PINAHID ng palad nito ang mga luha sa pisngi niya. Nang tingnan niya ang mga mata nito ay hindi niya kayang arukin ang damdaming nakapaloob doon.
"Si... Conchita?"
"Bahala si Attorney at ang dalawang tauhan na magdadala sa kanya sa ospital. She's sick, Alyssa. She was obsessed by all this wealth... Hinangad niya ang mansion na ito." Inikot ni Jim ang paningin sa buong paligid kasabay ng buntong-hininga.
"Paano si Camilla?"
"She's only too glad na makawala sa manipulasyon ng kanyang ina. Ibinigay ko sa kanya ang tsekeng kabuuan ng perang ibinigay ng Papa. Kung magiging matalino siya sa paggamit ay sapat iyon para mabuhay siya nang maayos. Ihingi ko raw siya ng tawad sa iyo. Napilitan lang siyang gawin iyon. Maybe she's not too bad, after all."
Muling umupo sa gilid ng kama si Alyssa. Umatras si Jim at sumandal sa posteng kama. "Nakita mo kami ni Camilla, Alyssa?" may pait sa tinig nito nang magtanong. At nang tumingin si Alyssa dito ay hindi niya kayang tingnan ang sakit na nasa mukha nito.
Marahan siyang tumango. "Nakadapa ka. Half naked. Nasa ilalim mo si Camilla na kumot lang ang nakatakip sa katawan. And she was your cousin," napapikit siya. Hindi gustong alalahanin ang eksenang iyon.
Huminga nang malalim si Jim. Nagpalakad-lakad sa loob ng silid. "At hindi ko alam iyon. Sinabi ng Papa na nalaman niyang nagnanakaw ng pera ng kompanya si Tiya Conchita nang lihim niyang ipa-audit ang accounts ng opisina. Parang gusto kong maniwalang hindi naman siguro kamag-anak ng Mama si Tiya Conchita. Mula sa kung saan ay dumating sila dito at walang nagkuwestiyon nang patirahin sila ng Mama."
No wonder na hindi gusto ni Jaime na ipagkatiwala kay Conchita ang pamamahala sa realty. "Kailan mo nalamang hindi ako pinakasalan ni Jaime, Jim? At bakit niya ginawa iyon?"
"Noong madaling-araw na nasa veranda tayo. 'Di ba at nagbukas ng ilaw ang Papa. Pinasok ko siya at ipinagtapat niya ang lahat. May hinala na akong anak ko si Jaimie kaya hindi na ako nabigla nang sabihin niya iyon." Sumandal ito sa cabinet at tumingala. "At wala ako sa piling mo nang ipagdalang-tao mo ang anak ko. Wala rin ako sa mga unang buwan ng buhay niya. I wasn't here to share with you all those firsts." Gumagaralgal ang tinig nito. Si Alyssa ang napahikbi sa nakitang anyo ni Jim. "Hindi ko alam kung paano sasabihin sa iyong hindi ka totoong pinakasalan ng Papa. Ayokong isipin mong dinaya ka niya."
"I love him so much para isipin iyon. Lamang ay hindi ko maunawaan. He was so concerned about my child's welfare," bulong niya na pinahid ang mga luha sa mata.
"Mahal ka ng Papa, Alyssa. Sinabi niya sa akin ang uri ng relasyon ninyong dalawa. And to think I was jealous with my own father gayong hindi naman pala dapat." Mapait itong ngumiti. Tumingin kay Alyssa. "Tell me, sino ang dinatnan kong kayakap mo nang hapong iyon sa inyo?"
Huminga nang malalim si Alyssa. "The bestman that never was. Si Fred, my stepbrother. Anak siya ng Tiya Andrea sa unang asawa nito bago sila nagpakasal ng Papa. We were really very close at ang unang pagkakataong nagkahiwalay kami ay nang maibigay sa kanya ang promotion sa Japan, isang taon bago namatay ang Papa. Kadarating lang niya nang araw na iyon." .
"And his presence gave you an easy way out. And I doubt kung alam niyang naging kasangkapan mo siya para huwag matuloy ang kasal natin," matabang na wika ni Jim.
"I told him later."
"Gusto kong ihingi ng patawad ang nasayang na panahon sa atin, Alyssa. Na sana'y hindi ako nagpabigla-bigla. Na sana'y pinilit kitang alamin ang katotohanan. Na sana'y hindi ako umalis. Sana... sana... puro sana." Huminga ito nang malalim. "Nasaktan ako nang labis, Alyssa. Hindi ko kayang tanggaping pinaglaruan mo lang ako, lalo na nang isinasauli mo ang singsing..."
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...