15th Confrontation

2.9K 126 7
                                    

"KAILANGAN ba talagang magpanggap ka pang manager ko?" nagtatakang tanong ni Lilac kay Tyrus na nagmamaneho ng kotse habang nasa passenger seat siya at buong biyaheng binabasa ang mga report na binigay sa kanya ng Bloodkeeper no'ng nakaalis na sila ng mansiyon. "Kaya ko naman ang sarili ko."

Sa kasalukuyan, nagmamaneho si Tyrus at ihahatid siya papunta sa Star Crib. Ngayong araw niya kakatagpuin si Lorraine Dy, ang general manager ng acting agency para sa contract signing. Ipapaliwanag na rin daw nito ang mga project na nakahain na para sa kanya bilang pinakabagong talent ng kompanya.

Sa totoo lang, hindi pamilyar si Lilac sa Star Crib at wala sana siyang balak tanggapin ang offer. Ang target niya kasi ay sa mismong management ng BBS Network pumasok at hindi sa kung anong acting agency. Pero habang kausap niya sa phone si Miss Dy, sinenyasan siya ni Tyrus na pumayag.

No'ng tinanong niya si Tyrus kung bakit kailangan niyang tanggapin ang offer, nilayasan lang siya ng lalaki para makipag-meeting sa squad nito. Pero ngayon ay nasa hawak na niyang mga papeles ang kasagutan sa tanong niya. May kinalaman pala sa kaso ni Marigold ang Star Crib.

"Sinabi ko na sa'yong isang malaking front lang ang pagiging acting agency ng Star Crib at ang totoo, ginagamit lang 'yon para makuha ang mga tulad mong espesyal na mortal," paliwanag ni Tyrus sa pantay na boses, deretso lang sa kalsada ang tingin. "Alam na ng mga kalaban ang koneksyon niyo ni Marigold at alam naman na din nilang protektado ka naming mga Bloodkeeper. Mas mabuti na 'yong kasama mo ko sa lahat ng oras para hindi nila kami masalisihan."

Tumango-tango lang si Lilac, saka niya sinara ang binabasa niyang folder. Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Hindi niya gusto ang nalaman niya tungkol sa Star Crib at sa mga Benitez. "Imposibleng pumayag si Marigold na gamitin siya bilang dummy ng ganitong klaseng kompanya." Nilingon niya si Tyrus nang may maalala siya. "Disoriented pa ko pagkatapos nang nangyari kay Marigold kaya hindi kita masyadong inintindi noon. Pero no'ng nasa ospital ako before, sinabi mo bang nagpanggap na mga pulis ang squad mo dahil may gusto kayong malaman tungkol sa business ni Marigold. Ang Star Crib ba ang sinasabi mo that time?"

"Oo," sagot ni Tyrus. "Sa nakalap naming impormasyon, si Marigold daw ang presidente ng Star Crib."

Matigas na umiling si Lilac. "Malakas ang kutob ko na hindi niya alam ang tungkol sa Star Crib. Masyado siyang busy bilang executive producer sa BBS para ma-involve sa isang shady acting agency. Maniwala ka sa'kin, Tyrus. Hindi makikipagsabwatan ang kakambal ko sa bampira niyang fiancé para ipahamak ang mga kapwa niya mortal, lalo na ang mga babae."

"'Yon ang aalamin natin, Lilac," maingat na sagot ni Tyrus. "Kaya nga tatanggapin mo ang offer ng Star Crib. Kapag nando'n ka na, malalaman na natin kung ano ang ginagawa nila sa mga tulad mo. Habang talent ka ng acting agency na 'yon, aalamin din natin ang koneksyon nila kay Miguel Lorenzo Benitez o kay Finn Lee Mancini. That's our mission." Sinulyapan siya ng lalaki bago ito nagpatuloy. "If it gets too dangerous, we'll pull you out of this mess. I'll buy out your contract so you can be free from the agency."

Bumuga ng hangin si Lilac. Tinukod niya ang siko sa windowsill at nangalumbaba. "May isa pa sana akong gustong gawin, Tyrus."

"Ano 'yon?"

"Gusto kong mapalapit kay Finn."

"No, I won't let that happen," mariing sagot ni Tyrus. "Kung meron ka mang nilalang na dapat layuan, si Finn Lee Mancini 'yon. Gusto ka niyang makuha, Lilac. In fact, hindi na ko magugulat kapag nalaman nating ang traidor pala na 'yon ang totoong nagpapatakbo ng Star Crib. Kahit na natuklasan ng squad ko na ang mga Benitez at si Cerise Alessandra Stratton ang pinagsisilbihan ni Finn, malaki pa rin ang posibilidad na si Magnus Cadmus Stratton din ang nagpapagalaw sa kanilang lahat."

Bad Blood/Bad RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon