NAPASINGHAP sa gulat si Denim nang makita ang bite marks ni Finn sa leeg niya habang tinitingnan niya ang reflection niya sa rearview mirror ng dina-drive nitong kotse. "Finn! Bakit hindi mo inalis ang bite marks mo? You usually don't leave a trace when you drink my blood."
Nanatiling nakasimangot si Finn habang deretso lang ang tingin sa kalsada. "Ginagantihan lang kita dahil hindi mo na naman ako sineryoso."
Walang comeback si Denim do'n kaya sumandal na lang siya sa kinauupuan at humalukipkip. "Saan ba tayo pupunta? Bakit hindi na lang tayo sa condo mo matulog? Medyo pagod na ko, eh." Nag-pout siya. "Saka maaga pa ang call time ko bukas."
Sinulyapan siya ni Finn at dumaan ang pag-aalala sa mukha nito. Mabilis bumalik sa daan ang tingin nito pero umangat naman ang kamay nito at hinaplos ang leeg niya. "I'm sorry, baby girl. Hindi tayo puwedeng mag-stay sa condo ngayong gabi. Kung hindi lang ako nakatulog, kanina pa sana kita inalis sa lugar na 'yon." Inalis na nito ang kamay sa leeg niya. "Do'n muna tayo sa townhouse."
Lumabi lang si Denim. Totoong pagod siya kaya wala siyang lakas makipagtalo kay Finn. Balak sana niyang magmuni-muni na lang habang nakatingin sa labas ng bintana, pero may nakita siya sa side mirror na kumuha ng atensiyon niya. "Finn..." Kumunot ang noo niya habang nakatitig sa coaster van sa likuran nila. Kilalang-kilala niya ang tatak ng sasakyan. "Sinusundan tayo ng news team from BBS."
"Baka pareho lang ang daan nila sa'tin."
Nilingon ni Denim si Finn at binigyan ito ng nagdududang tingin. "'Yong van na 'yon, sigurado akong 'yon ang van ng news team na puro Helper mo ang member. Inutusan mo ba sila na sundan tayo? Pero bakit naman? Hindi naman makakatulong sa publicity nating dalawa kung makukuhanan tayong magkasama ng ganitong oras dahil ang alam ng mga tao, magpinsan tayo. Plus, hindi na natin kailangan ng scandal para lalong sumikat. Nakakalat na ang mukha natin mula billboard hanggang sa cover ng mga notebook. So, anong point ng pagsunod nila sa'tin? May pinaplano ka ba to boost your fame even more?"
Natawa si Finn habang iiling-iling. "Baby girl, magkakasakit ka ba kapag hindi ka nagtanong?"
"What's wrong with asking?" reklamo naman ni Denim. "Sa curious ako, eh. Masama ba 'yon?"
"I'll kiss you if you don't stop asking questions, baby," nakangiting "banta" ni Finn.
"You're so aggressive tonight," gulat na komento ni Denim. "You're acting strange, Finn. May problema ba? Nasa age ka na ba na pinu-push ka na ng dugo mo na magparami ng lahi?" Napasinghap siya nang may maalala. "Puwede bang makabuntis ang mga male half-vampire?"
Sinulyapan siya ni Finn, nakataas ang kilay. "Gusto mong i-try natin kung makakabuo tayong dalawa ng little Mancinis?"
Nag-init ang mga pisngi ni Denim. Medyo nabastusan siya kay Finn, pero mas nangibabaw ang pag-aalala niya dahil sa kakaibang kinikilos ng best friend niya. Medyo clingy ito dahil madalas itong natutulog sa tabi niya, pero ni minsan ay hindi pa ito nagsalita ng ganito. Hindi siya papayag na makatulog sa tabi ng lalaki kung alam niyang mamanyakin siya nito. "Y-you're so crass tonight, Finn. What's wrong with you?"
Ngumisi lang si Finn. Pero mabilis ding nawala ang ngisi na 'yon kasabay ng bahagyang panlalaki ng mga mata nito. Pagkatapos ay bigla nitong inapakan ang preno.
Napasinghap si Denim dahil sa biglaang paghinto ni Finn. Mabuti na lang at naka-seatbelt siya dahil kung hindi, malamang ay tumama na ang ulo niya sa dashboard. Pero kahit hindi siya nasaktan, para namang tinatambol ang puso niya dala ng matinding kaba.
"Denim, baby, are you hurt?" nag-aalalang tanong ni Finn sa kanya, nakahawak agad sa mga balikat niya. "I'm sorry. I'm really sorry."
Tumingin si Denim kay Finn. Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha nito, pero siya ang mas nag-alala para rito nang may nakita siyang malaking bulto sa likuran. Bago pa niya masabi sa best friend niya ang nakita niya, umalog na ang sasakyan dahil sa pagsipa ng kung sino o kung ano sa labas.
"Finn Lee Mancini!" galit na sigaw ng pamilyar na boses habang patuloy sa pagsipa sa driver's side.
Nanlaki ang mga mata ni Denim nang makilala ang boses na 'yon. "Eton?"
"Stay here, Denim Blue Benitez," mahigpit na bilin sa kanya ni Finn bago siya nito binitawan, saka ito bumaba ng kotse.
