NASA huling taon siya sa kolehiyo nang mamatay si Pepe. Kasama sa mga benepisyong tinanggap niya sa pagkamatay ng ama ay ang pagsagot ng kompanya ng mga Villaroman sa huling taon niya sa kolehiyo.
Dalawang linggo bago ang enrollment ay sinadya niya ang dating boss ng Papa niya sa opisina nito sa pabrika ng marmol. Sinabi niya ang kanyang plano.
"Bakit kailangang mag-working student ka, Alyssa? Kulang ba ang allowance na ipinadadala ng kompanya sa iyo?" tanong ni Jaime Villaroman. Sr.
"Aba, hindi po. Sobra-sobra nga po ang natatanggap kong tseke mula sa inyo," aniya na halos nasa edge na ng silya nakaupo sa nerbiyos. Lakas-loob lamang niyang kinausap ang matanda.
"Kung ganoon ay bakit? Baka makaapekto pa sa pag-aaral mo. After your graduation ay tatanggapin ka rin namang empleyado ng opisinang ito. Kasama iyan sa pribilehiyong ibinigay ko sa papa mo dahil sa mahigit dalawampung taong panunungkulan niya dito."
"Panggabi po ang schedule na kukunin ko sa pasukan, Mr. Villaroman. Kompleto din po ang units at magtatapos po ako sa taon ding ito. Kaya lang po, gusto ko sanang humingi ng working training sa inyo. Wala pong allowance o suweldo. Bukod sa responsibilidad ay pinaka-training ko na rin po ito para sa sandaling i-hire ninyo ako ay hindi ako mangangapa."
"Hmm... management trainee at hindi ka humihingi ng suweldo o allowance," sagot ng matanda na itina-tap ng ballpen ang mesa.
Tinitigan ng matanda ang dalaga. Ang totoo ay inaanak siya nito sa binyag pero hindi nito nabigyan ng importansiya dahil sa napakaraming mga inaanak sa binyag at sa kasal.
Kalimitan sa mga tauhan ni Mr. Villaroman, Sr., lalo na iyong mga nasa supervisory level ay ito ang kinukuhang sponsor. At karamihan sa mga iyon ay ginagawang tuntungan ang pagiging kumpare para sa pansariling kapakanan. Pero minsan man ay walang natatandaan ang matandang natulad sa mga iyon si Pepe hanggang sa mamatay ito. At ang totoo'y hindi na nito maalalang inaanak si Alyssa kundi ngayon. Bakit ba, eh kahit minsan ay hindi humingi ng pabor si Pepe sa matanda.
"Ayokong ibigay ang hinihiling mo, Alyssa..." wika ni Jaime makalipas ang ilang sandali.
Bumahid ang lungkot sa mukha ng dalaga pero pilit na ngumiti. "Kung iyan po ang pasya ninyo."
"Kailan mo gustong magsimula, Alyssa? As my personal secretary?" dugtong ni Jaime.
"Ho? Ang... akala ko ba'y...?"
"Apprenticeship ang hinihingi mo sa akin. Walang allowance o suweldo. Ang ibinibigay ko sa iyo ay permanent employment with salary. At pribilehiyong anim na oras lang na trabaho hanggang nag-aaral ka."
"Oh!"
"Well?" Si Jaime uli na nangingiti sa kanya.
"Thank you, sir! Thank you very much!"
Tuwang-tuwang ibinalita ni Alyssa sa tiyahin ang resulta ng pakikipag-usap niya sa matandang Villaroman.
"Kuu, kung ako ang nasunod ay hindi kita papayagan."
"Bakit, Tiya Andrea?" tanong niya habang sumusubo ng pagkain.
"Bale ba ay panggabing klase ang kukunin mo. At gabi na ang uwi. Napakaraming masasamang- tao ngayon, Alyssa. At ikaw pa naman itong napakapansinin sa daan."
Ngumiti ang dalaga at nagbiro. "Kasalanan ko ba kung pang-beauty queen ang ganda ng pamangkin ninyo?"
"Bagaman biro iyang sinasabi mo ay sinasang- ayunan ko. At diyan ako nag-aalala, Alyssa."
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...