CHAPTER THREE

5.6K 104 2
                                    


"NASAAN ka na ba, Tala?" bungad na tanong ni Milo ng sagutin niya ang tawag nito.

Kanina pa ito tumatawag sa kanya at ngayon lang niya ulit sinagot ang tawag ng binata. Paanong hindi? Kada kinse minutos ay tinatawagan siya nito at inaalam kung nasaan na siya, at kung bakit wala pa siya doon. Dalawang buwan din niya itong hindi nakita mula ng sadyain siya nito sa bahay niya sa Quezon. Ibinalita nito sa kanya noong nakaraang Linggo na magpo-propose na daw si Colt kay Cindy at kailangan na naroroon din siya. Sinabi niyang pupunta siya doon dahil gusto niyang makita kung paano magpo-propose si Colt.

Matagal na naging magkasintahan ang mga ito at sa wakas ay magpapakasal na din ang dalawa. Naiinggit siya kay Cindy dahil kahit matagal itong naghintay, alam nitong may hinihintay ito. Samantalang siya, kahit anong paghihintay yata ang gawin niya ay mukhang wala siyang hinihintay. Napabuntong-hininga na lamang siya. Hindi iyon ang oras upang magsentimyento siya.

"Hoy, Twinkle!"

Nakangiwing inilayo niya ang cellphone sa tenga niya. Nabingi yata siya sa lakas ng hiyaw nito sa kabilang linya.

"'Langya naman, Milo. Malapit na ako." aniya at inilipat sa kabilang tenga niya ang cellphone.

"'Yan din ang sinabi mo sa'kin kanina thirty minutes ago. Saang planeta ka na ba naroroon?"

"Sa Mars." nakangising sabi niya.

Ang totoo ay malapit na siya sa pagdarausan ng 'farewell party' kuno ng Picayz. Kahit siya ay nagulat ng malaman niya mula mismo kay Milo na maghihiwa-hiwalay na daw ang mga ito, desisyon na pinili ng lahat sa grupo nito. Akala niya ay magso-solo career lamang ang binata pero nilinaw nito na hihinto na talaga ito sa pagkanta o pagbabanda. Nang tanungin niya ang rason kung bakit ito biglang nagdesisiyon ng ganoon ay buntong-hininga lang ang isinagot nito sa telepono.

Nasa kasagsagan siya noon ng panggagamot ay tumawag itong muli sa kanya at tinanong siya kung gusto daw ba niyang magsosyo sila sa pagapapatayo ng ospital na para bang bigla lang nitong naisipan iyon. At parang kung ano lang ang nais nitong ipatayo. Tinanong pa nito kung saan daw mainam na itayo nila iyon. Sinabihan niya itong itanong muna nito sa mama nito ang binabalak nito. Hula kasi niya ay bored lang ito sa buhay nito kaya nagiging padalos-dalos ang pagdedesisyon nito.

"Nasaan ka na ba? Sabihin mo na sa akin at ako na ang susundo sayo." anito na tila nawawalan na ng pasensiya sa kanya dahil hindi na nito sinakyan ang biro niya.

"Malapit na nga, ang kulit. Mas babagal ang pagmamaneho ko kung kakausapin mo ako ng kakausapin, Milo. Isa pa, bakit ba parang ikaw ang magpo-propose? Parang ikaw ang kinakabahan at nangangailangan ng moral support, ah." biro niya.

"Nagda-drive ka? Bakit hindi mo sinabi agad? Sabi mo, may driver na maghahatid sayo dito?" inis na sunod-sunod na tanong nito.

Napangiwi siya. Sinabi kasi niya iyon dahil ayaw nitong nagmamaneho siya kapag ganoong pagod siya. Napapansin niyang masyado itong nagiging maalalahanin sa kanya sa mga nakalipas na buwan at tila napapraning ito tuwing magkausap sila sa telepono. Dinaig pa nito ang kanyang ina sa walang humpay na pagbibilin.

"Kaya ko naman po kasi, at ikaw itong makulit na paulit-ulit kung tumawag diyan." sisi niya dito at pinatirik pa ang mata. "Sige na, nandito na ako, ipa-park ko lang itong sasakyan." paalam niya dito at pinutol na ang tawag.

Ang sabi nito ay informal daw ang gaganaping party kaya naman nag-jeans lamang siya na tinernuhan lamang niya ng kulay rosas na sleeveless. Nang patayin na niya ang makina at tanawin ang sadyang bahay ay napasipol pa siya sa laki ng bahay na ipinatayo daw ni Colt para kay Cindy, ayon kay Milo. Lumabas na siya sa kotse niya at napahiyaw ng biglang tumambad sa harap niya si Milo.

Twinkle's StarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon