Part 3. Left

30.6K 395 4
                                    

SA KABILA ng pagiging abala ni Augustus sa pag-eempake sa nalalapit niyang pag-alis sa Safe Haven Orphanage, naggawa pa rin niyang pansinin ang isang batang babae na kahit hindi man siya nakatingin ay alam niyang may lungkot sa mata habang pinapanood siya. Hindi niya gustong makitang nasa ganoong anyo ito dahil natatakot siyang baka siya ay maggaya rin rito. Pero hindi na niya kaya pang tiisin ito nang marinig niyang humikbi ito.

Masaya si Augustus na pagkatapos ng tatlong taong pananatili niya sa Safe Haven ay makakaalis na rin siya roon. Kulang-kulang isang taon na ang nakalipas simula nang magpunta ang anim na magkakaibigang foreigner at isa siya sa mga masuwerteng napili ng isa sa mga ito. Ilang araw na lang ang nalalabi ay lilisanin na niya ang Safe Haven Orphanage. Magkakaroon na siya muli ng totoong pamilya.

Hindi basta-bastang mag-asawa lang ang aampon kay Augustus. Isang French business magnate ang mag-asawang aampon sa kanya na sina Francois at Alaine Foresteir. Simple lang ang buhay ni Augustus bago siya dalhin sa ampunan. Lumaki siya na may mapagmahal na magulang at isang maliit na babaeng kapatid na kasundong-kasundo niya. Nang minsang magbakasyon ang pamilya niya sa Baguio ay nahulog ang bus na sinasakyan nila. Sa kasamaang palad ay namatay ang magulang pati na rin ang nakababatang kapatid niya. Dahil wala na siyang malapit pang kamag-anak, napagdesisyonan na dalhin siya sa bahay ampunan na iyon.

Maganda naman ang turing sa kanila sa Safe Haven at kahit naging napakasakit ng nangyari sa kanya ay mabilis rin siyang naka-move on. Masasabi niyang nagkaroon siya ng panibagong pamilya sa Safe Haven. Nagkaroon ng mga bagong kapatid. Sina Nikos, Vincent, Jet, Ed at Cedric na kaggaya niya ay pare-pareho rin inampon ng mga dayuhan ang itinuturing niyang mga barkada. Ang mga madre sa orphanage ang itinuturing niyang mga magulang. At si Melanie, ang itinuturing niyang para na talaga niyang kapatid.

Naunang dumating si Augustus sa Safe Haven Orphanage kaysa kay Melanie. Nag-iisa lang ito noon nang mamatay ang mga magulang nito sa isang sunog. Kaggaya ng mga bagong salta sa ampunan, naging mahirap para kay Melanie ang maka-adjust. Halos wala itong kausapin kahit sino. Hanggang sa lapitan niya ito...

Tatlong taong gulang si Melanie noon at pitong taong gulang naman siya. May mga kabarkada siya sa ampunan pero hindi naging hadlang iyon para magkalapit sila ni Melanie. Naging mabait siya rito dahil pakiramdam niya ay bumalik muli ang kapatid niyang si Jona sa katauhan nito. Halos kasing-tanda lang din nito si Jona bago ito namatay. Ginawa niya ang mga ginagawa niya noon sa kapatid. Itinuring niya itong parang kapatid at dahil naramdaman nito sa kanya ang pagmamahal ay napalapit ito nang husto sa kanya. Dahilan kung bakit nahihirapan ito ngayong paalis na siya.

Lumapit si Augustus kay Melanie at hinalikan ito sa noo. "Magiging maayos ang lahat, Lanie. 'Di kita kakalimutan. Susulat ako palagi,"

"Mami-miss kita, Gus." Wika nito na binabanggit ang nickname na tanging ito lang ang natawag sa kanya. Ganoon rin naman ang pagtawag niya rito ng Lanie. Niyakap siya nito.

Mami-miss rin niya ito. Masaya siyang aalis pero malungkot rin dahil napalapit na siya nang husto kay Melanie. Ilang linggo na rin naman at aalis na ito roon. May mag-aampon rin dito na isang Haciendero na taga-Batangas. Magiging mas maganda ang buhay nito roon. Sadyang paglalayuin sila ng tadhana.

"Basta ang bilin ko sa 'yo, ha? 'Wag ka na muli iiyak. Magsusulatan tayo. Kapag malaki na tayo, magkikita muli tayo. Magkakasama." Hinalikan niya si Melanie sa noo. Madalas na iyon ang ginagawa niya sa kaibigan kapag mabigat ang loob at umiiyak ito. Sa tuwina ay tumatahan at nagiging maayos si Melanie kapag ginagawa niya iyon.

"Promise?"

"Promise,"

Niyakap niya si Melanie. Hindi niya lubos maisip kung bakit may iba siyang nararamdaman sa munting pagyakap lang nito noon. Kung kapag si Melanie ay gumagaan ang pakiramdam kapag hinahalikan niya ito sa noo, siya naman ay kapag niyayakap ito.

Pero ayaw niyang isipin ang pinakadahilan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya kay Melanie. Iyon ba ay dahil sa nakikita niya si Jona dito? Nararamdaman niyang hindi. Mas higit pa iyon roon. Siguro ay dahil gusto niya si Melanie bilang babae? Maganda ito sa kabila ng murang edad pa lamang nito. Siguro ay crush niya ito kaya ganoon. Ngunit kung totoo man iyon, alam ni Augustus na hindi pa iyon ang tamang panahon.

International Billionaires Book 2: Augustus Foresteir (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon