Chapter 16

34.9K 819 5
                                    

HINDI na pinapasok pa ni Augusto ang anak. Hindi rin makaalis ng bahay ang dalagita dahil nakabantay si Magno at ang mga katulong. Hindi rin niya magamit kahit telepono.

Tinanong niya ang ama kung ano ang ginawa nito kay Rigo. Tiniyak sa kanya ni Augusto na hindi nasaktan si Rigo dahil nabaling ang pansin sa kanya. Hindi niya gustong maniwala subalit si Yda mismo ang nagsabing nakikita nito sa campus si Rigo nang dalawin siya ng kaibigan. Isang araw ay nagulat na lamang siya nang pagbaba niya'y maulinigan niyang may kausap ang ama.

"Ikinalulungkot ko kung ganoon na hindi ko magawa ang sinasabi mo, Amelia," si Augusto.

Amelia! Ang Mama ni Rigo. Bakit nandito? Inutusan ba ni Rigo ang ina na kausapin ang Daddy niya?

"Pero alam mong hindi totoo ang ibinibintang mo. Isa itong venganza, Augusto."

"Isipin mo kung ano ang gusto mong isipin pero tinatapos ko ang pag-uusap na ito. Alam mo kung paano magbabago ang pasya ko. Adios, Amelia," pinal ang tinig nito.

Mabilis na bumaba ng hagdan ang dalagita. Gusto niyang makita at makausap ang Mama ng kasintahan.

"Tita Amelia..." tawag niya subalit galit at habag ang nasa mga mata ng babae nang tumitig sa kanya at agad na nagbawi ng tingin bago mabilis na lumabas ng mansion.

Akma niya itong hahabulin subalit pinigil siya ni Augusto.

Nilingon ng dalagita ang ama. "Daddy, bakit narito ang Mama ni Rigo?"

"Upang ipakipag-usap ang tungkol sa inyo ng anak niya," sagot ng matandang lalaki na iniwas ang tingin.

"Dad, wala naman kaming ginagawang masama ni Rigo at vacant period naman iyon. Hindi kailangang hindi mo ako papasukin."

Hindi pinansin ni Augusto ang sinasabi niya. "Bumalik ka na sa silid mo, Lacey, at ayusin ang mga gamit mo. Bukas din ay luluwas tayo ng Maynila," matigas at hindi mababali ang tono nito.

Marahas na napatingin siya sa ama, "Hindi maaari, Daddy. Paano ang pagtatapos ko?" naguguluhang tanong niya. Inihihiyaw ng dibdib ang pagtutol.

"Kinausap ko na ang mga maestra mo at principal ninyo. Hindi ka nga makadadalo sa aktuwal na graduation ceremonies pero magtatapos ka ng high school kahit hindi mo tapusin ang ilang natitirang mga linggo dahil matataas ang grades mo kaya walang problema."

"Pero bakit, Dad? Bakit ninyo ako dadalhin ng Maynila?"

"Yari na ang pasya ko, Lacey. Ihanda mo ang mga gamit mo," bagot nitong sagot at pumasok na sa study.

Naiwang nanlulumo ang dalagita. Tatlong araw na siyang hindi lumalabas ng bahay. Paano niya makakausap si Rigo upang ipaalam ditong minadali ng ama niya ang pag-alis nila patungong Maynila?

At kung sakaling may pagkakataong makatakas siya'y gagawin niya. Hindi niya gustong sumama sa ama sa Maynila. Pero malabong mangyari iyon maliban pa sa hindi naman nagpapakita o nagpapadala ng mensahe ang binata.

Hindi siya makapaniwalang natakot ng Daddy niya ang kasintahan at pinabayaan na lang na hindi siya masilip man lang. Totoong may bantay siya pero lagi siya sa bintana sa tapat ng dagat upang abangan ang paglitaw nito.

Hanggang sa pag-alis niya kinabukasan ay umasam siyang makikita man lamang niya si Rigo kahit hindi na sila makapag-usap. Pero wala kahit anino ni Rigo na nagpakita.

Marahang paghikbi ang pinakawalan ng dalagita habang lumilingon.

"Stop being foolish, Lacey," pagalit na sinabi ni Augusto sabay iling. "Hindi ako makapaniwala diyan sa mga ikinikilos mo. Tinalo mo pa ang dalaga na sa ginagawa mo. My goodness, you're only sixteen. May gatas pa sa labi," sinulyapan siya nito.

"Hindi ninyo magagawa sa akin ito kung buhay ang Mommy," pagalit din niyang sagot.

"Hindi ako makapaniwalang pinagtataasan mo ako ng tinig nang dahil lang sa walang kuwentang lalaking iyon!"

Hindi na sumagot ang dalagita. Pinahid ng panyo ang luha sa kanyang mga mata. Tanging ang sulat na iniwan niya kay Yda ang inaasahan niyang magpaparating ng mensahe niya sa kasintahan.

Hindi magagawa ng ama niya ang tuluyan silang paglayuin ni Rigo. At dadalawin siya nito sa Maynila.

Taglay ang kaisipang iyon ay kalmanteng sumandal ang dalagita at inihanda ang sarili sa mahabang biyahe.

Sweetheart Series 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon