Part 13

44.1K 1K 43
                                    

NILUKOB ng kaba at pag-aalinlangan si Jane nang makarating siya sa club na kinaroroonan ni Charlie. Sa totoo lang ay hindi pa siya nakakapasok sa ganoong lugar sa buong buhay niya. Pero gusto niya talagang makita si Charlie. Lalo na at hindi pa rin niya nakalilimutan ang sinabi ng binata kanina nang magkausap sila sa cell phone.

"Maybe I'm not the kind of man you want to marry." May kung ano sa tono ng boses ni Charlie nang sabihin iyon na nagdulot ng kurot sa puso ni Jane. Marahil imahinasyon lang niya, pero nang sabihin iyon ng binata, pakiramdam niya ay hindi lang siya ang kinukumbinsi nito. Para bang kinukumbinsi rin nito ang sarili. Kaya naglakas-loob siyang magboluntaryong puntahan si Charlie.

Medyo nag-alangan lang si Jane nang malapit na siya sa entrada ng club at makita ang mga taong papasok at palabas. Mga babaeng napakasikip at napakaiksi ng mga suot, mga lalaking pormang-porma at may ilan din na mukhang mga galing sa opisina. Napatingin tuloy siya sa kanyang suot—skinny jeans at long-sleeved blouse. Pero hindi ko naman kasi alam kung ano ang isusuot. Napabuntong-hininga siya at kinuha ang cell phone upang i-text si Charlie at sabihing naroon na siya.

Wala pang limang minuto, nakita na ni Jane ang paglabas ni Charlie mula sa club. Nang mapatingin sa kanya ang binata ay ngumiti siya at bahagya pang kumaway. Mabilis na lumapit ito sa kanya at pinasadahan siya ng tingin bago tumango at tumingin sa mukha niya. "Good."

Kumunot ang kanyang noo. "Good what?"

"Your outfit," sagot ni Charlie, pagkatapos ay hinawakan ang kanyang siko at iginiya na siya papasok sa club.

Lalong kumunot ang noo ni Jane. Good? Paanong naging "good" ang outfit niya kung kahit saan siya tumingin sa madilim na interior ng club ay halatang hindi bagay ang ayos niya sa suot ng mga babae roon?

Napasinghap siya nang mabangga sa katawan ng ilang mga tao roon, dahilan kaya nabitawan ni Charlie ang kanyang braso. "Ah!" Tumingala siya upang tingnan sana ang binata pero dahil madilim at nabangga na naman siya ng mga tao ay napaatras siya palayo. Bakit ba ang dami-daming tao sa lugar na ito? At nasaan na si Charlie?

"Hi, Miss! Wanna dance?" biglang sabi ng lalaki na umiindak habang lumalapit sa kanya.

Umatras siya at napangiwi. "No, thanks."

Subalit hindi umalis ang lalaki at nadagdagan pa ng dalawa. Nailang na si Jane at muli na sanang tatanggi nang maramdaman ang brasong umakbay sa kanya. Nanuot sa kanyang ilong ang pamilyar na amoy ni Charlie.

"She's with me," seryoso at malamig na sabi ng binata.

Mukhang umepekto iyon dahil lumayo ang mga lalaking nagyayaya kay Jane. Nakahinga siya nang maluwag at tiningala si Charlie. "Thank you."

Humugot ng malalim na hininga ang binata at nakaakbay pa rin sa kanya na hinila siya upang muli silang maglakad. "Ito ang sinasabi ko sa 'yong mangyayari. There are men who are going to try to pick you up. To think na ganyan pa lang ang suot mo, ha? More revealing than that at tiyak na mapapaaway ako for the first time in a very long time. Nasa VIP lounge ang mga kaibigan ko," sabi ni Charlie malapit sa kanyang tainga upang marahil ay marinig niya ang sinasabi nito sa kabila ng ingay.

Iyon ang unang beses na ganoon sila kalapit sa isa't isa na halos maramdaman ni Jane ang init ng hininga ng binata sa kanyang mukha. May init na humaplos sa kanyang puso, hindi lamang dahil sa pagkakalapit nila kundi dahil din sa sinabi nito.

Arogante ang paraan niya ng pagsasalita pero nag-aalala talaga siya para sa akin.

Napangiti na siya at hinayaan si Charlie na akayin siya patungo sa parte ng club na mas kaunti na ang tao kaysa kanina. Nang hindi na sila nababangga ng kung sino-sino ay lumuwag na ang pagkakaakbay ng binata sa kanya hanggang tuluyan nang alisin ang braso sa mga balikat niya.

Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon