PROLOGUE

13.8K 268 1
                                    




NANLAKI ang mga mata ni Mikki nang marinig niya ang sinabi ni Don Tiburcio. Ngumiti ito. Siguro ay dahil sa naging reaksiyon niya sa sinabi nito.

"Totoo ba 'yan, Lolo?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Lolo" ang tawag niya rito dahil iyon ang gusto nito. Ayaw rin ng matanda na pinopopo ito. Halos isang taon na rin siyang parating nasa tabi ni Lolo Tiburcio bilang isa sa tatlong bodyguards nito. Minsan nang may nagtangkang kumidnap dito kaya kumuha ito ng maraming bodyguards. Siya lang ang nag-iisang babae sa mga pumoprotekta rito at siya ang pinakamalapit sa matanda.

"Sa tingin mo ba ay nagsisinungaling ako, hija?" nakangiting tanong nito.

"Hindi gano'n ang ibig kong sabihin. Baka kasi nagbibiro lang kayo." Minsan kasi ay binibiro siya ng don.

"Totoo ang sinabi ko, Mikki. Totoong one hundred thirty-eight years ago ay may ibinaon ang lolo ng papa ko na isang malaking baul na naglalaman ng gold bars at mga precious gems sa isang lugar na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung saan. Isa lamang iyon sa mga baul ng kayamanang nakuha ng lolo ni Lolo Jose mula sa isang matagumpay na treasure hunting sa isang shipwreck sa Pacific Ocean."

"Bakit? Paano nangyaring may ibinaon siyang kayamanan sa isang lugar na hindi alam ng kahit sino sa pamilya?"

"Ang totoo ay ako lang ang nakakaalam ng tungkol sa kayamanang iyon na isandaan at tatlumpu't walong taon nang nawawala. Si Lolo Jose, ang great-grandfather ko ang nagbaon n'on sa kung saan. Biglaan ang naging pagkamatay niya kaya siguro walang nakaalam na may itinago siyang kayamanan. I don't think his wife, his only child, and their descendants know about the hidden treasure. Nalaman ko lamang ang tungkol doon dahil natagpuan ko ang lumang diary ni Lolo Jose sa ancestral house na napunta sa akin nang mamatay ang papa ko."

"Hindi niya sinabi sa diary kung saan niya ibinaon ang mga kayamanan?"

"Obviously. Dahil kung sinabi niya ay matagal nang napasakamay ko 'yon."

"Wala man lang clue?"

"Ang sinabi niya lang doon ay kung bakit niya itinago ang kayamanang iyon."

"Bakit daw?" curious na tanong niya.

"Kinuha niya raw iyon at itinago mula sa kanyang madrasta."

"Nakaw pala ang kayamanang 'yon!"

"No. Nang mag-asawang muli ang kanyang ama ay salbahe at ganid ang naging madrasta niya. Baliw na baliw raw dito ang ama niya. Tila sa madrasta na lang niya umiikot ang mundo nito na maging siya na nag-iisang anak nito ay kinalimutan na nito. Nang makasagutan niya isang araw ang kanyang madrasta ay ito ang pinanigan ng kanyang ama. Dahil sa sama ng loob ay kinuha niya nang lingid dito ang ilan sa mga kayamanan ng angkan dahil nakinita na niyang sa oras na mawala ang kanyang ama ay kakamkamin lang ng kanyang madrasta iyon.

"Nagbakasyon sa ibang bansa ang mag-asawa nang mga panahong iyon. Ilang araw nang nakabalik ang mga ito, saka lang nalaman ng mga ito ang pagkawala ng mga kayamanan. Nang hanapin iyon ng kanyang ama at madrasta sa kanya ay hindi siya umaming siya ang kumuha ng isa sa mga baul ng kayamanan na nasa isang silid na napakaraming kandado. Alam niyang lihim siyang pinaimbestigahan ng mga ito. Pinasundan ng mga ito ang bawat puntahan niya. At dahil hindi na siya bumalik sa lugar na pinagbaunan niya ng kayamanan ay hindi napatunayan ng kanyang ama at madrasta na siya nga ang nagpuslit n'on."

Napatango-tango siya. "Paano n'yo nasiguro na nando'n pa rin 'yong kayamanang ibinaon ng great-grandpa n'yo at wala pang nakakakuha n'on?"

"Malaki ang posibilidad na naroon pa rin iyon kung saan man iyon nakabaon. Ang sabi kasi niya sa diary ay mahirap matunton ang lugar na iyon kaya imposible raw na may makadiskubre n'on."

"Kailan n'yo sinubukang matunton ang kinaroroonan ng kayamanan?"

"Hindi ako nagtangkang hanapin iyon. Fifty years old na ako nang makita ko ang diary at malaman ang tungkol sa kayamanang iyon. Wala na akong lakas para mag-treasure hunt. Isa pa ay napakalaki ng minana ko mula sa lolo at papa ko, hindi ko na kailangan ang kayamanang iyon. Baka magsayang lang ako ng pagod at oras kung hahanapin ko iyon. Mas pinili ko na lang ilaan ang pagod at oras ko sa pagtatrabaho at pagpapalago ng mga negosyo ko kaysa suungin ang isang bagay na walang kasiguruhan."

Napatingin siya sa pinto ng library sa mansiyon nito. "Sinabi mo rin ba kina Ram at Ron ang tungkol dito?" tanong niyang ang tinutukoy ay ang dalawa pang bodyguards nito.

Umiling ito. "Sa 'yo ko lamang sinabi ang tungkol dito. Wala akong pinagsabihang iba. Kahit sa asawa ko at mga anak o ibang mga kamag-anak ay hindi ko sinabi ang tungkol sa nawawalang kayamanan ng aming angkan."

"Bakit?"

"Dahil hindi na mahalagang malaman nila 'yon."

Kumunot ang noo niya. "Bakit sa akin n'yo lang sinabi?"

Ngumiti ang matanda at ibinalik ang paningin sa binabasa nitong libro. "Hindi ko alam. Basta ko na lang naisipang sabihin sa 'yo ang tungkol doon. Marahil ay dahil dito sa binabasa kong libro."

Isang fiction book tungkol sa treasure hunting ang hawak nito.

Treasure In Your Heart - (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon