PAULIT-ULIT na huminga nang malalim si Jane habang naglalakad papunta sa opisina ng kanyang ama. Ilang beses na rin niyang sinulyapan ang hawak na makapal na folder na pinaglagyan ng mga shoe design na pinili niya sa napakaraming ginawa sa mga nakaraang taon. Kahit anak siya ng may-ari ng shoe boutique ay kabado pa rin siya. Hindi niya alam kung tatanggapin ng kanyang ama ang mga nilikhang disenyo.
Dalawang linggo na mula nang magpunta sila ni Charlie sa rest house nito sa Tagaytay. Ganoon na rin katagal mula nang huli silang magkita kahit pa minsan ay tumatawag ang binata sa kanya para lang mangumusta. Kahit paano ay napapasaya siya ng mga tawag na iyon ni Charlie. Dahil sa totoo lang, miss na miss na niya ito. Dalawang linggo pa lang ang lumilipas, unti-unti na siyang nagiging miserable. Idagdag pa ang isiping baka palaging kasama ni Charlie si Vanessa habang siya ay ni hindi man lang masulyapan ni anino ng binata.
Subalit pinatatag ni Jane ang kanyang sarili. Mahal niya si Charlie subalit ayaw niyang uminog lang sa binata ang kanyang buhay. He was a very busy man. Kahit pa magkaroon ng himala at magkatuluyan sila, hindi mababago ang katotohanang abala si Charlie. Hindi palaging magkakaroon ng oras ang binata para sa kanya. Kaya dapat gumawa rin siya ng sariling pagkakaabalahan. She wanted to pursue something she could be passionate about, too. Kaya nilakasan na niya ang loob para kausapin ang kanyang ama.
Kumatok si Jane sa pinto ng opisina ng kanyang papa bago siya pumasok.
"Jane, what is it?" gulat na tanong nito.
Muli siyang huminga nang malalim at tuluyang lumapit sa mesa ng kanyang ama. Umupo siya sa katapat na silya. "Papa, about the designs para sa next collection natin, p-puwede mo bang tingnan ang mga design... ko?" kabadong tanong niya at ipinatong sa mesa ang folder na hawak.
Mukhang lalong nagulat ang kanyang ama. "Nagde-design ka? Bakit hindi ko ito alam?"
Nahihiyang ngumiti si Jane. "Amateur kasi ako at walang educational background sa designing, hindi katulad ng mga designer na kinukuha natin."
"Nonsense. Sa atin ang negosyo na 'to. Puwede kang magbigay ng opinyon at suhestiyon dahil sa iyo rin naman namin iiwan ang Ruiz Ladies' Shoes balang-araw," sabi ng kanyang ama, pagkatapos ay sinimulang tingnan isa-isa ang mga ginawa niyang disenyo.
Kinabahan si Jane nang unti-unting sumeryoso ang mukha ng kanyang papa. Nang muli itong mag-angat ng tingin ay halos hindi na siya humihinga at hinintay ang sasabihin ng ama.
Ngumiti ito. "Jane, honey, bakit ngayon mo lang ipinakita sa akin na may hidden talent ka pala? These are beautiful. Conservative but fashionable. Why don't you make a Powerpoint presentation para maipakita natin sa meeting mamaya? Hindi pa naman natin napapapirma ng kontrata ang dapat ay designer natin. Mahahabol ito para sa next collection natin."
Napabuga ng hangin si Jane at masayang napangiti. "Really, Papa? Hindi mo sinasabi 'yan dahil anak mo ako?"
Tumawa ang kanyang ama. "Of course not. Negosyo ito. At naniniwala ako na bebenta ang mga sapatos natin kung gagamitin natin ang mga disenyo mo."
Napatayo na si Jane sa kasiyahan at niyakap ang ama. "Thank you, Papa!"
Nakangiti pa rin siya kahit nang nakalabas na ng opisina ng kanyang ama. Dinukot niya ang cell phone dahil bigla ay gusto niyang makausap si Charlie upang ibalita rito ang nangyari. Matagal na nag-ring ang cell phone ng binata bago iyon nasagot.
"Hello?"
Nawala ang ngiti ni Jane at napahinto siya sa paglalakad nang sa halip na si Charlie ay pamilyar na tinig ng babae ang kanyang narinig.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANT
RomanceBuong buhay ni Jane passive siyang tao. Plain hindi lang ang hitsura niya kung hindi pati ang personalidad niya. Kaya naman kahit kailan hindi siya umasa na mapapalapit siya kay Charlie Mariano, her puppy love, her first love and her one true love...