NAGMULAT ng mga mata si Alyssa nang huminto ang sasakyan. Bumalik sa kasalukuyan ang isip niya.
"Narito na po tayo, Ma'am..." anang driver.
Mabigat ang katawang bumaba ng Safari si Alyssa. Natanaw ang isang taon at kalahating anak na kalaro ng yaya sa swing.
"Mommy!" sigaw ni Jaimie na tumakbong palapit sa kanya habang inaalalayan ng yaya.
Patakbong sinalubong ni Alyssa ang anak at kinarga. "Oops! Amoy tsokolate ka, ah! What did you eat, darling?"
"Lots of cookies and ice cream..."
"No wonder you have stains on your shirt. Come on, Mommy will bathe you..." Pumasok na sila sa loob kasabay ng yaya.
"Where's Papa Jaime?" ang bata uli.
Gustong mag-init ng mga mata ni Alyssa sa tanong na iyon. Nararamdaman niyang malubha ang kalagayan ni Jaime at pilit lang nitong itinatago.
"We'll visit Papa Jaime later, darling."
"Okay."
Pagkatapos ng tanghalian ay pinatulog muna ni Alyssa ang bata. Pasado alas-dos na nang magising ito. Pinabihisan niya agad ito sa yaya. Ilang sandali pa ay bumaba na ang tatlo.
"Jaimie pretty like mommy?" nakangiting wika ng bata na itinataas ang jumper.
"Very pretty darling," sagot niya bagaman gusto niyang idugtong na ilong lang at mga labi nito ang nakuha sa kanya. Lahat ay nakuha kay Jim. Muling parang kinurot ang puso niya.
Nasa ibaba na sila ng hagdan nang makarinig siya ng sasakyang pumarada. Sinong bisita ang dumating? Maaabala ba siya sa pagpunta sa ospital?
Nasa gitna sila ng sala nang sumungaw sa pinto ang hinihinalang bisita. Nasa likod nito ang driver na inilalapag sa tabi ng pinto ang dalawang malaking maleta.
"Jim..." bulong ni Alyssa na hindi napigilan ang mabilis na pagkabog ng dibdib niya.
Sandali ring naudlot ang pagpasok ng lalaki. Matalim ang mga matang nakatitig sa kanya mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ni Alyssa ay huminto sa pag-ikot ang mundo. Nasa harap niya ang lalaking laman ng isip niya sa lahat ng pagkakataon.
"Let's go na, Mommy..." Si Jaimie ang bumasag sa mga sandali nang hilahin nito ang kamay niya. Bumaba din sa bata ang mga mata ni Jim. Nagsalubong ang mga kilay nito.
"Sino ang batang iyan?" mabalasik nitong tanong.
"Celia, ilabas mo muna si Jaimie. Hintayin n'yo na ako sa labas."
Kinarga ng yaya ang bata na nagpumiglas at umiyak. Humakbang papasok si Jim na nakasunod pa rin ng tingin sa bata.
"Hindi mo sinasagot ang tanong ko," muling baling nito kay Alyssa.
"A-anak ko siya."
Isang mapang-uyam na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. "Anak? Ninyo ng Papa? I never thought na magkakaanak pa ang Papa, Alyssa. Ang nagagawa nga naman ng batang-batang asawa."
Hindi pinatulan ni Alyssa iyon. "Kung... kung gusto mong makausap ang Papa mo ay patungo kami sa ospital."
"Ospital! Sinabi niyang may sakit siya pero hindi niya binanggit na kailangan niyang maospital."
Huminga nang malalim si Alyssa. "Matagal nang maysakit ang Papa mo, Jim."
Hinawakan ni Jim ang braso niya. "Ano ang dahilan at may sakit ang Papa, Alyssa? He was a very healthy man. Fifty seven at nasa prime ng buhay niya. Inabuso mo siya?" nag-aapoy ang mga mata nito.
Hinila ni Alyssa ang braso niya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Bagaman malakas ang Papa ay may-edad na siya, Alyssa. Hindi niya kaya ang isang batang asawang tulad mo. Alam ko kung gaano ka kainit pagdating sa sex, Alyssa, despite the innocent look!" tuya nito.
Isang malakas na sampal ang kumawala mula sa kamay ni Alyssa patungo sa mukha ni Jim.
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...