MAAGA pa lamang ng Linggo ay umalis na ng bahay si Alyssa. Nagtungo siya kina Melba at Sabado pa lang ay inimbita na niya ang sariling pupunta roon.
"Ikaw talaga, oo. Pinamalengke mo tuloy ako nang wala sa oras," pabirong reklamo ni Melba habang naghihiwa ng karne.
"Paparito ka tuwing Linggo, Alyssa," natatawang sabad ni Leandro. Ang asawa ni Melba. Junior executive sa isang brewery. "Kung hindi, tiyak na lutong ulam na naman ang tanghalian namin."
Inirapan ni Melba ang asawa na natatawang lumabas ng sala. "Para dalawang araw lang ng Linggong lutong ulam ang inihain ko, nangonsiyensiya na," wika nito na binalingan si Alyssa. "Baka mapikon ka. Natutuwa nga ako at narito ka. Nakilala mo ang pamilya ko."
"Kilala naman kita, ano." Binalatan ni Alyssa ang mga patatas sa mesa.
"Ano ba talaga ang dahilan at narito ka ngayon? Hindi dahil sa hindi ko gustong narito ka, ha. Nagtataka lang ako. Masyado kang frantic kahapon nang sabihin mo sa aking pupunta ka ngayon dito. At kilala kita, kaya huwag kang magkakaila. Masyado kang mahiyain para i-impose ang sarili. Nagtatampo ka ba sa Tiya Andrea mo?"
Umupo ang dalaga at nangalumbaba. "Baka sa mga oras na ito ay nasa amin si Jim."
Ilang sandali munang titig na titig si Melba sa kaibigan bago biglang lumapad ang ngiti. "My, oh, my! Nasa bahay ninyo ang prince charming? O, eh, ano'ng ginagawa mo rito gayong naroon pala siya sa inyo?"
"Simple. Iniiwasan ko ang Jim na iyon."
"Ano? Sira ka ba? Aba'y ako ang pag-interesan ni Jim Villaroman at idi-divorce kong bigla si Leandro!" eksaheradong biro ni Melba.
"Talaga, ha?" natatawang sagot ni Leandro na nakasandal sa may hamba ng pinto.
"Oh, well... don't believe me, darling. Ito kasing si Alyssa, eh," nakangiting baling ni Melba sa asawa. "Doon ka na nga at usapang-babae ito," taboy nito sa asawa.
Nagkibit ng balikat si Leandro na muling bumalik sa loob.
"O, ngayon, pakieksplika mo nga sa akin ang dahilan mo, Cinderella, kung bakit ka narito habang nasa inyo si Prince Charming?"
Nagbuntong-hininga si Alyssa. "Hindi ko alam kung paano pakikitunguhan si Jim, Mel. Nalilito ako sa kanya at natatakot ako sa sarili ko. He's too sure of himself. Pakiramdam ko ba, string puppet ako sa mga kamay niya. Sarisaring emosyon ang napupukaw niya sa akin at wala akong magawa!"
"'Day, you must be in love!"
"You're jumping into conclusion!"
"'Ay, naku, Alyssa! Dalawang bagay lang iyan. Ayaw mo siya o gusto mo siya. And since, wala naman sa mukha mong ayaw mo siya, so gusto mo siya." Naroon ang logic sa sinasabi nito.
"Hindi ba ilusyon iyon?" mahinang sabi niya.
"Hindi matapobre ang mga Villaroman, Alyssa. Galing din ng hirap si Sir Jaime. Ngayon, kung pareho kayong nagkakagustuhan ni Jim, walang problema. But kidding aside, Alyssa, gusto kong sabihing hindi ikaw ang babaeng para kay Jim Villaroman. Napakabata mo pa. Kaya lang, sino ako para husgahan iyon? Sana'y maging matalino ka sa pakikitungo sa kanya. I don't want him to break your heart. Famous sa ganoon si Jim Villaroman, Jr."
"How could he be so irresistible, Melba? It's so unfair. Hindi ko maintindihan, marami namang guwapo riyan."
Naroon ang simpatya sa tinig ni Melba nang muling magsalita. "Let's just hope na seryoso si Jim sa iyo. Ano'ng malay natin, baka talagang tinamaan siya sa iyo. Kung hindi ba naman, empleyado ka nila at alam kong may patakaran si Jim na purely business ang attitude pagdating sa employees." Nilapitan nito si Alyssa. "Sira si Jim 'pag hindi siya seryoso sa iyo. Maganda ka at matalino. And you're really worth loving, Alyssa. Hindi dahil kaibigan kita, ha."
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...