ISANG buwan na halos si Alyssa sa trabaho, at pamilyar na siya sa lahat ng aspeto nito. At sa loob ng panahong iyon ay hindi pa niya nakakaharap ang anak ng boss niya. Alam niyang tumatawag ito sa cellular phone ni Mr. Villaroman, Sr. dahil may mga separate files siyang nasa ilalim ng Villaroman Realty na hinihingi sa kanya ng boss niya.
At tulad ng dati, nang hapong iyon ay maaga siyang umalis ng opisina upang pumasok sa escuela. Nasa reception na siya ng kawayan siya ng telephone operator.
"Alyssa, nasa trunk line si Sir. Hindi mo raw sinasagot ang private line."
"Mabuti't hindi pa ako nakakaalis. Baka importante ang message niya. Thank you, Lilia, kukunin ko na sa loob ang tawag." At mabilis na bumalik sa opisina ang dalaga.
"Hello, Sir?"
"Saan ka naroon at hindi mo sinasagot ang telepono?" Galit ang tinig ng nasa kabilang linya at hindi ito boses ni Mr. Villaroman, Sr. Pero bakit sabi ni Lilia ay "Sir". Ganoon pa man ay naroon ang authority sa tinig nito.
"Who's on the line, please?" nag-aalangan subalit magalang niyang tanong.
"Bago na nga pala ang sekretarya ng Papa," pagalit pa ring sabi ng lalaki sa kabilang linya.
So, si Villaroman, Jr. ang nasa linya.
"May... may kailangan kayo, Sir?"
"Sagutin mo ang itinatanong ko. Nasaan ka at ilang segundo nang nagri-ring ang telepono ay hindi mo sinasagot? At kahapon ng ganitong oras ay tumatawag din ako ngunit wala ka na rin." Pormal at awtokratikong tanong nito.
"Pa... paalis na po ako." Nag-stammer ang dalaga. Hindi niya inaasahang may magtatanong o sisita ng oras ng kanyang pag-alis. Alam ng lahat sa opisina na lagi na'y umaalis siya dalawang oras bago mag-alas-singko.
"Paalis? Alas-tres beinte pa lang!"
"Eight to three po ang oras ko. "
"What?"
"Iyon ang arrangement ko kay Mr. Villaroman, Sir," paliwanag ng dalaga na bagaman naiilang ay nakadama ng inis.
"Is that so?" Nanunuya ang tinig nito. "I wonder why you have such privilege. Pero hindi bale na. Nandiyan ba ang Papa?"
"He left an hour ago, Mr. Villaroman," pormal na sagot niya.
"Wala siya sa bahay at wala ring sumasagot sa CP niya. Do you happen to know his whereabout?" tila nagmamadali at bagot na tanong nito.
"Wala siyang ibinilin, Sir."
"O, sh... hindi bale na," pagkasabi niyo'y nawala na ito sa linya.
Matagal nang naibaba ng dalaga ang telepono ay hindi pa rin siya tumitinag. Kung gaano kahinahon at kabait na kausap ang ama ay siyang kabaligtaran ng anak.
Pero hindi niya maiwasang isipin ito kahit naiinis siya. Maganda at buong-buo ang boses nito. Parang announcer sa FM station. Totoo kaya ang sinabi ni Melba na guwapo ito o isa na naman sa mga kakalugan ng kaibigan? Kunsabagay, kahit may-edad na ay magandang lalaki pa rin si Villaroman, Sr.
At bakit naman kailangang pag-isipan niya ang anak ng boss niya? Nagkibit ng balikat ang dalaga at nagtuloy nang lumabas.
Kinabukasan ay muling naging abala si Alyssa sa rutina ng trabaho niya. Katatapos lang niyang i- type ang isang sulat na ipinagawa ni Mr. Villaroman, Sr. para sa isang kliyente. Inayos niya ito at nang maipasok sa loob upang papirmahan sa matanda, nang sa ganoon ay maipadala niya sa mensahero.
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...