Part 25

43K 1K 31
                                    

ALAS-ONSE na ng gabi ay hindi pa rin nakakatulog si Jane. Nakatitig pa rin siya sa kisame ng kanyang kuwarto. Kahit paulit-ulit na sinasabi sa sarili na hindi siya dapat mag-alala, palagi pa rin niyang naiisip sina Charlie at Vanessa. Saan kaya nagpunta ang dalawa? Ano ang pinag-uusapan nila? Gaano katagal silang magkasama? At kung ano-ano pang isipin kaya gising na gising pa siya.

"Wala akong dapat ipag-alala. Sigurado akong walang interes si Charlie sa babaeng 'yon. Si Vanessa ang may interes kay Charlie. Wala silang ibang relasyon," pagkausap niya sa sarili.

Huminga nang malalim si Jane at pumikit. Susubukan niyang matulog uli. Subalit wala pang isang minutong nakapikit ay tumunog naman ang kanyang cell phone. Mabilis siyang dumilat at hinablot ang cell phone sa bedside table. Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makita na si Charlie ang tumatawag. Bumangon siya paupo at sinagot ang tawag.

"Jane..."

"H-hi..." halos pabuntong-hiningang sagot niya.

"Sinasabi ko na nga ba't gising ka pa. Are you worried? Is that why you can't sleep?" May halong panunudyo ang tinig ni Charlie.

Nag-init ang kanyang mukha. "Paano mo nalaman?"

"Masyado na kitang kilala para malaman kung ano ang tunay mong nararamdaman sa likod ng mga ngiti mo, Jane."

Huminga siya nang malalim at bumalik sa pagkakahiga. "Pero ako, minsan ay hindi ko pa rin alam ang nasa likod ng ekspresyon sa mukha mo," naiusal niya bago pa napigilan ang sarili.

Narinig ni Jane ang pagbuntong-hininga ni Charlie. "Gusto kong bumawi sa 'yo dahil sa nangyari kanina. Linggo bukas, hindi ba? Go out with me tomorrow."

Umangat ang isang kilay niya kahit hindi naman siya nakikita ng binata. "Pero hindi ba napagkasunduan natin na salitan tayo sa pag-iisip ng date?"

"Alam ko. But sometimes I feel like breaking the rules."

Hindi napigilan ni Jane ang mapangiti. "Hindi ko naisip na lalabag ka sa rules. Hindi ka gano'n."

Muling bumuntong-hininga ang binata. "Alam ko. Ngayon ko lang ito gagawin."

May init na humaplos sa kanyang puso. "Para sa akin?" bulong niya.

"Yes. For you," sagot ni Charlie sa kaparehong tinig. "So, susunduin kita bukas," dugtong nito sa normal nang tinig.

Napangiti na si Jane at nasabik para sa kanilang date bukas. "Saan tayo pupunta?"

"It's a surprise. Just bring a jacket."

Naningkit ang kanyang mga mata. "Alam mo, napansin ko na mahilig kang manggulat. Palagi mo akong sinosorpresa."

"Iyon ay dahil gusto kong nakikita ang pagliwanag ng mukha mo kapag sinosorpresa kita."

Napangiti si Jane. "Really?"

"Yes."

"Fine. Then surprise me tomorrow," sabi na lamang niya.

"I will. Goodnight, Jane," sabi ni Charlie.

Kahit hindi nakikita ang binata ay may pakiramdam siyang nakangiti ito. "Goodnight, Charlie," bulong niya.

Kahit wala na sa kabilang linya si Charlie ay nakangiti pa rin si Jane. Nakatulog siya nang gabing iyon na hawak pa rin ang cell phone at may nakaguhit na ngiti sa mga labi.

MAAGANG nagising si Jane kinabukasan. Gusto kasi niya na sa pagkakataong iyon, nakaayos na siya kapag dumating si Charlie. Katulad ng bilin ng binata ay nagdala siya ng jacket. Hindi niya alam kung para saan pero mabuti na ang sumunod sa bilin nito kaysa magsisi sa huli.

Nasa living room na si Jane nang marinig ang tunog ng pagdating ng isang sasakyan. Napangiti siya, bitbit ang bag at jacket ay lumabas siya ng bahay.

Huminto ang sasakyan ni Charlie sa tapat ng kanilang front door at umibis ang binata. Katulad kahapon ay simple lamang ang suot nito—faded jeans at white T-shirt na humahakab sa magandang katawan. Ang kaibahan ngayon ay mukhang hindi nag-shave si Charlie dahil may stubble ang mga panga at baba nito. He looked unruly. Subalit kahit ganoon ay lalo pa yatang gumuwapo sa paningin ni Jane ang binata at sandaling hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

Ngumiti si Charlie at humakbang palapit sa kanya. "Good. You're ready."

Kumurap si Jane at pilit na ibinalik ang huwisyo. "Saan tayo pupunta?" tanong na lamang niya.

Ngumisi ang binata. "Surprise." Inabot nito ang kanyang kamay at hinigit siya palapit sa sasakyan.

Naitirik na lamang niya ang mga mata at hindi na nagtanong. Tutal, nasasabik din naman siyang malaman kung saan siya dadalhin ni Charlie sa araw na iyon. Titiisin niya ang nararamdamang kuryosidad hanggang makarating na sila roon.

UMAWANG ang mga labi ni Jane sa pagkamangha nang matagpuang pataas na ang daan na tinatahak nila ni Charlie. Nagulat pa siya nang lumabas sila ng Kamaynilaan at makarating sa Tagaytay. Pero talagang namangha siya ngayong nakikita sa harap nila ang malaking gate na ang magkabilang poste ay napapaikutan ng mga gumagapang na halaman. Nakabukas na iyon na para bang hinihintay ang pagdating nila. Ipinasok doon ni Charlie ang sasakyan habang iginagala ni Jane ang tingin sa paligid. Pulos berdeng mga puno at halaman ang nasa magkabilang gilid ng daan. Parang secret garden. May magical feel.

"Nasaan tayo?" tanong niya.

Sa halip na sumagot ay inihimpil ni Charlie ang sasakyan sa tapat ng isang puti at bungalow-type na bahay. Bumaba ang binata at umikot patungo sa puwesto ni Jane. Nalilitong hinubad niya ang seat belt kasabay ng pagbubukas ni Charlie ng pinto para sa kanya at inalalayan siyang makababa.

Nangikig siya sa lamig ng simoy ng hangin nang nasa labas na ng sasakyan. Mas malamig pa sa aircon ang hanging humahaplos sa kanyang katawan. Muli niyang iginala ang tingin sa paligid bago ibinalik ang tingin kay Charlie na natagpuan niyang nakamasid sa kanya habang may munting ngiti sa mga labi.

"Hindi mo pa ba sasabihin sa akin kung nasaan tayo?" tanong ni Jane.

Hinawakan ng binata ang kanyang kamay at hinila siya patungo sa pinto ng bahay. "This is my rest house."

Namilog ang kanyang mga mata. "Rest house? Sa 'yo ito?"

"Yes," sagot ni Charlie na binitiwan ang kamay niya at dinukot ang susi sa bulsa. "Regalo ito ni Lolo noong nakapasa ako sa bar exam. Nagpupunta ako rito kapag kailangan ko ng pahinga o kapag gusto ko lang mapag-isa. Minsan, ipinapahiram ko kina Ross kapag kailangan nila." Binuksan ng binata ang pinto at nakangiting inilapat ang kamay sa likod niya. Marahan siyang itinulak ni Charlie papasok sa loob.

Nahigit ni Jane ang hininga nang makita ang loob ng bahay. Homey. Iyon ang unang salitang sumagi sa kanyang isip nang igala ang tingin sa paligid. Maluwag sa loob at malamig sa mga mata ang off white na kulay ng pader at minimal na furniture. Subalit ang pinakagusto niya ay ang French doors sa halip na pader na nasa isang bahagi. Maliwanag sa loob ng bahay dahil sa glass French doors. "Ang ganda rito," usal niya.

"You really think so? I'm glad to hear that," sabi ni Charlie na may himig ng pride sa tinig.

Nang bumaling si Jane sa binata ay ngiting-ngiti na ito at malambot ang ekspresyon sa mga mata. Napangiti rin siya. "Yes. Nasorpresa mo na naman ako," malambing na sabi niya.

Naging pilyo ang ngiti ni Charlie at muntik na namang umawang ang mga labi ni Jane dahil iyon ang unang beses na nakita niya ang ngiting iyon ng binata. "Sweetheart, I haven't started yet."

Bachelor's Pad series book 3: PLAIN JANE'S MR. ARROGANTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon