Part 9: Hello, Intruder

11.3K 285 3
                                    

NAPATULALA si Diosa sa gulat nang mabungaran niya sa labas ng pinto ang lalaking nang-agaw ng kama kagabi. Nakaawang pa ang bibig niya nang magtama ang mga mata nila—at wala sa loob na umurong ang dalaga nang makita ang mukha nito. Salubong ang kilay ng lalaki, madilim ang anyo. Parang mananakit ng kapwa—at siya ang malas na magiging biktima.

"Wow," ang nasabi ni Diosa. "Ikaw na ang bigla biglang pumasok sa kuwarto ko, ang nang-agaw ng kama, ang nang-hostage, ikaw pa ang galit sa akin ngayon? Angas mo din, eh, 'no? Pasalamat ka nga, naawa ako sa 'yo! Lango ka sa alak kaya naisip kong patawarin ka na lang. Hindi na kita grinipuhan sa tagiliran kagabi—" napatigil si Diosa nang intentional na bumaba ang titig nito sa katawan niya, parang may hinanap na kung ano. "Ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?"

"Nakita mo ba kagabi ang phone ko?" ang tanong nito na nagpakurap-kurap kay Diosa. Nawawala ba ang cell phone nito at siya ang naisip na kumuha?

"Aba, malay ko sa phone mo!" Siya na nga ang naistorbo ang tulog, ang na-hostage, pagbibintangan pa talaga siyang kumuha ng cell phone?

Bumalik sa mga mata niya ang titig ng lalaki. Sobrang itim pala ang mga mata nito, kaya intense ang dating ng titig. Hinila ni Diosa ang pinto para makalabas na siya. Salamat sa kabaitan ni Macaria, hindi niya kailangang lumabas para maghanap ng makakain. Puno ang refrigerator sa rest house, pati groceries wala rin siyang hahanapin. May Noche Buena basket din na lulutuin na lang niya. Naawa yata ang pinsan na mag-iisa siya sa Pasko, ang busugin na lang ang naisip na solusyon.

"Hoy! 'Wag mo nga akong matingnan-tingnan nang ganyan, lalaki!" hindi na nakatiis si Diosa. Nagdududa at nambibintang yata ang tingin nito. "Bisita ako sa bahay na 'to. Guest. Invited guest! May susi ako, si Maca—si Ariah mismo ang nagbigay! Ilang linggo ako rito at dito rin ako magpapasko!" Tiningnan din niya ito nang masama. "Kung makatingin ka diyan parang ako'ng kumuha ng phone mo, ah? Lango ka po sa alak kagabi! Malamang nahulog 'yon sa kung saan—" hindi na niya natapos ang sasabihin. Tumalikod na si Rohn at nagmamadaling bumaba.

Napailing na lang ang dalaga. Bumalik na siya sa kuwartong inagaw ni Rohn nang nagdaang gabi. Magliligpit muna siya—nahuhulaan na niyang gulo gulo ang kama na iniwan ng lasing na iyon—saka siya magluluto ng almusal. Iisipin na rin niya ang ihahanda sa Noche Buena. Magce-celebrate siyang mag-isa. Hindi sasayangin ni Diosa ang effort ni Macaria na busugin siya.

Mag-iisang oras ang lumipas na nasa loob lang ng kuwarto si Diosa. Nag-aayos siya ng mga damit nang may mag-warning knock. Bumukas ang pinto at pumasok si Rohn. Si Rohn na bagong ligo na, shorts at sando lang ang suot—parehong puti. Salamat sa sando, nagka-chance siyang masilip ang ka-macho-han ng lalaki.

Wow ang biceps!

At ang kulay ng balat, lalaking lalaki! Kayumangging sunog. 'Yong tipo ng skin na halatang hindi peke. Parang bunga ng pagbababad sa araw. Pantay na pantay ang kulay ng balat nito. Kung 'wow' ang biceps, mas wow ang balikat—ang lapad!

Nag-iimbita ng sandal, teh!

Napatingin na lang si Diosa sa lalaki. At napalunok nang ma-realize na napansin nito ang pagtitig niya. Wala namang reaksiyon si Rohn. Blangko ang mukha.

"Naiwan sa living room," si Rohn, kinuha mula sa bulsa ang cell phone. Si Diosa naman ang hindi nag-react. Tiningnan lang niya ang lalaki bago ibinalik ang atensiyon sa ginagawa. Nagtutupi siya ng mga damit na inilabas niya mula sa bag. "Yosah ang pangalan mo?"

Tumigil ang mga kamay ni Diosa, napatingin kay Rohn. Mukhang nakausap na nito ang mag-asawang Ariah at Floro kaya alam na ang pangalan niya.

"Mag-pinsan kami ni Ariah," sabi na lang ni Diosa. Binawi agad niya ang tingin. Nakakatukso kasing titigan ang katawan nito. Baka makahalata ang lalaki. Isa pa, hindi siya dapat tumititig sa lalaking may girlfriend kahit pa nga macho talaga. Mas maganda na ang nag-iingat sa tukso. "Susi niya ang nasa akin. May isa pa daw na may hawak ng susi. Ikaw si Rohn?"

Tumango ito. "Rohn Vientez."

"Diosa Mahinhinon," si Diosa naman, ngumiti siya kahit mukhang hindi marunong ngumiti si Rohn. "Yosah na lang. Hinostage mo ako kagabi, 'di mo naalala?"

Tiningnan lang siya ni Rohn. Matagal. Mayamaya ay: "Wala akong maalala kagabi. May ginawa pa ba akong 'di dapat? Sinaktan kita?"

Ah, wala nga itong maalala sa nangyari nang nagdaang gabi.

"Wala naman. Pagkatapos mo akong i-hostage, nakatulog ka na..." pinagaan ni Diosa ang tono. "Muntik nang mabali ang mga buto ko kagabi sa higpit ng hawak mo pero dahil magpapasko naman, patatawarin na lang kita."

Hindi umimik si Rohn, tiningnan lang siya. Walang kahit anong emosyon na mababasa sa mukha nito. Naiintindihan na ni Diosa ang ibig sabihin ni Macaria tungkol sa pagiging 'Taong-bato' ni Rohn.

Hindi na siya nagulat nang walang salitang lumabas ng kuwarto ang lalaki.

Pero dahil mabait na housemate si Diosa, pang-dalawang tao pa rin ang inulto niyang almusal. Hindi nga lang niya hinintay na bumaba si Rohn. Kumain siyang mag-isa o magugutom lang siya sa kahihintay. Pag-akyat niya, saka kinatok ni Diosa si Rohn sa kuwarto nito.

"May almusal sa 'baba," sabi niya sa magaang tono. "Kung gusto mo lang."

Tahimik na tingin at simpleng tango lang ang sagot ni Rohn. Curious man, hindi na inalam ni Diosa kung kumain o hindi si Rohn. Nag-lock siya ng kuwarto at natulog. Ang Noche Buena ang inisip ni Diosa bago tuluyang nakatulog...

Rohn (The heartbroken Ex)PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon