12th Confrontation

3.7K 179 13
                                    

BIGAT na bigat na si Lilac kay Tyrus kaya labag man sa kalooban niya, nabitawan na niya ang lalaki na bumagsak naman sa gilid ng kalsada, wala pa ring malay. Maging siya, napaupo sa gilid ng kalsada habang hinahabol ang hininga at binabawi ang kanyang lakas. Nasa ilalim naman sila ng ilaw ng isang lamppost. "Sorry, Tyrus. Break time muna."

Nang bigla na lang bumagsak si Tyrus kanina, tinulungan siya ng dalawang security guard ng building na buhatin ang lalaki. Balak pa sanang tumawag ng ambulansiya ng mga ito, pero sinabi niyang lasing lang si Tyrus kaya ito nawalan ng malay. Nagpatulong na lang siyang buhatin ang Bloodkeeper hanggang sa makalabas sila ng compound ng BBS Network para makalayo sa nakita niyang "kalaban."

Kung alam lang niyang malayo pa rin ang lalakarin niya para makalabas ng village kung nasaan ang BBS Network, nag-taxi na sana siya. O tricycle. Pero sa parteng 'yon, wala namang dumadaang sasakyan.

Nasa'n na ba kasi si Eton?

Tumingin si Lilac sa paligid. Madilim na dahil malalim na ang gabi. Bakanteng lote ang nasa paligid kaya siguro tahimik do'n. May mga lamppost pa rin naman, pero mapusyaw ang ilaw at sira pa nga ang ilaw ng dalawang magkatapat na poste.

Ilang metro mula sa bloke na kinaroroonan nila, may magkakahilerang bahay na uling madadaanan. Baka may tricycle na rin do'n palabas ng village.

"You smell good."

Napasinghap si Lilac nang bigla-bigla, nasa harap na niya si Tyrus. Naka-squat ito at nakapatong ang mga kamay sa mga tuhod nito habang nakatitig sa kanya. He actually looked like a child while cocking his head to one side as if he was busy memorizing the outline of her face.

Pero ang mas napansin niya ay ang mga pagbabago sa pisikal na anyo ni Tyrus. Naging mas dark ang shade ng mga mata nito at sa palagay niya, naging kulay dugo ang mga 'yon base sa shade na nakikita niya ngayon. Lumabas na rin ang mahahabang pangil at matatalas na kuko ng lalaki.

He looked like he was ready to devour his dinner.

Biglang napayakap si Lilac sa sarili nang kilabutan siya. Ang tinging ibinibigay sa kanya ni Tyrus, tingin ng nilalang na gutom at iniisip kung anong klase ng putahe ang gagawin mula sa biktima nito. Napalunok tuloy siya ng wala sa oras. "Tyrus... hindi mo ba ko nakikilala?"

Bumaba ang tingin ni Tyrus sa leeg niya. "I don't. But you smell really, really good." Bahagyang bumuka ang bibig nito kaya lumabas ang mahahaba nitong mga pangil. "Can I taste you?"

"Bastos ka, ha!" nainsultong sigaw ni Lilac, sabay sipa sa dibdib ni Tyrus.

Hindi niya alam kung dahil ba napalakas talaga ang sipa niya o baka nabigla lang si Tyrus, pero nang dumikit ang sapatos niya sa dibdib nito, parang domino na bumagsak ang lalaki.

Malakas pa nga ang pagkakabagok nito sa kalsada na nagkaro'n ng lamat. Wow. Gano'n ba kabigat at katigas ang ulo at katawan ng isang Bloodkeeper?

Nawala lang do'n ang atensiyon niya nang makitang hindi pa rin gumagalaw si Tyrus. Hindi naman siguro mamamatay ang isang Bloodkeeper dahil lang sa pagkabagok, 'di ba? Pero kinabahan pa rin siya.

"Tyrus?" nag-aalalang pagtawag ni Lilac dito. Nang hindi pa rin sumagot ang lalaki, siya na ang lumapit dito. Lumuhod siya sa tabi nito. Napasinghap siya nang makitang wala na naman itong malay at sobrang putla na nito na nakikita na niya ang mga ugat sa guwapo nitong mukha. Maingat na inangat niya ang ulo ni Tyrus at inihiga 'yon sa kandungan niya. Saka niya marahang tinapik ang pisngi nito. "Hey, wake up."

Kinakabahan na talaga siya ngayon. Hindi na normal ang pagiging maputla ni Tyrus, pati ang paglabas ng mga ugat sa mukha nito. Napansin din niyang parang natuyo ang mga labi ng lalaki dahil nagkaro'n na ng "biyak" ang mga 'yon. Kung titingnan ito, para itong... unti-unting binabawian ng buhay?

Bad Blood/Bad RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon