WALANG hindi nabigla sa ginawang biglang pagpapakasal ng matandang Villaroman at ni Alyssa. Sa isang opisina ng kaibigang judge ginawa ang rituals. Ang tumayong witnesses ay sina Andrea at Melba.
Sunod-sunuran si Alyssa sa mga pangyayari, pinirmahan niya nang walang tanong ang mga iniabot na papeles. Isang halik sa noo ang iginawad sa kanya ni Jaime nang matapos ang kasal.
Sa pagtataka ng lahat ay walang naging reception ang kasal na iyon na lihim namang ipinagpasalamat ni Alyssa. Sa mansion ay ni hindi siya kinamayan ni Conchita na kulang na lang ay patayin siya sa tingin. Si Camilla ay binati siya ng isang halik sa pisngi na parang walang anuman. Gusto niyang sumiksik sa sulok sa halik na iyon.
"Ito ang magiging silid mo, hija. Sa kabila ang silid ko. May connecting door ang dalawang silid. Maaari mong i-lock ang sa iyo," wika ng matanda na ipinakita ang magiging silid niya.
"S-salamat..." ang tanging nasabi niya.
"Magpahinga ka na at bukas ay magsisimula ka na sa mga gawain mo sa realty," bilin ni Jaime bago lumabas ng silid.
Kinabukasan nga ay nagsimula sa trabaho niya si Alyssa. Ang silid ni Jim ang ipinagamit sa kanya ni Jaime. Malungkot na iginala ni Alyssa ang mga mata niya sa opisina ni Jim. Sinikap kontrolin ang emosyon.
Lumipas ang maraming araw at halos hindi na namalayan ni Alyssa ang paglaki ng tiyan dahil sa abala sa gawain. Hindi na rin siya pumasok sa escuela upang huwag masobrahan sa pagod. Tiniyak ni Jaime na bagaman abala siya ay hindi siya mao-overfatigue.
At sa loob ng panahong ipinagbuntis niya ay tatlong beses niyang narinig na umuungol si Jaime sa kabilang silid. At sa loob din ng mga pagkakataong iyon ay dinadaluhan niya ito. At kung minsan ay madaling-araw na kung makalmante ang matanda. Hindi alam ni Alyssa kung may sumpong pa itong hindi niya alam.
Hustong dapat ay magtatapos si Alyssa ay nasa delivery room siya at nanganganak. Paglabas niya ng DR at maihatid sa private suite ay naroon si Jaime, si Andrea, at si Melba.
Isang maganda at malusog na batang babae ang anak niya. Mismong si Jaime ang nagbigay ng pangalan dito, Jaimie Yssa Villaroman.
Mula nang makapanganak siya ay kinakitaan niya ng ibayong sigla ang matanda. Kung nasa bahay din lang ito ay tinitiyak nitong kasamang lagi ang apo. Maliban sa kanilang dalawa, sina Andrea at Melba lamang ang nakakaalam ng tunay na ama ng bata.

BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...