NAPANGITI si Mikki nang masilayan ang makapal na diary ni Don Jose.
Jose Archanghel. Iyon ang nakasulat sa unang pahina ng diary. Binuklat niya iyon at hinanap ang petsa at taon. Huminto siya sa isang pahina. 1870. Iyon ang taong sinabi ni Don Tiburcio kung kailan ibinaon ni Don Jose sa kung saan ang isang baul ng kayamanan. Treinta y sais anyos si Don Jose nang mga panahong iyon. Dalawang taon pa lang itong naikakasal sa asawang si Criselda. Isang taon pa lang ang anak na lalaki nito.
Napatingin siya sa hagdan sa di-kalayuan. Bago siya bumaba roon ay siniguro niyang tulog na si Rafhael. Kinatok pa niya ang kuwarto nito upang makasiguro. Walang nagbukas kung kaya ginawa na niya ang plano.
Binuklat ni Mikki ang diary nang buong pananabik. Puno iyon ng sulat. She skimmed through the pages. Hinanap niya ang partikular na pahina kung saan itinala ni Don Jose ang tungkol sa kayamanang itinago nito. Pagkalipas ng ilang sandali ay nakita na niya ang pahinang hinahanap. Inilipat niya sa gitna ng pahinang iyon ang ribbon string na nagsisilbing bookmark ng diary.
Habang nasa Europa ang aking ama at ang kanyang pangalawang asawa ay ginawa ko ang aking plano. Itinago ko ang isang malaking baul ng ginto at mamahaling mga bato at iniwan ang tatlo. Sa tingin ko ay hindi kasalanan ang aking ginawa sapagkat inilayo ko lang ang mga iyon sa kamay ng ganid kong madrasta. Nakasisiguro akong sa sandaling pumanaw ang aking ama ay kakamkamin niya nang buong-buo ang kayamanan ng aming angkan. Si Papa ay baliw na baliw sa babaeng iyon. Itinago ko iyon sa isang lugar na hindi magagawang matunton ng kanilang isip. Imposibleng madiskubre nila ang kinaroroonan niyon. Itinago ko iyon sa lugar na aking pinakamamahal noong ako ay paslit pa. Isang lugar na hindi kayang pagtagalan ng kahit sino man. Ang lugar na naging bahagi rin ng aking unang pag-ibig—
Isang kamay ang marahas na umagaw sa diary na hawak ni Mikki. Nanlaki ang mga mata niya nang malingunan niya si Rafhael. Nakatutok sa kanya ang baril na hawak nito. Napatayo siya.
"Bakit kailangan mo akong tutukan niyan?" tanong niya, hindi nagpahalata ng pagkabahala sa sitwasyon.
"Actually, this is your gun. I found it in your bag," seryosong wika nito.
"Pinakialaman mo ang gamit ko?"
"Because you're a liar. Hindi ka anak ng caretaker. Pumunta siya rito kanina habang naghuhugas ka ng pinggan sa kusina."
She was busted. Napakabilis naman niyang mabuko. "Ibaba mo ang baril. Magpapaliwanag ako."
"Ano na namang kasinungalingan ang sasabihin mo, Mikkaela de Guzman?"
Nakita rin nito ang kanyang ID sa NEPSA dahil iyon lang ang bitbit niyang identification card. Alam na nito na isa siyang bodyguard mula sa isang sikat na security agency.
"Ano ang pakay mo rito at bakit kailangan mong magpanggap?"
Napipilan si Mikki. Sasabihin ba niya ang totoo? Kapag sinabi niya kay Rafhael iyon ay baka hindi siya nito hayaang hanapin ang kayamanan dahil wala siyang karapatan doon. Baka pag-interesan nitong hanapin iyon. Baka itago nito ang diary at hindi na siya papasukin sa mansiyong iyon kahit kailan.
Tiningnan nito ang diary. "A diary? Diary ni Don Jose Archanghel? Ito ba ang pakay mo rito? Ang magbasa ng diary ng ibang tao, ng isang taong matagal nang patay? Anong kalokohan ito?"
Wala siyang maisip na idadahilan dito at ayaw na rin niyang magsinungaling pa. Ano't anupaman ang idahilan niya ay alam niyang hindi paniniwalaan ng lalaki. She might as well tell the truth. Baka naman hindi siya palayasin nito kung sasabihin niyang may basbas ng lolo nito ang ginagawa niya.
BINABASA MO ANG
Treasure In Your Heart - (COMPLETED)
RomanceMikki loved adventures. Nasubukan na yata niya ang lahat ng klase niyon. Isa na lang ang hindi pa niya nagagawa-treasure hunting. Kaya nang sabihin sa kanya ni Don Tiburcio Archanghel ang tungkol sa kayamanang ibinaon ng great-grandfather nito sa is...