INIHATID si Jaime sa huling hantungan makalipas ang tatlong araw. Wala na ang mga taong nakiramay ay naroon pa rin si Alyssa.
Hinawakan siya sa magkabilang balikat ni Jim. "Let's go, Alyssa." Inakay siya nito papasok sa naghihintay na sasakyan. Walang kibong sumunod si Alyssa. Pagkapasok sa loob ng sasakyan ay ipinikit niya ang kanyang mga mata. Sa loob ng nakalipas na tatlong araw ay mapalad na ang maidlip siya nang isang oras.
Bagaman inihanda na siya ni Jaime dito ay nahihirapan siyang tanggaping wala na ang taong pinagkakautangan niya ng lahat sa kanilang mag-ina ngayon. Dala ng puyat, pagod ng isip at katawan ay nakatulog si Alyssa na nakahilig sa balikat ni Jim.
Pagdating sa mansion ay binuhat siya nito papanhik sa silid niya at maingat na inilapag sa kama. Kinabukasan na ng umaga nang siya ay magising.
"Ano ngayon ang plano mo, Jimmy? Babalik ka ba sa Amerika ngayong wala na ang Papa mo?" Si Conchita habang nag-aalmusal silang apat.
Umiling si Jim. "Hindi na, Tiya Conchita. Dalawang kompanya ang iniwang responsibilidad ng Papa."
"Ikaw, Alyssa? Mananatili ka ba rito sa mansion ngayong patay na si Jaime?" baling nito kay Alyssa na nahinto sa pag-inom ng kape.
"Bakit kailangang itanong iyan, Tiya Conchita? Bahay ni Alyssa itong mansion bilang Villaroman," sagot ni Jim bago nakapagsalita si Alyssa.
"Ow?" makahulugang sumulyap si Conchita kay Alyssa na nagsalubong ang mga kilay sa pag "ow" nito.
"Iyan sana ang gusto kong sabihin sa iyo, Jim," lingon nito sa lalaki na nasa upuan ni Jaime. "Gusto kong doon muna kami sa mga Tiya Andrea ni Jamie."
Malakas na naibagsak nito ang kutsara sa pinggan. "Hindi, Alyssa! Dito ka sa mansion hangga't hindi ko sinasabing aalis ka, kayo ng... ni Jaimie," matigas na sagot ni Jim.
Matalim na sinulyapan ni Conchita si Alyssa na nagpatuloy sa pagkain.
"Sa ikaapat na araw, sa Biyernes ay darating si Attorney upang basahin ang testamento ng Papa. Kailangan ay narito kayong lahat," patuloy ni Jim. Tumango-tango lang si Conchita na bahagyang ngumiti. "At Alyssa, you're still on leave. Sa isang linggo na natin pag-usapan ang tungkol sa trabaho mo," wika nito bago tumayo.
Sa loob ng sumunod na apat na araw ay naging abala si Jim sa pag-aasikaso sa dalawang kompaya. Subalit gaano man ito kaabala ay hindi ito nawalan ng panahon sa batang si Jaimie.
Sinisiguro nitong sa umaga bago umalis patungo sa opisina ay naglalaro ito at ang bata. At sa hapon pag-uwi ng binata ay kasama rin ito. At kung ginagabi ito sa pag-uwi at tulog na ang bata ay hindi nito nalilimutang pasukin sa silid at hagkan. Hindi lingid kay Alyssa iyon. Kung masasaktan o matutuwa siya ay hindi niya alam. Si Jim ay nananatiling civil sa kanya bagaman hindi iilang beses niya itong nahuhuling nakatitig sa kanya.
Ano ang gagawin niya sa mag-ama? Paano niya magagawang ilayo ang anak sa sarili nitong ama?
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...