Chapter 48

3.1K 65 0
                                    

"WHAT? Umalis na naman si Odie sa Tee House kahit working hours pa?"

"Yes, Sir. Hindi naman po nabanggit ni Ate Odie kung saan siya pupunta."

"Oh, okay. Thanks."

Nakahinga nang maluwag si Odie nang marinig ang pag-alis ni Tazmania. Nakokonsiyensiya siya na inutusan niya si Daisy na magsinungaling sa binata, pero kailangan na niyang iwasan si Tazmania, kaya kailangan niyang magtago.

Napabuntong-hininga siya. Alam niyang mali ang kanyang ginagawa, pero iniiwasan lang naman niyang maulit ang naging pagkakamali niya noon.

Dalawang taon na ang nakalilipas, hinayaan ni Odie ang sarili na mapalapit kay Tazmania kahit magulo pa ang kanyang damdamin. Ang nangyari tuloy, nabigyan niya ng maling pag-asa ang binata, at nasaktan niya ito nang husto.

Hindi niya puwedeng bigyan uli ng puwang si Tazmania sa buhay niya, lalo't kung siya mismo ay hindi alam kung ano ang nangyayari sa kanya.

Puwedeng sabihin ng ibang tao na maarte si Odie, na duwag siya at walang lakas ng loob gumawa ng desisyon. Pero hindi naman naranasan ng mga taong iyon ang naranasan niya. Namatay ang lalaking mahal na mahal niya. Nakilala niya si Tazmania nang panahong nagluluksa pa siya.

At higit sa lahat, nabansagan siyang masamang babae nang kumalat ang pagiging malapit niya kay Tazmania gayong isang taon palang mula nang nawala si Pluto noon. Hindi lang siya nasaktan. Nasira din ang pagkatao niya. Sa totoo lang, na-trauma siya dahil sa karanasan niyang iyon. Pakiramdam niya kasi, parating may mga matang nakatingin sa kanya, sumusubaybay, at humuhusga.

Sa pagiging malapit uli nina Odie at Tazmania sa isa't isa, pakiramdam niya bumalik siya sa nakaraan—natatakot mahusgahan ng mga tao. Kahit pa sabihing panibagong dalawang taon na ang lumipas, hindi pa rin niya maalis ang makaramdam ng pagkailang sa mga sasabihin ng ibang tao, lalo na ang pamilya ni Pluto.

Pakiramdam kasi niya, kung magkakaroon man ng patutunguhan ang relasyon nila ni Tazmania ngayon, parang pinatunayan na rin niyang tama ang mga tao noon—na hindi siya naging tapat kay Pluto.

Isang takot ang gumising sa diwa ni Odie, pagkatapos ay sumalubong sa kanya si Daisy na bakas sa mukha ang pag-aalala. "Ate Odie, umalis na si Sir Tazmania."

"Oh, okay. Thanks, Daisy. Pasensiya na kung kailangan mo pang magsinungaling kay Tazmania," apologetic na sabi niya.

"Okay lang, Ate Odie. Alam ko namang may dahilan kayo," nakangiting sabi ni Daisy. "Ay, Ate, tumawag pala si Sir Garfield. Agahan mo raw ang uwi para makapag-family dinner daw kayo. Naka-off daw kasi ang cell phone mo."

"Okay. Anything else?"

Lumapit si Daisy, pagkatapos ay inilapag sa mesa niya ang isang maliit na box na may malaking pink na ribbon. "Happy birthday, Ate Odie."

Nagulat siya, hindi makapaniwalang sa kakaiwas niya kay Tazmania ay nakalimutan niyang birthday niya nang araw na iyon.

Natawa nang mahina si Daisy. "Sabi ko na nakalimutan mo, Ate. Ikaw talaga."

Nag-init ang mga pisngi ni Odie sa pagkapahiya. Pero napangiti na rin siya dahil sa pagiging thoughtful ni Daisy. "Oo nga, eh. Salamat, Daisy."

"Walang anuman, Ate Odie," nakangiting sagot ni Daisy, saka magalang na nagpaalam para bumalik sa ibaba.

Nang mapag-isa ay binuksan ni Odie ang regalo ni Daisy. Napangiti siya nang makitang kuwintas na may pendant na Eiffel Tower ang nasa loob ng maliit na kahon. Alam talaga ng tauhan niya ang mga bagay na kinahihiligan niya.

Dahil birthday naman niya, naisipan niyang mag-half day na lang sa trabaho at magliwaliw mag-isa nang makapagtago na rin kay Tazmania. Nagpaalam siya kina Sylvester at Daisy na binati uli siya "happy birthday" bago siya umalis.

Gusto sana niyang tawagan si Garfield para batiin din, pero kapag binuksan niya ang phone niya, siguradong papasok lang ang mga text at tawag ni Tazmania. Mamaya na lang niya babatiin ang kakambal, kapag nasa bahay na siya.

Naghihintay si Odie ng taxi nang may kung sinong humawak sa mga balikat niya. Napasinghap siya sa gulat. At kinabahan nang maisip na baka si Tazmania iyon, hinintay na lumabas siya sa Tee House para hulihin.

"Found ya, Odie."

Kumunot ang noo ni Odie nang makilala ang pamilyar na boses. Pumihit siya paharap, at nanlaki ang mga mata niya nang sumalubong sa kanya ang lalaking kamukha ni Pluto. Only, he looked younger. Isang tao lang ang pumasok sa isip niya. "Python?"

"Yes, it's me." Niyakap siya ni Python sa kanyang pagkagulat. "Happy birthday, Odie."

gawaSIW;

Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon