JANE turned away. At pakiramdam ni Charlie, may nagyeyelong tubig na bumuhos sa kanyang buong katawan. Ngalingali siyang tumakbo palapit sa dalaga para palisin ang ekspresyon sa mukha nito na nakita niya bago ito nag-iwas ng tingin.
"What a surprise na nagkita tayo rito. Hindi mo sinabi sa akin na mahilig ka rin pala sa ganitong klase ng event, Charlie," sabi ni Vanessa na nagpabalik ng kanyang atensiyon sa babae.
"Hindi ko rin naisip na makikita kita rito. Hindi ka mahilig sa ganito, hindi ba?" tanong niya. Big-time ang mga kliyente ni Vanessa at alam niya na nagmula rin ang babae sa mayamang pamilya. Matapobre ang pagkakakilala niya rito at ginagawa ang ano mang maisipan. Kaya lang niya natatagalan si Vanessa dahil marami silang pagkakapareho.
Bumalik sa isip ni Charlie ang biglang pagyakap at paghalik ni Vanessa sa kanya at parang may sumipa sa kanyang sikmura. Guilt. Iyon ang nararamdaman niya. Muli siyang sumulyap sa direksiyon ni Jane. Hindi pa rin nakatingin sa kanya ang dalaga.
Bumuntong-hininga siya at umatras palayo kay Vanessa. Na mukhang napansin nito dahil umangat ang isang kilay ng babae. "Bakit?"
"Vanessa, you should stop doing that every time we meet. Sinabi ko na sa 'yo 'yan, hindi ba?" Si Vanessa kasi ang tipo ng babaeng nanghahalik sa mga labi kapag bumabati. Nang muli silang magkita pagbalik ng dalaga sa Pilipinas at ginawa iyon sa kanya ay sinabihan na niya ito na huwag na uli basta manghahalik. Katulad kasi ngayon, mukha ni Jane ang luminaw sa kanyang isip nang halikan siya ni Vanessa bilang pagbati.
"Oh, but I used to do it to you all the time, Charlie."
"Hindi na niya puwedeng gawin 'yon ngayon. May girlfriend na siya," biglang singit ni Ross na hindi namalayan ni Charlie na nakalapit na pala sa kanila, kasama si Jay.
Namilog ang mga mata ni Vanessa at marahas na muling bumaling kay Charlie. "Girlfriend? Ikaw?"
Kumunot ang noo ni Charlie. Nakaramdam siya ng inis sa tono ni Vanessa. Iyon ang unang beses na naramdaman niya iyon para sa babae. Palagi silang magkasundo ni Vanessa. Pareho sila ng ugali at compatible silang mag-isip. Kaya lamang, napagtanto niya na hindi na siya tulad ng dati. Something in him had changed. Subalit paano niya iyon maipapaliwanag kay Vanessa at sa iba kung sa sarili niya mismo ay hindi mabigyan ng paliwanag ang nararamdaman?
Hindi na nagkaroon ng pagkakataong magsalita si Charlie dahil naunahan na siya ni Vanessa. "Anyway, since pareho na tayong nandito, let's have dinner together tonight. May ibabalita ako sa 'yo tungkol sa pinag-uusapan natin noong isang araw."
Natigilan si Charlie. Tungkol sa pinaplano niyang law firm ang pinag-uusapan nila ni Vanessa mula nang bumalik sa Pilipinas ang babae. She said she was willing to help him. Dahil kapag naitayo niya ang firm, isa si Vanessa sa mga gusto niyang kuning abogado. Of course, napapayag na rin niya sina Ross at Jay noon pa sa kanyang plano. Sa ngayon, unti-unti na nilang pinaplano ang pagtatayo ng law firm kahit wala pa ang kapital na kailangan niya. Gusto niyang marinig ang ibabalita ni Vanessa. Subalit agad niyang naisip si Jane.
"I can't. Not tonight," sagot ni Charlie. Balak niyang ilabas si Jane pagkatapos ng event. Muli siyang sumulyap sa direksiyon ng dalaga at napaderetso siya ng tayo nang makitang naglalakad na si Jane habang hila ni Bianca papunta sa kanila. "Excuse me," paalam niya na hindi tumitingin kay Vanessa at mabilis nang naglakad pasalubong sa dalawang babae.
KUMABOG ang puso ni Jane nang makitang pasalubong sa kanila si Charlie. Hinatak kasi siya ni Bianca palapit sa grupo ng binata dahil nainis ang bago niyang kaibigan nang makitang lumapit din si Ross kay Vanessa. Nawala ang pagiging kalmado ni Bianca at bigla ay parang sasabak sa giyera. Pati siya ay nahatak.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANT
RomantikBuong buhay ni Jane passive siyang tao. Plain hindi lang ang hitsura niya kung hindi pati ang personalidad niya. Kaya naman kahit kailan hindi siya umasa na mapapalapit siya kay Charlie Mariano, her puppy love, her first love and her one true love...