NAKABIHIS na si Jane, nakapagpaayos ng buhok, at nakapagpa-makeup. Hinihintay na lamang niyang sunduin siya ni Charlie para magpunta sa venue ng kasal ni Farah nang tumawag si Cherry. Ang sabi ng kaibigan ay hindi raw ito makakapunta sa kasal dahil nilalagnat daw ang anak nito at ayaw iwan.
"Naku, okay lang ba si Justin?" nag-aalalang tanong ni Jane na ang tinutukoy ay ang anak ni Cherry.
"Hindi naman malala. Pero alam mo naman ang batang 'yon, gusto ay nasa tabi ako kapag may sakit. Kasama mo naman si Kuya kaya hindi ako nag-aalala na maaapi ka ng bruhang Farah na 'yon."
Napangiti siya sa sinabi ni Cherry. "Hindi naman siguro magmamaldita si Farah sa mismong kasal niya. Magiging okay ako kahit walang tulong ni Charlie. O sige na, bye na. I hope na gumaling na si Justin."
"Oo nga, eh. Sige, good luck sa lakad n'yo. Minsan lang pumayag si Kuya na sumama sa mga ganyang okasyon kaya samantalahin mo na." Iyon lang at tinapos na ni Cherry ang tawag.
Nangingiting inilagay ni Jane sa bag ang kanyang cellphone at muling pinasadahan ng tingin ang sarili sa salamin bago lumabas ng silid. Sa living room na niya hihintayin si Charlie.
Pababa na si Jane ng hagdan nang marinig ang masayang tinig ng kanyang ina sa living room. Kumunot ang kanyang noo at napabilis ang kilos. Sumikdo ang kanyang puso nang malaman kung bakit parang tuwang-tuwa ang mama niya. Naroon na pala si Charlie na nakatayo malapit sa pinto.
"Charlie? Nandito ka na pala!" gulat na bulalas ni Jane.
Napatingala sa kanya ang binata at nagtama ang kanilang mga mata. Nang ngumiti ito ay tila may humalukay sa kanyang sikmura at pakiramdam ay lumobo ang kanyang puso.
"Surprise," nakangiti pa ring sabi nito.
He looked so handsome. Nakasuot si Charlie ng light gray suit, hindi masyadong intimidating kaysa sa madalas na itim na outfit. Ang buhok nito ay mukhang hindi naka-gel kaya halata na alon-alon. Napahigpit ang hawak ni Jane sa balustre ng hagdan dahil parang nangati ang kanyang kamay na suklayin ang buhok ng binata gamit ang kanyang mga daliri. Lalo na at nakita niyang humagod sa kanyang kabuuan ang tingin ni Charlie. Hindi itinago ng binata ang paghanga sa kislap ng mga mata nito. Nagtama ang kanilang mga mata.
Nahigit ni Jane ang hininga nang makita sa mga mata ni Charlie ang kaparehong emosyon na nakita niya roon nang dalawang beses siyang halikan ng binata. He wants to kiss me again. May kumalat na nakakikiliting sensasyon sa kanyang buong katawan sa isiping iyon.
Naputol ang kanilang eye contact nang magsalita ang kanyang ina.
"Jane, hindi mo sinabi sa akin na si Charlie pala ang kasama mong pupunta sa kasal ng kaklase mo," tila nasasabik pang sabi nito.
Natauhan si Jane at tuluyang bumaba ng hagdan. Bumaling siya sa kanyang ina. "Alam ko kasi na magiging ganyan ang reaksiyon n'yo kapag sinabi ko na siya ang kasama ko," pabirong sagot niya.
"What's wrong with being happy to see my daughter with her fiancé?" pabiro ring balik ng kanyang ina.
Bahagyang tumabingi ang ngiti ni Jane at agad na napatingin kay Charlie. Mukhang bale-wala naman sa binata ang komento ng kanyang ina. Sa katunayan, ngumiti pa si Charlie.
"Then we'll be leaving now, Ma'am," magalang na sabi ng binata, pagkatapos ay sumulyap kay Jane at inilahad ang kamay kanya.
Awtomatikong tinanggap iyon ni Jane dahil nasanay na siyang gawin iyon sa ilang beses na pagkikita nila ni Charlie. Humigpit ang pagkakahawak ng binata sa kanyang kamay at marahan siyang hinigit palapit sa tabi nito.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANT
RomanceBuong buhay ni Jane passive siyang tao. Plain hindi lang ang hitsura niya kung hindi pati ang personalidad niya. Kaya naman kahit kailan hindi siya umasa na mapapalapit siya kay Charlie Mariano, her puppy love, her first love and her one true love...