TAMARA DILUMAQUE's POV ***
MALUNGKOT kong tinitigan si amang habang nakahiga sa kahoy naming higaan. Hindi ko man lang sila mabigyan ng magandang buhay. Siguro ay wala talaga akong maitutulong sa kanila.
"Tamara, a-anak. P-pagbutihin mo a-ang iyong pag-aaral. I-iyon na lamang a-ng tanging maipapana n-nmin sa iyo ng i-iyong i-inang," nahihirapang sambit ni Amang.
Hinawakan ko ang kanyang kamay. "Huwag na po kayong magsalita, Amang. Makakasama ho sa inyo 'yan," pagpigil ko sa kanya.
Malungkot lamang siyang ngumiti sa akin. Tumulo rin ang luha mula sa kanyang mga mata na siyang nagpaiyak din sa akin. Hindi ko kayang makita silang nahihirapan. Kung magagawa lang sana ako para maibsan ang hirap at sakit na nararamdaman nila. Pero ang tangi kong nagagawa lamang ay ang umiyak.
"Tamara, balita ko ay nangunguna ka raw sa klase ninyo?" nakangiting sabi ni Inang.
"Opo, Inang. Tatlo lang naman po kaming estudyante at huminto na po 'yong kaklase namin ni Lourdes."
"Pumapangalawa naman pala si Lourdes. Ang galing niyo talagang dalawa."
"Salamat po. Gagawin ko po ang lahat upang mai-ahon ko lang kayo sa hirap."
Ngumiti silang dalawa ni Amang at Inang sa akin. Napangiti na rin ako.
"Tamara!" Napatalon ako nang dahil sa sigaw ni Lourdes. Mayamaya ay bumungad sa amin si Lourdes na may hawak na papel.
"Ano 'yan? Bakit ka may hawak na papel?" tanong ko.
"May maganda akong balita!" aniya sa masiglang boses.
Ibinigay niya sa akin ang hawak niyang papel. Binasa ko naman kaagad iyon.
WANTED: UTILITY CREW. MUST BE A HIGH SCHOOL GRADUATE. WITH PLEASING PERSONALITY.
May kung anu-ano pang nakalagay sa papel na iyon. Ngunit ang tumatak lang sa utak ko ay may trabaho na kaming papasukan ni Lourdes.
"Saan ito, Lourdes?" tanong ko sa kanya.
"Medyo malayo sa atin, Tam, e. Kailangan pa nating lumuwas ng Maynila. Pero maayos naman daw magpasahod. At saka napakalaking trabahuan daw iyan."
Nalungkot ako bigla. Kailangan ko nang trabaho para maipagamot ang Amang. Pero hindi ko yata kakayaning malayo sa kanila.
"S-salamat na lang, Des. Hindi siguro ako makakatuloy sa Maynila. Kailangan ako rito nina Amang at Inang sa bukid. Ikaw na lang muna ang mamasukan."
"A-anak..." tawag sa akin ni Inang. Nilingon ko naman siya habang hawak-hawak ko pa rin ang papel.
"B-bakit po, Inang?"
"Gusto mo bang lumuwas ng Maynila? Hindi ka ba nagsasawa rito sa bukid natin? Masyado ka nang nakulong dito. Panahon na siguro upang tumayo ka na sa iyong sariling mga paa."
"Inang? Kaninong paa ho ba itong ginagamit ko?!" nangangamba kong tanong.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin, anak. Panahon na siguro upang tahakin mo na ang mas malawak na landas. Huwag mo na kaming alalahin ng amang mo. S-sige na. Kung gusto mong lumuwas ng Maynila para sa iyong pangarap. Hindi ka namin pipigilan. Mahal na mahal ka namin, anak."
Napaiyak ako sa sinabi ni Inang. Nakangiting tumango lang din si Amang. Naiintindihan ko sila. Hindi ko man gustong lisanin ang Sitio ay alam kong ito ang makakabuti sa amin. Maraming oportunidad sa Maynila. Higit namas makakatulong ang trabaho doon sa pagpapagamot ko kay Amang.
"Ano, Tam? Sasama ka ba sa aking lumuwas ng Maynila?" biglang tanong ni Lourdes.
"Oo, Des. Sasama na ako. Maghahanap na ako ng trabaho sa Maynila." May pinalidad sa boses ko. Luluwas ako sa Maynila upang magtrabaho, saka ko na siguro ipagpapatuloy ang pag-aaral, kapag nakaluwag-luwag na.
NAKAHANDA na ang gamit namin ni Lourdes. Tig-da-dalawang bag na malaki ang bitbit namin. May dala rin kaming mga prutas na kung sakaling magutom kami habang nasa biyahe ay may makakain kami.
"Mag-ingat kayo doon, ha? Huwag ninyong papabayaan ang isa't isa," bilin ni Inang.
"Opo, Inang. Aalagaan po namin ang mga sarili namin. Pagbalik ko po rito. Maganda na po ako, katulad ni Aling Alexandra."
Nakapag-asawa kasi ito ng negosyante na taga-Maynila. Malaki na ang ipinagbago nito; lalo na ang mukha. Kulay itim pa ang balat nito noon. Ngayon ay kulay gatas na. Halatang mamahalin ang suot nito. De-kotse na rin ito kapag nagbabakasyon rito sa bukid. Kaso naging mayabang at mapagmataas na si Ate Alexandra. Iyon ang hinding-hindi ko gagayahin.
"Mauna na po kami, Tiyang Minda at Tiyong Tomas. Baka gabihin po kami sa daan," pagpapaalam ni Lourdes.
"Sige. Mag-ingat kayo."
Humalik muna ako sa kanila, bago tuluyang umalis. Mabigat ang naging hakbang ko. Parang ayaw ko pang iwanan ang Sitio Pantihan. Dito na ako lumaki at nagka-isip. Paano na lang ang mga alaga kong hayop at ang mga pananim ko rito?
"Bakit ang lungkot mo yata riyan?" tanong ni Lourdes.
"Wala lang ito, Des. Mami-miss ko lang ang bukid."
"Ano ka ba. Babalik naman tayo rito, e. Kailangan lang nating magtrabaho muna sa Maynila para makatulong sa mga pamilya natin. Kaunting tiis lang, Tam."
Tumango ako bilang pag-sang ayon. Tama si Lourdes. Gagawin ko ang lahat para makapag-ipon at para maipagamot ko ang amang. Kaonting tiis lang muna sa ngayon. Babalikan ko rin sila.
"O, dalawa pa! Dalawa pa at lalarga na!" sigaw ng isang lalaki na nasa pintuan ng bus.
"Kami po. Sasakay ho kami!" sigaw ni Lourdes.
Sumakay naman kami. Medyo masikip na sa loob. Pero ayos lang ang importante ay makarating kami sa Maynila.
Magkatabi kami ni Lourdes. Nakatulog siya habang nasa biyahe samantalang ako ay nakamasid lang sa labas. Masyado kong kinakabisado ang nasa paligid. Hindi ako makapaniwalang iiwan ko na ito ngayong araw.
Biglang huminto ang bus na ang ibig sabihin ay may pasaherong bababa. Timing naman na katabi pala namin ang bababang pasahero. Pang-tatluhan kasi ang upuan. Bale, tatlo kaming nakaupo sa likod. Ako, si Lourdes at isang matandang lalaki. Inalalayan ko muna si Lolo na makababa. Halata kasing nahihirapan na ito. Ayaw ko namang istorbohin ang natutulog na si Lourdes.
"S-salamat nga pala sa pagtulong sa akin, hija. Napakabuti mo," pagpapasalamat nito sa akin nang makababa na. Inilalayan ko kasi siya hanggang sa tuluyan na siyang makababa sa bus.
"Wala hong ano man iyon. Mag-ingat po kayo," nakangiti kong sabi.
"Ikaw din, hija. Ano nga pala ang pangalan mo?"
"Ako po si Tamara."
"Ako naman si Zandro. Salamat ulit. Hanggang sa muli, hija!"
"Naku, wala po 'yon. Paano po ba 'yan? 'Balik na po ako. Aalis na po ang bus." Tumango lang si Lolo Zandro. Kumaway pa ito sa akin, habang papaalis na ang bus na sinasakyan ko.