"JANE? Nakikinig ka ba?"
Napakurap si Jane at napagtantong sa kanya nakatingin ang lahat ng taong nasa conference room. Noon lang niya naalala na nasa gitna nga pala sila ng meeting para sa new collection ng Ruiz Ladies' Shoes. Napatingin siya sa kanyang ama na nasa dulo ng mahabang mesa. Nagtatakang nakatingin ito sa kanya. Mukhang kanina pa kinukuha ng kanyang ama ang atensiyon niya.
Nag-init ang mukha ni Jane, mayamaya ay tumikhim. "I'm sorry. Ano na nga ang pinag-uusapan natin?"
Bumuntong-hininga ang kanyang ama. "Tungkol sa deadline para sa bagong designs ng mga sapatos. Ikaw ang gusto kong kumausap sa mga designer. Sa tingin ko, mapapapayag na natin si Rajo Laurel para gumawa ng designs para sa atin. Kausapin mo siya, ha?"
"Yes, of course," mabilis na sagot ni Jane, pagkatapos ay pasimpleng niyuko ang folder sa harap. Nalaglag ang kanyang mga balikat habang nakatingin sa mga design na ginawa sa mga nakaraang taon at lakas-loob sana niyang ipapakita sa kanyang ama. Pero kung papayag ang isang premyadong designer, hindi na nila kailangan ang amateur designs niya. Mabilis na tinakpan niya ang mga iyon upang wala nang makakita.
"Gusto ko rin po sanang ipaalala, Ma'am Jane, ang tungkol sa request ng isang film outfit na gamitin ang building at profile ng Ruiz Ladies' Shoes para sa pelikulang ginagawa nila. Darating po mamayang hapon ang creative crew at ang director para mag-site inspection," sabi naman ng marketing head nila.
Ang sabi kasi, may-ari daw ng isang shoe company ang bidang babae sa pelikulang gagawin kaya naisip ng creative team na sa kanila kunan ang karamihan ng eksena ng pelikula. Advantage iyon para sa kanila dahil mapi-feature sa isang pelikula ang mga produkto nilang sapatos kaya pumayag sila sa request ng team ng pelikula. Maganda iyong marketing strategy.
"Ah, oo nga pala. Salamat sa pagpapaalala sa 'kin," sabi ni Jane na nag-angat ng tingin at pilit na ngumiti.
Nagpatuloy at natapos ang meeting na hindi siya masyadong nakapag-concentrate. Nagpaiwan tuloy siya sa conference room upang kalmahin ang sarili. Pagkatapos ay wala sa loob na napatingin si Jane sa kanyang cell phone. Ilang araw na mula nang huli silang magkita ni Charlie at kahit isang beses ay hindi pa ito muling tumatawag sa kanya. Bukod doon ay hindi mawala sa kanyang isip ang tawag na natanggap ng binata noong huli silang magkasama.
Paano siya matatahimik kung narinig niyang nangako si Charlie sa Vanessa na iyon na magdi-dinner kasama ang babae? Nang tanungin niya ang binata kung sino si Vanessa, ang sabi lang nito ay isang kaibigang abogado. He did not elaborate. At nang makarating sila sa bahay nina Jane, ni hindi siya hinalikan ni Charlie na madalas nitong gawin bago siya bumaba ng kotse. Para bang hindi makapaghintay ang binata na umalis at puntahan ang Vanessa na iyon.
Hindi maiwasan ni Jane ang mabahala kahit paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na huwag bigyan ng ibang kahulugan ang relasyon ni Charlie sa babaeng iyon. After all, hindi ba at nangako ang binata sa kanya na magiging faithful habang magkasama sila?
Muling huminga nang malalim si Jane at kinalma ang sarili, pagkatapos ay tumayo na. Kailangan niyang magtiwala kay Charlie. Higit sa lahat, kailangan niyang magtiwala sa sarili na mabibihag niya ang puso ng binata.
May kumatok sa conference room, pagkatapos ay sumungaw ang ulo ng kanyang sekretarya. "Ma'am Jane, napaaga po ang dating ng director at crew ng pelikulang magsyu-shoot sa building natin. Gusto raw po sana nila kayong ma-interview. Pinatuloy ko sila sa lounge."
Ngumiti na si Jane at tumango. "Okay. Papunta na ako."
Mabilis na lumabas siya ng conference room at nagtungo sa lounge kung saan nila dinadala ang mga bisita ng kompanya. Agad na lumapit sa kanya ang isang babae na nagpakilalang production manager at inilahad ang kamay. "Miss Jane Ruiz. Thank you for sparing us some of your time."
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANT
RomanceBuong buhay ni Jane passive siyang tao. Plain hindi lang ang hitsura niya kung hindi pati ang personalidad niya. Kaya naman kahit kailan hindi siya umasa na mapapalapit siya kay Charlie Mariano, her puppy love, her first love and her one true love...