HINDI na napigilan pa ni Twinkle ang paghikab. Antok na antok pa kasi siya. Pero dahil sa lalaking nakatayo sa harapan niya ngayon ay napilitan siyang putulin ang wala pang tatlong oras na pagtulog niya. Umuwi siya sa bahay niya sa Quezon upang magkaroon ng mahabang pahinga, pero hayun at halos kadarating pa lamang niya at hindi pa siya nakakatulog ng mahimbing ay inistorbo na siya ni Milo. Nakaupo siya sa sofa habang nakatayo ito. Unti-unti na muling inaagaw ang huwisyo niya ng mundo ng mga panaginip ng parang biglang naalog ang buong pagkatao niya. Parang nayanig ang mundo niya ng dahil sa humampas na unan sa mukha niya.
"Are you listening to me, Twinkle?" nakakunot ang noong tanong ng 'unwanted' guest niya.
"Obvious bang hindi?" inis na sabi naman niya. Iginalaw-galaw niya ang kanyang ulo upang tuluyan ng magising. Sa kulit nito, siguradong uulitin nito ang paghampas sa kanya. Mabuti nang alerto siya. "Bakit ka nga ulit nandito? At sino na naman sa mga kapitbahay ko ang biyaran mo para malaman mong nandito ako?"
Napabuga ito ng hangin at tila dismayado pa dahil hindi niya narinig ang mga litanya nito kanina. "Nagka-dengue ako, alagaan mo ako." seryosong utos nito.
Pinagtaasan niya ito ng kilay. "'Yang lakas mong mang hampas, may sakit ka pa niyan? Hindi pwede, mga bata lang ang inaalagaan ko, hindi mga batang isip na tulad mo." tanggi niya na may kasama pang matigas na iling. "Isa pa, mukha bang ospital itong bahay ko? Lumayas ka nga dito, Milo. Kapag ganitong wala pa akong tulog, baka hindi kita matantiya."
Alam niyang madaming babae ang gugustuhing alagaan ito. He was Milo Ruiz, the front man of the popular band called Picayz. Dati siyang bahagi ng banda nito noong nag-aaral pa lang siya ng pre-med niya sa kolehiyo. Sumali siya noon sa banda nito dahil crush niya ito. Mas lalong lumago ang paghanga niya dito at sa kalaunan ay nauwi sa pag-ibig ng malaman niya kung gaano nito nais alagaan ang pinsan nitong si Jessie. He became her first love. Alam niyang ayaw nito sa kanya noon, pero hindi siya sumuko hanggang sa makuha na niya ang tiwala nito. Kahit madalas pa din silang nagtatalo, ramdam niyang importanteng kaibigan ang turing nito sa kanya. Kaibigan. Napabuntong-hininga siya sa naisip.
"Sino ba kasing may sabi sayo na pumunta ka sa mga sulok ng mundo? Kung pumayag ka kasi noon na maging bahagi ulit ng banda, sana, hindi ka ganyang palaging pagod." sisi pa nito sa kanya.
Tinitigan niya ito. He was still the man she likes before. Magandang lalaki ito. Maganda, dahil daig pa siya nito, because Milo possesses those feminine features that she lacked. Hanggang balikat ang makintab at itim nitong buhok na madalas na nakatali. Likas na maputi ang balat nito at makinis pa iyon kaysa sa sarili niyang kutis. Matangos din ang ilong nito at may mapupulang labi. Nasa anim na talampakan ang taas nito at kung hindi lang sa mga muscles nitong masisilip sa mga damit na isinusuot nito ay papasa itong babae. Ang itim na mga mata nito na parang palaging nang-aakit ang dahilan kung bakit madami itong nakukuhang endorsement at nabobolang babae noon hanggang ngayon.
Kung noon ay nangangarap pa siyang magkaroon ng romantikong relasyon dito, ngayon ay hindi na. Masyado nang malayo ang agwat nilang dalawa kahit pa nga wala namang nagbago sa pag-uugali nito. Hindi niya pinagsisisihan na tumanggi siyang maging bahagi muli ng banda nito dahil masasabi niyang masaya siya sa buhay na pinili niya.
Isa na siyang doktor ngayon at madami siyang natutulungan, mga batang mula sa liblib na lugar o probinsiya na madalas ay malalayo sa mga ospital. Bahagi din siya sa isang international organization na tumutulong sa mga kapus-palad. Nagbibigay sila ng mga libreng gamot at bitamina na karaniwang mula sa mga donasyon na nalilikom nila. Hindi man siya kumikita ng malaki kumpara sa kikitain sana niya kung naging bahagi siya ng Picayz, walang katumbas na saya naman ang kapalit niyon sa bawat pasasalamat na nakakamit nila sa mga taong natutulungan nila.
BINABASA MO ANG
Twinkle's Star
RomanceSa tagal ng pagiging magkakilala nina Milo at Twinkle, hindi kailanman lumampas sa pagiging magkaibigan ang estado ng kanilang relasyon. Para silang may silent agreement na kahit ano ang mangyari ay mananatili sila sa tabi ng isa't isa. Kaya nang ma...