NAG-IGTING ang mga bagang na dinama ng binata ang pisngi nito. Si Alyssa ay bahagyang umatras. Hindi niya akalaing magagawa niya iyon.
"Do it again, Alyssa, at hindi ako mangingiming ibalik sa iyo," ang mahina ngunit nagbabantang sabi nito.
Mabilis na lumabas si Alyssa patungo sa nakaparadang Safari. Binuksan ng driver ang passenger's seat sa unahan at sumakay doon ang yaya. Dinampot niya ang bata at siya na mismo ang nagbukas ng pinto sa likod. Halos magkapanabay lang silang pumasok ni Jim. Nakapagitan sa kanila si Jaimie.
Tumatakbo na ang sasakyan at sinikap ni Alyssa na i-focus ang paningin sa daan. Si Jaimie nama'y hindi mapigilan ang ginagawang pagtingin kay Jim. Estranghero ito sa paningin ng bata.
Tinunghayan ni Jim ang bata na nginitian ito. Kung anuman ang nararamdaman ng binata nang mga sandaling iyon para kay Alyssa ay sandaling naglaho. Lumambot ang mukha nito at gumanti ng ngiti sa bata.
"Who are you?" Si Jaimie na nagpakandong sa binata.
"My Name is 'Jim'. And you?"
Itinuro ng bata ang dibdib. "Jim... Jaimie..." itinuro naman nito ang sarili "... and Jaimie is pretty." Muli itong ngumiti.
"Yes. Very pretty, like your mommy," at pagalit na sinulyapan ni Jim si Alyssa. "Makamandag na ganda," pabulong nitong idinagdag.
Huminga nang malalim si Alyssa at hindi pinansin iyon. Kararating lang ng binata pero napakainit nang hangin sa pagitan nilang dalawa.
Sa ospital ay pinilit ni Jaime ang dalawa na ilabas na siya nang hapong iyon.
"Jaime, please..." pakiusap ni Alyssa. "Mas makabubuti sa iyong narito ka. Agad kang matitingnan ng mga doktor anuman ang mangyari."
Masuyong hinawakan ng matanda ang kamay ni Alyssa. Marahang tumalikod si Jim at kunwa'y tinitingnan ang chart na hawak ng nurse.
"Sige na, Alyssa, Jim. Ayusin na ninyo ang paglabas ko rito," utos ng matanda.
"Kung iyon ang gusto mo, Papa, ay ilalabas kita ngayon." Si Jim na muling lumapit sa kinalalagyan ng ama.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo!" naaalarma niyang tiningnan ang binata na nagsalubong ang mga kilay.
"Alyssa, please. Iniutos kong ilabas ninyo ako sa ospital na ito. At paglabas ninyo ay papasukin mo rito si Jaimie," mariing utos nito.
Tumayo si Alyssa upang lumabas kasunod si Jim. Mahigpit siyang hinawakan nito sa braso nang nasa pasilyo na sila.
"Ano ang sakit ng Papa, Alyssa, at nahulog nang ganoon ang katawan niya?" marahas nitong tanong.
"Your father is dying! Brain tumor," mahinang sagot niya. "Matagal na at hindi niya gustong ipaalam sa iyo upang huwag kang mag-alala."
"Brain tumor..." anas ng binata na napasandal sa dingding. Ipinasok ang mga kamay sa bulsa ng pantalon at tumingala sa kisame.
"At hindi mo ipinaalam sa akin!" pagalit nitong binalingan si Alyssa. "Iniwan ko ang Papa nang matagal dahil sa iyo. Nang dahil sa iyo ay hindi ko nagawang damayan ang sarili kong ama! Oh, how I hate you!"
Gustong kabigin ni Alyssa si Jim at dalhin sa dibdib niya. Hindi para sa sarili kundi para sa bitterness and pain na ibinabadya ng mukha nito para sa ama.
'"Hindi niya gustong ipaalam sa iyo dahil mag- aalala ka. Walang nakakaalam, Jim. Ako lang at ang mga doktor na tumitingin sa kanya," banayad niyang sinabi.
"Ang Tiya Conchita? Si Camilla?"
Tumigas ang mukha ni Alyssa sa mga pangalang binanggit. "Hindi ko alam ang dahilan ng Papa mo sa paglilihim. At hindi ko rin alam kung bakit hindi niya gustong katulungin si Conchita sa pagpapalakad ng mga kompanya." Nagpatiuna siyang lumakad.
BINABASA MO ANG
For The Love of Alyssa COMPLETED (Published by PHR)
RomanceNakatakda na ang pag-iisang dibdib nina Jim at Alyssa. Pero dahil sa isang pangyayari ay hindi natuloy ang kasal. At makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpakasal si Alyssa sa ama ng binata, kay Jaime Villaroman, Sr. Bakit ginawa iyon ni Alyssa ga...