Chapter 14

40K 876 6
                                    


BIYERNES ng umaga ay nasa library na ang lahat. Inikot muna ng abogado ang paningin sa apat na mga nakaupo bago sinimulang basahin ang huling bilin ni Jaime.

"Ang lahat ng ari-arian ng yumaong Jaime Villaroman, Sr., ang marble industries, ang real estate, stocks, trusts, bank accounts, at shares sa ibang mga kompanya ay ipinamamana niya sa kanyang anak. Si Jaime Villaroman, Jr. at sa kanyang apo, si Jaimie Yssa Villaroman..."

Tumayo sa kinauupuan si Conchita at gulat na napalingon si Camilla sa abogado. "Apo?" magkapanabay na usal ng mag-ina. "Ano'ng sinasabi ninyo?"

Si Alyssa man ay nabigla. Nilingon si Jim na kalmanteng nakaupo at blangko ang ekspresyon ng mukha.

"Please, ladies... hayaan ninyong matapos ko ang pagbabasa at saka ko sasagutin ang mga tanong ninyo," wika ng abogado.

Muling bumalik sa upuan si Conchita.

"Ang seventy five percent ng mga ari-arian ay mauuwi kay Jaime Villaroman, Jr. at ang twenty five percent ay sa bata. Pangangasiwaan ni Jaime, Jr. ang twenty five percent hanggang sa dumating sa hustong gulang ang bata sa edad na beinte-singko. At ang mansion na ito at ang lupang nasasakupan, ibig sabihin ay ang farm at ang kinikita nito ay ipinamamana kay Alyssa Cortez Villaroman," patuloy ng abogado na tumingin sa nakatangang si Alyssa.

Iyong tungkol sa anak niya ay oo dahil sinabi na ni Jaime iyon. Pero ang ipamana sa kanya ang mansion at farm ng mga Villaroman ay hindi niya malubos-maisip. Sinulyapan niya si Jim at hinintay ang sasabihin nito pero nanatiling walang kibo ang binata at kalmante pa rin sa pagkakaupo.

Biglang tumayo si Conchita. "Hindi totoo ang sinasabi mo, Attorney! Hindi ang mansion na ito! Alin sa dalawa, bingi ka noong kausapin ka ni Jaime bago ito mamatay o dinaya mo ang testamento!"

Napatingin ang dalawang lalaki kay Conchita. "Linawin mo ang sinasabi mo, Conchita," anang abogado.

Binalingan ni Conchita si Jim. "Papayag ka bang mauwi kay Alyssa ang mansion at ang farm, Jim? Gayong hindi totoong pinakasalan siya ni Jaime!"

Hindi makapaniwala sa narinig si Alyssa. Ano'ng sinasabi ni Conchita?

"Narinig ko nang sabihin sa inyo ni Jaime iyon, Attorney, noong umagang bago siya namatay. Na gawing malinaw na maunawaan ni Alyssa na hindi siya legal na asawa ni Jaime. Na hindi totoong pinakasalan siya nito!"

Sinulyapan ni Alyssa ang abogado. Kumpirmasyon ang nakita niya sa mga mata nito. Nilingon niya si Jim na hindi nagbabago ang ekspresyon. Gulo ang isip na pinaglipat-lipat niya ang tingin sa dalawang lalaki.

"Bakit pahihintulutan mong mauwi kay Alyssa ang mansion at farm, Jim? Pinaghirapan ito ng mga magulang mo! Hindi ba dapat na ikontesta mo pati ang beinte-singko porsiyentong iniwan sa bata? Hindi siya pinakasalan ni Jaime! " tila naghi-hysteria na wika ni Conchita.

Huminga muna nang malalim si Jim bago tumingin kay Conchita. "Ikalma ninyo ang inyong sarili, Tiya Conchita. Alam kong hindi pinakasalan ng Papa si Alyssa. Nakita ko ang mga dokumento at nasa pag-iingat ko," kalmanteng sagot nito.

Tuluyang napatayo si Alyssa at dahan-dahang umatras palabas ng silid na iyon. Nang sulyapan niya si Conchita ay nakita niya ang kakaibang kislap sa mga mata nito. Patakbo siyang lumabas ng silid. Hindi alintana ang pagtawag sa kanya ni Jim.

Bakit ginawa ni Jaime iyon? Ang akala ba niya ay hindi nito gustong maging bastardo ang anak niya? Ang akala ba niya ay dahil sa bata kaya siya nito pinakasalan?

Hindi niya maunawaan ang nangyari. Hindi siya interesado sa manang iniwan sa kanila. Sanay siyang wala noon at marunong siyang magtrabaho. Pero ang legalidad ng pagiging Villaroman ng anak niya ay bale-wala?

Patakbo siyang pumanhik sa kanyang silid. Inabot ang mga maleta sa itaas ng closet at inihagis sa kama. Inilabas lahat ang mga damit nilang mag-ina at isa-isang inilagay sa maleta. Napuno na niya ang isang maleta at ang pangalawa naman ang binalingan niya nang bumukas ang pinto.

Si Conchita!

"Hindi ko alam kung anong gayuma at pang-aakit ang ginawa mo sa mag-ama, Alyssa!" bungad nito sa nanlilisik na mga mata. "Una ay si Jim ang nabaliw sa iyo gayong ang gusto ko ay sila ni Camilla ang magkapangasawahan upang manatili sa amin ang mansion..."

Nahinto sa ginagawa niya si Alyssa at titig na titig sa matandang babaeng humakbang papasok.

"Ginawan ko ng paraang huwag matuloy ang kasal ninyo ni Jim. Noong araw na may sakit siya ay alam kong dadalaw ka dito dahil sinabi mo sa akin iyon. Inunahan kita sa pag-uwi nang hindi mo alam!"

Hindi halos humihinga si Alyssa. Gusto man niyang magsalita ay hindi niya magawa at baka hindi tapusin ni Conchita ang sinasabi nito.

"Inutusan ko si Camilla na bigyan ng cold tablets si Jim. Nilagyan ko ng pampatulog ang tubig," tila baliw itong tumawa. "Pagkatapos mahimbing ni Jim ay pinaghubad ko si Camilla at inutusang tumabi dito! Iyon ang nakita mo noong hapong dumating ka dito. Kitang-kita ko ang sindak sa mga mata mo!" Muli itong nagtatawa.

Gilalas na hindi makapaniwala si Alyssa sa narinig.

"Nailayo kita sa anak pero ang ama naman ang nahibang sa iyo. Hindi ko maintindihan kung bakit! Iyon naman pala'y hindi ka totoong pinakasalan. Pero alam mo bang hindi gusto ni Jim na ikontesta ang mga minana ninyo ng anak mo? Hibang ang mag-amang iyon! At kami ng anak ko ay tila pulubing nilimusan lamang ni Jaime. At ikaw, Alyssa, ikaw ang dahilan kung bakit nabale-wala kami ni Camilla. Hindi mauuwi sa iyo ang mansion!" Akma siya nitong susugurin nang mula sa likod ay maagap na hinawakan ni Jim ang dalawang kamay ng babae.

Hinila nito palabas ang naghihihiyaw at nagtatawang si Conchita.

Kung ilang sandaling nanatiling nakatanga si Alyssa. Namanhid ang buong katawan niya. Kagagawan ni Conchita ang inabutan niya noong hapon iyon! At nasira ang buhay nila ni Jim dahil doon!

Napasubsob siya sa ibabaw ng unan at umiyak nang umiyak. Kung gaano katagal siyang nasa ganoong ayos ay hindi niya alam.

Dalawang kamay ang banayad na humawak sa mga balikat niya at marahan siyang itinayo.

"Jim?"

For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon