Sa loob ng silid ay umiiyak si Evelyn, ang ina ni Cassey habang nakaupo sa tabi ng anak nito. Bakas ang awa sa mukha nito dahil sa kalunos-lunos na sinapit ni Cassey. Isang linggo na ang nakalipas nang mahatid si Cassey sa ospital dahil sa nangyari.Araw-araw ay walang sawa itong nananalangin na sana'y magigising na si Cassey; na sana'y makakapiling niya ito muli nang sa gayo'n ay mapupunan niya ang kaniyang pagkukulang bilang ina.
"K-kumusta na po siya?"
Napalingon si Evelyn sa kakapasok na kaibigan ni Cassey, si Maria. May dala-dala itong isang basket ng prutas at iilang libro na paborito ni Cassey.
"G-gano'n pa rin, hindi gumigising," nanlulumo niyang sagot, "sobrang sama talaga ng bagsak niya kaya umabot pa talaga sa puntong na-comatose siya."
Hindi na nakasagot pa si Maria at napaupo na lang ito sa bakanteng upuan. Nakatingin lang ito sa kawawang kaibigan na mahimbing na natutulog sa hospital bed.
"Hindi ko alam na gano'n na pala ang epekto ng pagkamatay ni Thomas sa kaniya. Na-depressed si Cassey na hindi ko alam, masyado akong napukos sa trabaho na hindi ko alam kung okay na ang aking anak matapos mawalan ng nobyo."
"H-h'wag n'yo pong sisihin sarili n'yo Tita. Wala po kayong kasalana—"
"Hindi. Kung naging mabuting ina ako sa kaniya ay nandoon sana ako sa panahong kailangan niya ng kasama, panahong gusto niya ng karamay. Siguro kung ginampanan ko lang talaga iyon ay hindi siya tatalon sa bintana at babagsak sa semento ng aming plant box. Oo nga't mababa lang 'yon, pero ayon pa nga sa doktor ay mas nauna ang ulo niya at ito ang napuruhan kasama ang spinal cord niya."
"P-pareho lang po tayo na nagkulang ng pansin kay Cassey. Hinayaan ko lang din po siya noong panahong may napapansin na akong kakaiba sa kaniya, imbes na maging responsable at may pakialam na kaibigan." Nagsisising saad ni Maria.
"A-anong kakaiba?"
"Iyong tini-text niya po si Thomas, kahit nasa kaniya 'yong phone nito; kinakausap niya Thomas. Depressed na depressed siya na ang tanging nakakapagaan sa loob niya ay ang kunwaring kausapin si Thomas. Hanggang sa umabot sa puntong nagha-hallucinate na rin ito, gaya no'ng sinabi niya na naririnig niya raw 'yong boses ni Thomas."
Mas naiyak ang ina ni Cassey dahil sa pinahayag ni Maria. Para siyang pinagsakluban ng langit dahil sa narinig niya.
"Isang bagay pa ay 'yong nagalit siya sa 'kin dahil pinagmumura ko raw siya kahit hindi naman talaga. Nag-screen shot pa talaga siya at ini-send sa 'kin upang tignan, pero wala talaga. Binilugan daw niya pero ibang salita ang may marka, at sa buong thread namin ay wala talaga akong nakikitang pagmumura ko." hindi na napigilan pa ni Maria at pinahid nito ang luhang pumatak mula sa mata, "Napansin kong parang may mali na sa kaniya, pero nanaig 'yong pagsasawalang-bahala ko at mas hinayaan lang siya."
"D'yos k-ko po." Iyak ni Evelyn at mas napahagulhol pa.
Hindi niya alam na nabaliw na pala ang anak niya.
"Sinisisi rin po niya ang sarili sa pagkamatay ni Thomas."
Wala nang nagtangka pang magsalita sa dalawa. Nanaig na ang katahimikan sa loob ng silid at kapwa naipasailalim sa malalim na pag-iisip.
"Magiging maayos pa kaya siya?" Biglang tanong ni Evelyn at mahigpit na napahawak sa kamay ni Cassey.
"Oo naman po," ngumiti si Maria sa kabila ng mga luhang nasa mga mata nito, "matibay si Cassey, kaya niya po ito."
Napangiti na rin si Evelyn, "Anak, Cassey. Gumising ka na. Miss na miss na kita." Bulong nito sa anak.
"Besuwap! Gumising ka na riyan! May bonding pa tayong gaganapin! Ang daya mo—"
Ang masiglang sigaw ni Maria ay naputol at kapwa sila natigalgal ni Evelyn nang marining ang nakakakibalot na walang-tigil na tunog mula sa machine na katabi ni Cassey—ang machine na nagsasabi sa kaniyang kasalukuyang kondisyon.
Naging flat na ang linya na kanina lang ay purong zigzag.
Binabawian na ng buhay si Cassey!
"Doc! Nurse! Tulong! 'Yong anak ko!"
Mabilis na lumabas si Evelyn at humingi ng tulong. Buti na lang at may doktor sa nurse station at nagawa nitong daluhan ang ina ni Cassey na umiiyak.
"Anong nangyari?"
"Si Cassey! Tulungan n'yo siya!" Pagmamakaawa ni Evelyn at naiwan sa labas.
Pumasok ang doktor at nang makita nito ang sitwasyon ni Cassey ay agad itong napailing sa nakita.
Agad na tumawag ang doktor ng nurse para sa emergency. Hindi rin naman nagtagal at nagsipasok ang grupo ng mga nurse na may dala-dalang machine ng defibrillator.
Mula sa labas ay walang kabuhay-buhay na napaupo sa gilid ng pasilyo si Evelyn. Umiiyak pa rin ito at tahimik na nananalangin na sana'y magiging maayos ang anak.
Tinabihan siya ni Maria at inakbayan sabay pisil ng balikat nito, "Matapang at matatag po si Cassey, lalaban po siya." Sabi nito sa ina ng kaibigan.
Tango lang ang sagot ni Evelyn habang pinapahid ang mga luhang walang-tigil kung umagos.
≈≈≈
Ilang minuto ang lumipas at biglang bumukas ang pintuan. Napatayo kaagad sina Maria at Evelyn upang tanungin ang sitwasyon ni Cassey.
"K-kumusta si Cassey dok?" Kinakabahang tanong ni Maria.
Napabuntong-hininga ang doktor, "Hindi namin alam paano, pero bigla na lang na tumigil sa paghinga si Cassey. Hindi na namin siya nasalba pa. Patawad Mrs. Evelyn."

BINABASA MO ANG
Thomas, [Book One]
Horror"Mahal kita at kailanman hindi kita ipagpapalit." Date Started: March 21, 2018 Date Finished: June 22, 2018