Chapter 12

36.6K 781 3
                                    

TULOG pa si Alyssa nang pumasok ang yaya at kuhanin ang bata sa kama nito tulad ng nakagawian. Napuyat siya dahil sa nangyari nang nagdaang gabi.

Si Conchita na papasok ng opisina ay napadaan sa silid ni Jaime. Papasok sana ito upang kumustahin ang huli nang maudlot sa may pinto. Nasilip nitong kausap ni Jaime ang abogado at malinaw nitong narinig ang sinasabi ng matandang Villaroman. Namangha ito sa narinig. Hindi nito inakala iyon. Kumikislap ang mga mata nitong maingat na bumaba.

Pasado ala-una na nang magising si Alyssa. Pumasok siya sa banyo upang ayusin ang sarili. Pagkatapos ay naka-robe pa rin na lumabas ng veranda. Nagulat siya nang matanawan sa ibaba sa parking lot ang isang ambulansiya!

Mabilis niyang nilingon ang silid ni Jaime. Kinakabahang nilapitan ang glass door upang buksan ito at pumasok subalit naka-lock. Agad siyang bumalik sa silid niya at doon lumabas patungo sa silid ni Jaime.

Sinalubong siya ni Jim at maagap na inilabas ng silid. Nasulyapan ni Alyssa ang dalawang doktor at nurse.

"A-ano'ng nangyayari?" aniya na pilit kumakawala sa pagkakayakap ni Jim.

"Hindi mo siya kailangang makita, Alyssa," marahang wika nito sa gumagaralgal na tinig.

Tumingala siya dito. Luha ba ang nakikita niyang namumuo sa mga mata ni Jim? Agad ang pagbangon ng kaba at sindak sa dibdib ni Alyssa.

"Bitiwan mo ako! Gusto ko siyang makita." Pilit siyang kumakawala.

"No, honey." Lalong humigpit ang yakap nito sa kanya. "Hindi niya gugustuhing makita mo siya."

Lumingon silang pareho sa pinto nang lumabas ang doktor. Umiling-iling ito. Napahagulhol ng iyak si Alyssa sa dibdib ni Jim.

Tumingala sa itaas na sumandal sa dingding si Jim. Mahigpit pa ring yakap si Alyssa. Ito man ay hindi kayang pigilin ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha.

For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon