Maine's POV
"Oh, Maine? Tapos ka na bang maglinis? Bakit nandito ka pa? Mag-aalas onse na ng gabi," bati sa akin ni Manong Guard. Nagulat ako, hindi ko namalayang kanina pa pala ako nakatulala sa tapat ng silid namin.
"Ahm, opo. Tapos na po, pauwi na rin ako," sagot ko habang pilit na ngumingiti.
Nandito ako sa labas ng Math room. Halos isang linggo na siyang hindi nagre-reply sa 'armchat' namin. Paano ko nalaman ang tungkol sa armchat? Sa kanya mismo galing 'yun. Sabi niya, armchat daw ang itatawag namin sa usapan namin sa ibabaw ng armchair, ang galing, 'di ba? Sobrang saya ko noong una, pero ngayon... parang ayaw na niya.
Nakipagpalit pa siya ng upuan sa kaibigan niya at hindi ko alam kung bakit. Siguro hanggang doon na lang talaga kami. Nagpapasalamat na rin ako dahil kahit papaano, nakausap ko siya kahit sa armchair lang.
"Maine, okay ka lang ba?" untag muli ni Manong Guard.
"Huh? Ah, opo. Sige po, una na ako," paalam ko at mabilis na naglakad palayo.
"Mag-iingat ka!" habol na sigaw ni Manong.
Pag-uwi ko sa bahay, sinalubong agad ako ni Lola na bakas ang pag-aalala sa mukha.
"Maine, apo? Bakit ngayon ka lang? Nag-alala ako nang husto sa iyo," aniya habang hinahaplos ang braso ko.
"Mano po, La. Pasensya na po, galing po akong school. Marami lang pong nilinis kaya natagalan ako," paliwanag ko. Janitor-scholar ako sa school na pinapasukan ko, kaya kailangang doble ang kayod.
"Hay, apo ko... Ako dapat ang nagtatrabaho para sa atin, para may pantustos sa pag-aaral mo. Naaawa na ako sa iyo," malungkot na sabi ni Lola.
"La, huwag niyo na po akong alalahanin. Scholar naman po ako, 'di ba? Kayang-kaya ko po ito. Ayaw ko rin namang mapagod kayo," palakas-loob kong sabi habang nakangiti, kahit hindi iyon abot sa aking mga mata.
Nang makapasok ako sa kwarto, nahiga ako at tumitig sa kisame. Iniisip ko pa rin siya. Hanggang tanaw lang ba talaga ako sa iyo, Gwen?
Tok! Tok! Tok!
"Apo?" tawag ni Lola.
"La, pasok po kayo."
Naupo si Lola sa tabi ko. "Hindi ka ba makatulog? May problema ka ba?"
Ayaw ko sanang sabihin kay Lola. Ayaw ko siyang pag-isipin, at lalong nakakahiya dahil problemang pag-ibig ito. Pero hindi ko na kaya ang bigat sa dibdib ko.
"Lola, may sasabihin po sana ako sa inyo. Huwag po sana kayong magagalit," nanginginig kong sabi.
"Naghihintay ako, apo. Ano 'yun?"
Huminga ako nang malalim. "Lola... may... may nagugustuhan na po ako."
"Ahehehe! Ang apo ko, may crush na pala!" panunukso ni Lola na tila kinikilig pa. "Sino ba 'yan? Para makilatis ko naman. Gwapo ba?"
Napayuko ako. Paano ko ba sasabihing hindi siya gwapo... dahil maganda siya?
"Lola, hindi po siya gwapo... Maganda po siya. I mean, diyosa po siya, La."
Nanahimik ang paligid. Ilang minuto ang lumipas na hindi nagsasalita si Lola. Hinihintay ko na pagalitan niya ako o itaboy, pero nagulat ako nang muli siyang magsalita.
"Apo, kailan mo siya ipakikilala sa akin?"
Napaangat ang ulo ko. "L-La? Hindi po kayo galit?"
Umiling si Lola at hinawakan ang kamay ko. "Kahit ano ka pa, apo, tanggap kita dahil mahal na mahal kita."
BINABASA MO ANG
I Love You Forever
RomanceTatlong taon na kitang pinagmasdan sa malayo kasama ng mga kaibigan mo pati yung tuko mong manliligaw, hindi kita kayang lapitan dahil ayaw mo sa mga mahihirap kagaya ko, nag-aaral sa umaga nag jajanitor sa gabi dito sa campus, hanggang kailan kaya...
