Chapter 51

3.5K 71 0
                                    


HILA-HILA ni Odie si Tazmania palabas ng bahay. Bago sumara ang pinto sa likuran niya, nakita pa niyang inakbayan ni Oreo si Python na para bang pinipigilan ang huli na sumunod sa kanila ni Tazmania sa hardin, kung saan gusto niyang palamigin ni Tazmania ang ulo nito. Mukha kasing handa na talaga si Tazmania na sapakin si Python kanina.

Nang nasa tapat na sila ng swing, binitawan ni Odie si Tazmania, at pumihit paharap sa binata na nakasimangot pa rin. Namumula ang pisngi nito, pero hindi niya alam kung dahil sa galit o dahil sa kalasingan. O puwede ring pareho.

Humalukipkip si Odie at pinaningkitan ng mga mata si Tazmania. "Bakit mo naman pinagbantaan 'yong bata?"

Nagtagis ang mga bagang ni Tazmania, saka nag-iwas ng tingin. "Sa tingin mo, kakalma ako pagkatapos kong marinig na may balak ang batang 'yon na gawin kang asawa?"

"Baka naman hindi seryoso si Python. Hindi mo na sana pinatulan."

"Lalaki rin ako, Odie. Alam ko kung kailan seryoso at kung kailan nagbibiro ang kabaro ko. That kid is serious about marrying you!"

Nakagat ni Odie ang ibabang labi. Wala siyang masabi para madepensahan si Python dahil kahit siya mismo ay hindi alam kung ano ang pumasok sa isip ng batang iyon. Alam niyang binilin ni Pluto sa kapatid na alagaan siya kapag nawala na ang una, pero hindi niya akalaing seseryosuhin iyon ni Python at balak pa nitong pakasalan siya para lang matupad ang pangako sa kapatid.

Mukhang matagal nang nananahimik si Odie dahil bumakas ang guilt sa mukha ni Tazmania. Bumuntong-hininga ito pagkatapos ay kumalma na ang histura.

"I'm sorry, baby," nagsisising sabi ni Tazmania, saka siya hinawakan sa magkabilang balikat. "Hindi ko sinasadyang masigawan ka. It's just that I got scared."

Nakatulong yata ang ginagawa ni Tazmania na pagtaas-baba ng kamay sa mga braso ni Odie dahil kumalma rin siya. "Bakit ka naman natakot?"

Nang titigan si Odie ni Tazmania sa mga mata, nakita nga niya ang takot sa mga mata ng binata. Isang kahinaan na hindi niya inaasahang ipapakita nito. "Kamukha ng batang 'yon si Pluto. Natakot ako na baka makita mo si Pluto sa kanya at siya ang piliin mo kaysa sa 'kin. Natakot ako na maagaw ka niya sa 'kin. And yes, I got really jealous when I saw you in his arms. Ayokong makitang may ibang lalaki na yumayakap sa 'yo."

Gustong aluin ni Odie si Tazmania, pero pinigilan niya ang sarili niya. Bigla kasi siyang nakaramdam ng takot sa nakita niyang pagmamahal sa mga mata ng binata. Mukhang mahihirapan na siyang kumbinsihin na hindi siya nito mahal.

"Odie, iniiwasan mo ba 'ko?" naghihinanakit na tanong ni Tazmania, puno naman ng sakit ang mga mata nang mga sandaling 'yon.

"Huh?"

"Akala mo ba hindi ko alam na nasa Tee House ka lang tuwing pinupuntahan kita at sinasabi ng mga tauhan mo na wala ka? Hindi na lang ako pumalag dahil ayokong isipin mo na pinipilit ko ang sarili ko sa 'yo. Kaya nga nagtiis ako, dahil alam kong magkikita naman tayo dito sa hinanda naming birthday surprise sa 'yo. Pero hindi ko inaasahang may kasama ka."

"Tazmania..."

Idinikit ni Tazmania ang noo sa noo ni Odie. "Tell me what's wrong, baby. Bakit mo 'ko iniiwasan? May nagawa ba 'kong mali? Nagtatampo ka dahil inuna kong samahan si Monique kaysa sumipot sa date natin?"

"Of course not! Paano mo naman naisip na magtatampo ako dahil lang mas inuna mo 'yong mag-ina na mas kailangan ka?"

Tazmania smiled apologetically. "Sorry, baby. Hindi ko na kasi alam ang iisipin..."

Dumb Ways To Love COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon