PART 6

4.4K 131 5
                                    


TINITIGAN ni Mikki ang kumukulong sabaw ng niluluto niyang nilagang baboy. Gaya ng bilin ni Rafhael ay bumili siya ng cookbook nang hapong iyon nang mag-grocery siya. Muntik pa siyang maligaw patungo sa talipapa. May maliit na shopping mall doon kung saan siya bumili ng banig, kumot at unan na gagamitin niya sa pagtulog. Luma na ang mga kama roon kaya kaysa mangati siya ay sa banig na lamang siya mahihiga. May bookstore din doon kaya nakabili siya ng cookbook. Sinunod niya ang bawat detalye ng instructions sa recipe kaya alam niyang maayos na ang lasa ng niluluto niya.

Hindi siya makapaniwalang kailangan niyang pagsilbihan ang lalaking iyon. Nagligpit siya ng pinagkainan at naghugas ng pinggan kanina. She would be doing those things for a week or more.

Naisip niya ang totoong caretaker ng bahay na iyon. Paano kung biglang dumating ito? Kung darating ito, kailangang siya ang unang makakita rito. Paaalisin niya ito upang hindi makita ni Rafhael at hindi malaman ng binata ang tungkol sa ginagawa niya. Ngunit paano kung si Rafhael ang unang makakita sa caretaker? Kapag nagkataon ay mabubuking siya nito. Ano ang idadahilan niya kung bakit kinailangan niyang magpanggap bilang caretaker at ano ang totoong pakay niya sa lumang mansiyon?

Kung bakit naman kasi hindi niya napaghandaan ang ganoong bagay. Hindi niya naisip na maaari palang may nakatira na sa ancestral house na matagal nang walang nakatira ayon sa don. Hindi niya naisip na ipinamana na iyon sa isa sa mga descendant nito.

Mamayang gabi, kapag tulog na si Rafhael ay bababa uli siya sa basement upang kunin ang diary at maghanap ng mga gamit na maaaring may kaugnayan kay Don Jose. Sisimulan na niya ang misyon niya para kung magkabistuhan ay makuha na niya ang lahat ng kailangan para sa kanyang pagte-treasure hunt.

"Luto na ba ang ulam?"

Napapitlag siya sa pagkagulat at nabitiwan ang sandok na hawak. Hindi iyon dahil sa pagkabigla kundi dahil sa kamay na tumapik sa pang-upo niya. Tsinansingan siya ng walanghiya! Marahas ang ginawa niyang paglingon dito.

Tumawa ito. "Magugulatin ka pala."

Nagtagis ang mga bagang niya. Wala pang lalaking nambastos sa kanya nang ganoon. Kinuha niya ang kamay nito at pinilipit ang braso nito. Napangiwi at napahiyaw ito sa sakit. Pinakawalan din kaagad niya ito, saka dumistansiya rito. Taas-noong sinalubong niya ang galit sa mga mata nito.

"Shit! That hurt," asik nito habang hawak ang nasaktang braso.

"Dapat lang sa 'yo 'yan dahil bastos ka."

Sa inis niya ay unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi nito. "Interesting."

"Ano?" naguguluhang tanong niya.

"You are very interesting. Wala pa akong nakikilalang babaeng kasing-astig mo."

"'Wag na 'wag mo na uling gagawin sa akin 'yon. Kung hindi ay hindi lang 'yan ang aabutin mo." Hindi lang dapat ganoon ang inabot nito sa kanya kung hindi lamang niya kailangang manatili sa bahay na iyon.

"Sweet," he said, grinning.

Dapat pa rin siguro siyang magpasalamat dahil hindi siya pinalayas nito sa kabila ng ginawa niyang pananakit dito. But he touched her butt, dammit! Hindi niya mapapatawad ito sa pambabastos na ginawa nito sa kanya. Babawi siya rito isang araw, kapag natapos na niya ang misyon sa bahay na iyon.

Treasure In Your Heart - (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon