo ay napagkikita niya sa high school premises. Kung noon ay pinagtatakhan niya iyon, ngayon ay hindi na. Rigo went out of his way para makita siya.
"Can you keep a secret?" tanong niya sa kaibigan.
"Yes, alam mo iyan. Pero hindi mo pa sinasabi ay kinakabahan na ako."
Natawa si Lacey. "Type ko siya, Yda. At matindi ang crush ko sa kanya."
"Oh, no!"
"Oh, yes. At may date kami bukas ng alas-dos, sa vacant period natin," magkakasamang excitement at hiya ang nadarama ng dalagita habang nagko-confide sa kaibigan.
"Oh, Lacey," panlulumo ni Yda. "Alam mo ba na ang current girl ngayon niyan ay si Shirley na kapitbahay namin?"
Hindi nakasagot ang dalagita roon. Nakita na niya ang Shirley na ito minsang magpunta siya sa bahay nina Yda. Nasa early twenties nito ang dalaga at nag-aaral din sa SI College.
Maganda at sexy ito at laging naka-miniskirt. Sa college kasi ay puwedeng hindi mag-uniform. At ito rin iyong minsang nakita niyang kasama ni Rigo sa canteen.
Ano ang laban niya roon?
"O, hindi ka na sumagot diyan. Iyan ang gusto kong sabihin sa iyo. Si Rigo ay playboy. At hindi lang si Shirley ang alam kong naging girlfriend niya. Hindi ko alam kung nabalitaan mo ang dahilan kaya naiwala niya ang scholarship ay dahil may isang estudyante sa Commerce department na nagpunta sa Dean at sinabing buntis ito at si Rigo ang ama. Na hindi gustong panagutan ni Rigo ang dinadala nito. At nang kausapin ng Dean si Rigo ay hindi ito inamin o ipinagkaila man lang ng binata."
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Lacey. Wala siyang alam doon.
"Ano ang nangyari pagkatapos?"
"The news died a natural death. Hindi na rin pumapasok ang babae. At balita ko ay umalis sa bayang ito. Ang kuya ko ang may sabi niyan. Alam mo namang nasa Engineering din ang Kuya. Naiintindihan ko ang nadarama mo, friend. Napakadaling magka-crush kay Rigo. Sabi ko nga, kahit ako. And I probably wouldn't know how to deal with him kung ako ang nasa lugar mo. Pero alam kong mas matalino ka kaysa sa akin."
"Thanks, Yda. Pag-iisipan ko ang sinabi mo," matamlay niyang sagot sa kaibigan.
Ano ang gagawin niya?
Maliban sa dalawang nasa posters ay si Rigo ang kauna-unahang crush niya. Hindi naman bago sa kanya ang ibang sinabi ni Yda. Hindi man niya tahasang kilala si Rigo bago sila nagkakilala nang pormal ay alam na niya ang ibang tungkol dito.
Makikipagkita ba siya dito bukas?

BINABASA MO ANG
Sweetheart Series 2
Roman d'amour"My old faded blue jeans would be out of place. It'll never fit into your world of lavander lace." The infamous Rigo dela Serna ng Engineering Department. Super-guwapo, ex-scholar, star-player at playboy numero uno. Pero para kay Lacey, Rigo is a...