Alam ni Denim na magagalit si Finn kapag bumaba siya ng kotse. Kapag binubuo nito ang pangalan niya, nangangahuluhan lang 'yon na seryoso ito. Kaya pinindot na lang niya ang command para unti-unting tumiklop ang bubong ng sasakyan. Gusto niyang makita ang mangyayari.
Napangiti siya nang makita si Eton na hindi na suot ang nakita niyang uniform nito kanina. He wore a dark jacket now with white T-shirt, maong pants, and his dirty sneakers. Kabaligtaran ng pagiging kaswal nito ang pagiging formal naman ni Finn na naka-dark polo naman.
Parehong nasa harap ng sasakyan sina Eton at Finn na kaharap ang isa't isa. Kaya sa paningin ni Denim na nasa loob ng kotse, naka-sideview ang dalawang lalaki.
They're both good-looking men. They shouldn't be fighting. Kahit anong mangyari, pipigilan ko kapag nagsuntukan na sila. Hindi puwedeng masira ang mukha ng kahit sino sa kanila!
Kitang-kita ni Denim ang mabilis na hinablot ni Eton ang kuwelyo ni Finn. Kahit naka-sideview si Eton mula sa kanya, nakita pa rin niya ang galit sa mukha nito. Samantalang si Finn naman, nanatiling kalmado.
"Nasa'n sila?" galit na tanong ni Eton. "Kapag hindi mo sinabi kung nasa'n sila, papatayin kita!"
Napaderetso ng upo si Denim. Kinilabutan siya sa matinding galit na narinig niya sa boses ni Eton. Ibig sabihin, seryoso ito sa banta nito!
Ngumiti lang si Finn at namulsa. "Sigurado ka ba d'yan, Ethan Albert Rousell? Hindi mo ba nararamdaman ang mga mortal na kasama natin?" Tinuro ni Finn ang van na huminto sa likuran ng kotse. "Just so you know, mga reporter ang audience natin ngayon. Puwede mo ring i-assume na sa mga sandaling ito, naka-record na sa mga camera nila ang nangyayaring ito ngayon."
Nanlaki ang mga mata ni Denim sa gulat. Ah. Ito pala ang plano ni Finn kaya tumawag siya sa mga reporter na hawak niya. Alam ba niyang susugurin siya ni Eton?
Inalis ni Finn ang mga kamay ni Eton sa kuwelyo nito. "Bakit natigilan ka? Hindi mo ba ko pauulanan ng mga icicle mo gaya noon?" Tumango-tango si Finn. "Hindi na siguro dapat ako nagtaka. Ang grupo mo, misyon ang panatilihing lihim ang existence ng mga uri natin. Lalo na ang tungkol sa mga bampira."
Sumigaw si Eton para marahil ilabas ang galit nito. Halata rin sa lalaki ang pagpipigil nitong umatake o ang ilabas ang tunay na anyo.
Napahawak si Denim sa knob ng pinto sa gilid niya. Pero pinigilan niya ang sariling lumabas. Hindi naman siguro sila maglalaban dahil sa mga reporter. Please, Eton. Control yourself.
Kumilos si Eton at biglang nawala sa harap ng sasakyan.
Napasinghap si Denim nang bigla-bigla, nasa gilid na niya si Eton na nakayuko sa kanya habang mahigpit ang pagkakahawak sa hamba ng pinto ng kotse.
Narinig niya ang malakas na pag-ungol ni Finn pero kasabay niyon, may malakas na hangin na lumabas mula sa katawan ni Eton. Sa gilid ng mga mata ni Denim, nakita niyang parang may ipo-ipong nabuo mula sa enerhiyang nakapalibot kay Eton at inatake niyon si Finn na humagis palayo. Muntik na siyang mapapikit dahil sa "hangin" sa paligid ni Eton pero buti na lang, humina rin 'yon.
Napasinghap at napapikit na ng tuluyan si Denim nang sugatan ni Eton ang sariling dibdib gamit ang mahahaba nitong kuko. Mabilis sumirit at umapaw ang sariwang dugo mula sa bukas nitong sugat.
Hindi niya napigilan ang pag-aalala para kay Eton nang makita ang pagtulo ng dugo nito mula sa katawan nito pababa sa parte ng kalsada kung saan ito nakatayo. Parang gripong nakabukas ang nahiwang bahagi ng dibdib ng lalaki sa dami ng dugong lumalabas dito.
"Denim Blue Benitez," mariing pagtawag sa kanya ni Eton, may kasama pang angil, kaya siya nag-angat ng tingin dito. "Ikaw ang sasagot sa mga tanong ko."
Sa pagkagulat ni Denim, bigla na lang umangat ang katawan niya mula sa kinauupuan. The next thing she knew, she was already being carried by Eton like a bride and they were floating in the air.
Nang tumingala siya kay Eton, hindi man nakatingin ang lalaki sa kanya, ay nakaramdam pa rin siya ng kakaibang kaba. Nang tumalon muli ito papunta sa tuktok ng lamppost, napasinghap siya at naipalupot niya ang mga braso sa leeg ng Bloodkeeper. Ang tigas ng katawan nito!
"Denim!"
BINABASA MO ANG
Bad Blood/Bad Romance
Про вампировNangako si Lilac sa sarili na ipaghihiganti ang kamatayan ng kakambal na si Marigold at ng pinagbubuntis nitong sanggol- kahit pa isang makapangyarihan at purong bampira ang kakalabanin niya. Salamat sa mga salamangkerang nagpalaki sa kanya, marunon...