PART 5

4.8K 146 0
                                    



"BY THE way, I'm 'Rafhael.' Ano nga pala'ng pangalan mo?"

Inilapag ni Mikki sa malaking dining table ang bowl ng pork adobo na niluto niya.

"'Mikki,'" tugon niya. Pinagsisihan kaagad niya ang pagsasabi ng totoong pangalan dito. Nagpapanggap nga pala siya at dapat na ibang pangalan ang gamitin niya pero huli na ang lahat.

"Mickey as in Mickey Mouse?"

"M-I-double K-I."

"Miki. As in miki bihon?" tanong nito habang kumukuha ng ulam.

"Ang sabi ko, double K."

"Mikki. Funny name," nakangising sabi nito.

"Thanks," nakaingos na sabi niya.

Nagsimula itong sumubo ng pagkain. Ibinuga kaagad ng lalaki ang isinubo. "Anong klaseng pagkain ito?" Tila gulat na gulat ito sa nalasahan.

"Hindi ako marunong magluto," bale-walang sabi niya. Ano ba ang alam niya sa pagluluto? Mas interesado siyang makipagbakbakan at magkasa ng baril kaysa magluto. Pagpiprito lang ang alam niyang luto.

Lumarawan ang inis sa mukha nito. "Hindi ka marunong magluto? Anong klaseng caretaker ka?"

"Caretaker nga ako at hindi maid. Ang trabaho ko lang ay linisin at tingnan ang bahay na ito."

Nagtagis ang mga bagang nito. "Bakit hindi mo agad sinabi?"

"Sasabihin ko sana kanina kaya lang ay tinalikuran mo na ako."

"You're impossible. Baka kahit pagpiprito, hindi mo pa alam."

"Kaya ko naman 'yon."

"Thank God for that. Ipagprito mo na lang ako ng kahit ano. At bilisan mo."

Mayamaya pa ay naghain uli siya. Hot dogs at itlog ang inihain niya.

"'Looks like I'll be eating breakfast three times a day," nayayamot na sabi nito.

Tumalikod siya. Ang balak niya ay tunguhin ang basement habang abala ito sa pagkain pero tinawag siya nito bago pa man siya makalabas ng dining room.

"Saan ka pupunta?" tanong nito.

"Ah... kakain sa kusina."

"Dito ka na kumain. Sabay na tayo."

"Kakain tayo nang sabay? Hindi naman yata tama 'yon. Boss kita at caretaker lang ako," pagdadahilan niya.

"Well, hindi ako matapobreng amo," nakangising sabi nito.

Napilitan siyang sundin ang gusto nito. Kumuha siya ng plato at baso at kumain kasabay nito.

"Ilang taon ka na?" tanong nito habang ngumunguya.

"Twenty-six."

"Three years lang pala ang tanda ko sa 'yo. Hindi ka mukhang typical na probinsiyana. The way you dress and talk and act, mukha kang may pinag-aralan at hindi bagay sa 'yo ang maging isang caretaker."

"Ang nanay ko ang totoong caretaker dito. May sakit siya kaya pinakiusapan niya ako na ako muna ang mag-relieve sa kanya," pagsisinungaling niya.

"I see. Mabuti na nga lang at dumating ka kahit nakalimutan kong ipa-contact ang nanay mo kay Attorney Silvestre para magsilbi sa akin."

Sa sinabi nito ay napanatag siya. Wala naman pala talaga itong inaasahang caretaker na darating. Ibig sabihin ay puwede siyang magpanggap na caretaker nito kahit hanggang isang linggo.

Treasure In Your Heart - (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon